17 Ang Tala

292 34 71
                                    

Ika-Labimpitong Kababalaghan

Ang Tala


Hindi na ganoon kabigat ang pakiramdam ni Mart habang isinasalaysay ng kaniyang ate ang mga pangyayari. Tatlong buwan na ang nakalilipas ngunit tila sugat na muling natuklap para sa kanila ang mga ala-alang iyon. Walang mapaparisan ang takot na kanilang naranasan n'ong isa-isang mawala ang miyembro ng kanilang pamilya, n'ong nakasalamuha nila ang mga maligno at diwata, at ang iba rito'y muntikan pa silang kainin ng buhay.

"My condolences," malungkot na tugon ng duwendeng si Duroy habang nanginginain ng sinabawang kanin. "Nadagdagan sana kayo ng apo pero... gan'on talaga ang buhay. Ano nga pala'ng nangyari sa katawan nung buntis?"

"Inilibing na namin agad sa likod ng kubo 'yung mga natirang... ahm," pigil ni Maggie sa kaniyang sagot. "Sorry, nasa harap tayo ng pagkain." Nakaupo pa rin sila sa hapag-kainan at wala pang gumagalaw sa luto maliban kay Duroy.

"'Wag mong kaisipin, Ineng," dagliang sambit ni Lola Nimpa. "Katunayan, ang mga natagpuan namin ay mga huwad na katawan lamang ng puno ng saging na pinagmukhang laman ng tao ng mga aswang." Magkahalong lungkot at takot ang naging reaksiyon ng magkakapatid.

"Ang mga aswang ay orihinal na nainirahan sa Kabisayaan. Siguro sa dami ng populasiyon at tagal ng panahon, kumalat na sila sa iba't ibang lugar, maging dine sa Kamaynilaan," dagdag niya.

"Pero bakit po kami pinupuntirya?" tanong ni Maggie.

"Hindi ko rin alam kung paano nila nalaman ang lokasiyon ninyo. Maaaring-" Napansin ni Mart ang biglang pagtigil ng kanilang lola. Tila may bagay na naalala na pilit kinakalimutan. Sumingit siya sa usapan.

"Duroy, saan po kaya napunta ang Balete? Paano po kayo nakalabas?"

Napakamot sa puwet ang duwende at sinubukang alalahanin ang mga pangyayari. "Tulad nga ng sinabi ko na sa inyo, ang mga malignong 'di ayon sa balak ng Engkantada ay pinalayas. Nakaalis kami bago pa nila madala ang kaharian sa kung saan man. Pero naiwan doong nakikipaglaban sina Maria at ang datu ng mga diwata."

Napansin ni Mart ang pag-iwas ng kaniyang lola ng paningin nang mabanggit si Gat Panahon. Hanggang ngayon, hindi pa rin siya makapaniwala na ang kinalakihan nilang si Lolo Isko, ang masipag nilang lolo na 'di nauubusan ng ngiti sa tuwing sila'y pinagmamasdan – ay ang namumuno pala sa mga maligno sa loob ng puno, ang diwatang umampon at nangalaga din kay Maria Makiling, ayon sa ikinuwento sa kanila ng kanilang lola.

Nagtanong muli ang duwende. "At ang inyong ina? Ang ilaw ng tahanan?"

"Nasa Japan na si Mama. Working abroad," sagot ng batang si Mac na kanina pa nakikipaglaro sa aso sa isang tabi. Masiyado silang nadala sa kwentuhan kaya gan'on na lamang ang kanilang pagkagulat nang bumukas ang malaking pinto sa kanilang harapan at pumasok ang malamig na simoy ng gabi. Naaninagan nila ang isang nagliliwanag na nilalang kasama ang isang gusgusing batang lalaki.

"Speaking of ilaw," mangha ng duwende.

Maluwag na ngumiti ang babae, nadagdagan pa ng kinang ng kaniyang mapuputing ngipin ang liwanag na dumadaloy sa kaniyang katawan. Halos magmukhang tanghaling tapat ang looban ng kanilang bahay.

Ibinuka ng dilag ang kaniyang pamaypay, itinaas ang suot na shades at nagwika,

"Hello, kids. I'm Tala, anito ng mga bituin. But unlike them, I don't twinkle. I shine. Hmm."

'May kamukha siyang sikat na popstar,' sabi ni Mart sa sarili habang pinupunasan ang suot na eyeglasses.

"Arf! Arf!" Masiglang lumapit sa pintuan ang kaninang nananahimik na si Jordan at diniladilaan ang binti ng dalaga.

BALETE CHRONICLES: Unang AklatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon