Ika-Tatlumpu't Walong Kababalaghan
Ang Kasal
MAKALIPAS ANG TATLONG LINGGO.
"Hindi ba kaygandang pagmasdan?" tanong ni Tatay Miguel sa masayang tono. Malaki ang ngiti nitong wari'y nagpapakilala ng baby na bagong panganak, naglalaro ang pananabik sa mga mata.
Hindi agad nakasagot si Mike. Hindi dahil salungat siya rito kung hindi dahil nalulunod pa rin siya sa sariling pagkamangha. Nakasilong siya sa ilalim ng punong talisay n'on, nagmumuni-muni habang nilalaro ng mga daliri ang suot niyang agimat nang lumapit sa kaniya ang kaniyang ama.
"Opo," maikli niyang sagot. Nakararamdam pa rin siya ng kaunting ilang sa tabi ng kaniyang tatay. Pero laking pasasalamat niya sa pagbabago nito. Napapagalitan pa rin siya sa tuwing may nagagawang mali. Tulad nung isang araw na na-late siya ng pasok sa school at nung isang gabi na hindi niya pala napindot ang rice cooker. Pero hindi na tulad ng dati na pinangungunahan ng galit at poot. Ramdam ni Mike ang pagkalinga ngayon ng ama nila sa kanilang magkakapatid. Unti-unti ring naikukwento nito ang tungkol sa sariling karanasan bilang Maharlika.
"Isa lang ang huling habilin sa akin ng lola mo." Bakas ang lungkot sa boses nito tuwing nababanggit si Lola Nimpa. "Sabi niya, 'wag na 'wag ko kayong pipigilan sa kagustuhan niyo, sa pangarap niyo at sa pagiging Maharlika. Ang sagot ko naman, sisiguraduhin kong lalaki kayong kasing tapang ng inyong lola."
Nagngitian silang mag-ama.
"Tignan mo si Mac. Nakakatuwa."
Nilinga agad ni Mike ang tinutukoy nito. Isang maliit na puno ang nasa gitna ng malawak na kaparangan, puno ng Balete na noo'y binhi lamang na itinanim ni Mac at ngayo'y may malago na ang mga dahon sa tulong na rin mismo ng bunso niyang kapatid. Sa may gilid ay masayang nakikipagtalo si Mac sa harap ng ilang nunong himalang nakikinig sa kaniyang mga kwento. Marami-rami na sigurong naisalaysay si Lola Nimpa.
Sa kabila naman ay tumutulong si Maggie sa pag-aayos ng hardin na pagaganapan ng kasal. Kasama nito ang ilang diwata at anggitay sa pagdidisenyo at paglalagay ng tamang liwanag sa dakong iyon. Ginamit ng kaniyang ate ang sinag nito para magpalabas ng mumunting araw.
Sa may bandang likuran ay nakikihalubilo si Mart sa kumpulan ng tikbalang na naghahasa ng kani-kanilang mga patalim. Gagamitin ang mga ito mamaya sa pag-aalay at pagsaludo sa bagong kasal. Nakikiusyoso si Mart sa pagyayabangan ng mga sandata nila. Maging ang mga duwende'y nakisama sa usapan.
Si Duroy at ang kaniyang mag-anak ay naroon din para saksihan ang magiging kaganapan.
Ibinaling ni Mike ang tingin sa pares ng malignong mag-iisang dibdib sa mga oras na 'yon- sina Tómas at Perlas. Kausap ng mga ito si Gat Panahon na nakasuot ng magarang pananamit pang-datu at si Maria Makiling, ang anito ng pagmamahalan na siyang magsasawa ng seremonya ng kasal.
Tatlong linggo pa lang ang lumipas noong huli silang magkita-kita sa may isla sa lawa ng Laguna, noong matapos ang digmaan at mawasak ang dati nilang Kaharian. Ngayon, lahat sila'y nagbalik sa dating pwesto ng Balete sa may Baryo Kumintang upang muling itaguyod ang Kaharian ng Batangan.
"Siya nga pala," akbay ni Tatay Miguel sa kaniya. "Napagpasiyahan namin ng lolo mo na muling magbukas ng Klab para sa mga Maginoo sa probinsyang ito. Nakakakaba pero pangungunahan ko ang muling paglikom ng mga batang magiging Maharlika."
"Talaga po?" panlalaki ng mata ni Mike. Maging siya'y nasabik sa plano nito. "Pero paano po? Titigil na ba kami sa school sa Maynila?"
Napatawa ang tatay niya. "Hindi, Mike. Kailangan ko pa ring kumayod at tuwing day-off lang ako dadalaw rito gamit ang lagusan. Ang lolo mo ang mamamahala bilang bumalik na ngayon ang kaniyang pagka-datu. Kayong magkakapatid? Kailangan niyo pa ng pagsasanay kaya malamang ay ite-train muna kayo ng pangunahing himpilan ngayon ng Klab."
BINABASA MO ANG
BALETE CHRONICLES: Unang Aklat
FantasyWhat if Philippine folktales, myths and legends are set in the present time? What if scary mythological creatures do exist and are secretly roaming within our very own cities we used to live comfortably? Do anitos have anything to do with our weathe...