35 Ang Engkantada

123 29 5
                                    

Ika-Tatlumpu't Limang Kababalaghan

Ang Engkantada

NOONG UNANG BESES na dinala siya ng kabaong sa lugar na 'yon, matinding takot ang naramdaman ni Mike. Ngayon, puno ng kapanglawan ang dako para sa mga engkanto. Pakiramdam niya'y mas lalo pang lumaki ang kaparangang wala na ngayong kalaman-laman. Lalo pang lumamig ang hanging tumatama sa kaniyang balat.

Hindi siya sigurado sa dapat maramdaman. Tumatalon ang kaniyang kabadong puso hanggang sa lalamunan. Ngunit kapag iniisip niya ang kaniyang mga kapatid, kaibigan at kaniyang lolo na magiting na nakikipaglaban sa labas, nakapagpapakalma ito sa kaniya at muling nagpapaningas ng pag-asa.

Ibinababa siya ng flying casket sa mismong harapan ng bulwagan. Agad rin itong umalis pagkatapak niya sa semento. Nasa tapat niya ngayon ang pintuang sinubukan niyang sirain noon. Nakaawang ito at lumalabas ang malamlam na liwanag ng sulo mula sa loob.

Malamig ang kaniyang pawis. Nanunuyo ang kaniyang bibig. Sinubukan niyang pigilan ang panginginig ng kamay. Umiikot ang mumunting kuryente sa kaniyang katawan, naghahanap ng sulok na matataguan.

Huminga siya nang malalim at nang hahawakan ang pinto'y narinig niya ang mahinang pagtangis na 'yon. Hindi niya naiwasang sumilip sa loob. Isang babaeng nakaputi ang nakaupo sa gitna ng bulwagan. Mahaba ang buhok nitong abot talampakan. Taas-baa ang mga balikat nito sa pag-iyak.

"Maria?" Nagtaka man, nagpasiya na siyang pumasok sa loob.

Agad siyang nilingon ng dalaga. Tumahan ito at pinunasan ang mga luha sa mata. Umayos ito ng upo.

"Ano pong nangyari?" tanong ni Mike ngunit hindi na niya nahintay ang sagot ng anito dahil agad siyang napatakip ng bibig. Isa pang dalaga ang nakahiga sa sahig. Pamilyar ang gown nitong gawa sa sutla at burdado ng marikit na disenyo. Walang-malay at mapayapang nakapikit ang mga mata. Natatandaan ni Mike ang nunal nito malapit sa labi— si Reyna Ana.

Napipi si Mike sa pagkagulat. Umurong ang kaniyang dila at hindi na maalis ang tingin sa reyna ng mga engkanto't engkantada.

"Natatakot ako," bulong ni Maria. Nanginginig ang boses nito't nangingilid pa rin ang mga luha. "Mahal ko siya. Mahal ko ang aking ina. Ngunit—"

Nadama ni Mike ang matindi nitong pangamba. Hindi niya man ito ganoon kakilala dahil isang beses pa lamang sila nagkikita ngunit nakaramdam siya ng koneksyon na nag-udyok sa kaniya para lumapit. Sinubukan niyang ipatong ang kamay sa balikat nito para aluin.

"Hindi ko lubos akalaing aabot sa ganito ang maga kaganapan. Alam ko ang nararapat gawin. Alam naming lahat na darating din ang sandaling ito, ang sandaling magpapalaya sa kaniya sa habangbuhay na pagkakakulong." Nakatulala si Maria sa may pader, 'di kayang tignan ang kaniyang inang wala na ngayong malay.

Taimtim lamang na nakikinig si Mike.

"Bata pa lamang ako'y lumaki na ako sa kalinga nina Dayang Makiling at Gat Panahon. Sa mga salaysay ko lamang naririnig ang tungkol sa aking tunay na ina. Magkagayunman, hindi ko ginusto ang bagay na ito. Hindi ko kakayanin. Hindi—" At muling umagos ang luha ng dalaga.

Wala namang maisip ni Mike na gawin para tumahan ito. Naalala niya ang sinabi ni Apolaki, na kaya pumunta sa Balete ng Batangan si Maria ay dahil pakay nitong siya na ang magsasawa ng nakatakda, palayain ang engkantada magpakailanman— sa pamamagitan ng kamatayan.

"Gawin mo na," sabi nito sa kaniya. Mariin ang tingin ng mga mata nitong nangungusap, nakikiusap. "Tanggap ko na. Tanggap na namin ang nakatakda. Batang tagapag-ingat ng agimat, nasa kamay mo ang kapalaran ng sangkatauhan." Tumayo ang dalaga at mahigpit na hinawakan ang mga balikat ni Mike. "Nawalan siya ng malay dahil sa aming pakikipaglaban kanina. Ikaw na ang tumapos ng aking nasimulan." Bumitaw ito't humakbang papunta sa madilim na sulok para maghintay.

BALETE CHRONICLES: Unang AklatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon