16 Ang Diwata

297 30 7
                                    

Ika-Labing Anim na Kababalaghan

Ang Diwata

Sa ilang libong taong pamamalagi niya sa mundo, hindi aakalain ni Maria na may bagay pa palang magpapagulat sa kaniya. Kamalian ng nakaraan na ngayo'y nanininingil na ng kabayaran.

"Ahm. Maraming salamat po talaga, dakilang M-Maria," nahihiyang bati sa kaniya ng dilag sa kaniyang harapan. Bagamat takot, ramdam niya ang lakas ng loob na sinusubukan nitong ipakita.

"Totoo po bang kayo si Maria Makiling?" tanong ng katabi nitong batang lalaking patpatin at nakasalamin na kanina pa nakatitig sa suot niyang gumamela sa tainga. "'Yun pong namimigay ng luya?" Sumingit sa kanilang usapan ang umalohokan.

"100% Maria Makiling. In the flesh," pagpapakilala nitong may kasama pang muestra. "Ang dakilang bantay ng Bundok Makiling. Ang napakagandang diyosa ng pag-ibig, pag-iisang dibdib, kabataan at mga martir. All natural. No added preservatives. Wala pang ineendorsong skincare o shampoo. Motto: Kapag gumawa ka ng kabutihan sa kapwa mo, bigyan ng luya 'yan! Also known as Dian- "

"Robin!" pigil ni Maria sa makulit na umalohokan. Alam niyang sapat na ang mga natuklasan ng magkakapatid sa araw na iyon. Ayaw na muna niyang dagdagan pa ang mga iniisip nito.

'Ganoon na nga ba ang pagkakakilala nila sa akin?', bulong niya sa sarili. Isa sa tungkulin niya bilang anito ng pag-ibig ay ang magselyo ng dalawang nilalang na nagmamahalan. Kaya rin siya napadayo sa Batangan ay dahil sa itinakdang kasal ng Supremo ng mga tikbalang at butihing mapapangasawa nito. 'Di niya inaasahang hindi lamang iyon ang kaniyang maaabutan.

"Ay, pasensiya na po, Double M. Ako'y nagbibiro lamang. Hihi. Na-excite kasi ako."

"Maraming salamat sa mabulaklak na pagpapakilala. Ngunit hayaan mo ng ako ang kumausap sa kanila. Mabuti pa ay kumuha ka ng bagong piraso ng kawayan sa liwasan. Tayo'y magpapadala ng liham kay Lakan Bakod."

"Yes, ma'am. Masusunod po." Yumuko ang binata bago tangayin ng hangin pababa ng burol na kanilang kinatutuntungan sa loob ng dambana. Sinundan niya ito ng tingin at napangiti. Hindi siya makapaniwalang lalakí ang binatang iyon sa kalinga ng mga umalohokan. Batis ng kasiyahan sa mga kwentuhan. Munting kaluluwang sabik sa paglalakbay. Bahagyang dumungaw ang hibla ng lungkot sa kaniyang mukha nang masagi sa isip ang mga kahaharapin ng mga batang ito – mga kapalarang unti-unti nang tinutupad.

"Ipagpaumnhin niyo, binibini at ginoo, kung anuman ang naiasal ng batang si Robin. Sadyang mabilis lamang iyong matuwa kapag nakaakasalmuha ng mga bagong kaibigan," sabi niya sa dalawa.

"Ay, okay lang po, Miss M." sagot ng dalaga. "Ako po si Maggie. Ito po si Mart. Ilang taon na po ba si Robin?"

"Ate!" siko dito ng kapatid.

"Ahhh. Ito naman. 'Di natin alam kung gumagana ba ang edad sa kanila. Tignan mo. Parang 'di sila tumatanda," bulong nito. Napatawa si Maria.

"'Wag na kayong magtalo, Maggie. Mart." Sabay na tumingin sa kaniya ang magkapatid. Mga tinging 'di mawalan ng pagkahanga. Dahil ba sa kaniyang mala-birheng mukha? O sa haba ng kaniyang itim na buhok na sumasayad na sa lupa.

"Miss M., kami na po ang humihingi ng sorry dahil sa ginawa po ng Kuya ko," mahinang sabi ng batang nakasalamin. "Siya po kasi 'yung nagpasimulang magtanggal nung pako po sa palibot ng Balete." Saglit na napakunot ng noo si Maria.

"Naiintindihan ko, Mart. Iyon ay piraso ng bakod na nagbibigay proteksyon sa mga maligno sa Kaharian at sa mga tao sa labas. Munting handog ng isang lakan. Gawa sa bulawang tanso. Tanging Maginoo lamang ang makakahawak dito bukod sa matataas na anito. 'Wag niyo ng alalahanin. Mabilis na makararating rito si Lakan Bakod kapag nabasa na niya ang sulat. May mas dapat tayong pagtuunan ng pansin." Nagkatinginan ang magkapatid.

BALETE CHRONICLES: Unang AklatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon