25 Ang Makiling

155 29 2
                                    

Ika-Dalawampu't Limang Kababalaghan

Ang Makiling

NANG MAWALA ANG BUNSO nilang kapatid na si Mac sa gubat, matinding takot ang naramdaman ni Maggie. Kaya laking pasasalamat niya noong malamang nasa piling pala ito ng mga diwata. Ngunit ang masaksihan ang isa pa niyang batang kapatid na si Mart na inilipad ng manananggal papunta sa kawalan, parang bumagsak ang langit at lupa para sa kaniya.

Ni hindi siya makaiyak sa sakit na nararamdaman. Mahapdi ang mga sugat na kaniyang natamo sa pakikipaglaban. Tuyot ang kaniyang bibig at naglalasang kalawang. Basang-basa ng pawis ang kaniyang damit. Kumikirot ang kaliwang balikat niyang may bali. Ni hindi niya maramdaman ang sariling paghinga. Nanlalabo ang kaniyang paningin. Kung maaari lamang sanang humiga at saglit na magpahinga. Ngunit ayaw siyang tigilan ng isip na humahabol sa sariling pangamba.

Tinignan niya ang latigo sa kaniyang kamay, buntot-pagi na bigay sa kaniya ng binata sa Klab Maharlika. Basa ito ng sariwang dugo at itim na abo. Pinilantik niya ang nga daliri at kusang yumapos at umikot ang tali sa kaniyang braso.

Nilinga niya ang paligid. Parang may dumaang ipo-ipo sa dakong iyon dahil sa nga punong nangatumba. Wala ng mababakas na mga kalaban. Ang bungisngis naman ay walang malay nang nakahiga. Unti-unting nagiging alikabok ang patay nitong katawan.

Malubha ang lagay ng higanteng tamaraw. Naputol ang isa sa mga sungay nito sa ulo. Malalim at mahina ang ungol nito habang inaalo ng among lalaki, ang anitong si Dumakulem.

Sina Yana at Rigel naman ay halos napaupo sa pagod. Nakatulala ang mga ito sa langit at 'di makapaniwala.

"Hindeeee!" rinig ni Maggie na sigaw sa 'di kalayuan. Nahagip ng kaniyang mga mata ang kapatid na si Mike na tumatakbo pabalik sa direksyon na tinungo ng manananggal. Nakataas ang nga braso nito't pilit naglabas ng kuryente papunta sa langit kahit wala namang tinatamaan.

"Mike? Mike!" tawag niya rito. Sinubukan niyang humabol ngunit sadyang mabilis ang takbo ng kaniyang kapatid. Pagod na rin ang kaniyang mga binti.

Ibinuka ni Maggie ang mga kamay at nagtangkang magpalabas pang muli ng sinag ngunit malabong liwanag na lamang ang ibinibigay nito. Nasobrahan na siguro sa pakikipaglaban kanina. Hindi rin nakatulong ang papalubog na araw.

Kaya ibinigay niya ang natitira pang lakas para tumakbo. Sorry, Mike, bulong niya sabay hataw ng kaniyang braso. Kumawala ang kaniyang latigo at humaba hanggang maabot at mayakap ang patpating katawan ni Mike. Saka lamang ito napatigil at napaluod sa lupa.

Kinalas ni Maggie ang tali at lumapit sa kaniyang kapatid. Hinawakan niya ito sa balikat at siya'y nilingon.

"Ate, kailangan nating iligtas si Mart. Kinuha siya ng kalaban. Halika, doon sa bandang silangan sila pumunta. Maaabutan pa natin siya," pagsusumamo nito, hawak ang salamin ng kapatid nilang basag na ang lens.

Nilinga ni Maggie ang direksyong iyon. Nagbabadya ang ulan. Ibinalik niya ang tingin sa kaawa-awang kapatid. May mga kalmot at sugat ang braso at leeg nito. Namamaga ang mukha nitong basa ng luha at sipon.

"M-Mike." Hindi niya alam ang isasagot. Hinawakan siya ng kapatid sa siko para ayain.

"Tara, Ate. Doon. Doon sila pumunta."

"Mike." Kinagat ni Maggie ang kaniyang labi at pinigilang umiyak. Hindi siya nagpatinag. Sa pagkakataong iyon, isang bagay ang alam niyang gawin. Hinawakan niya ang damit ng kapatid at hinila para yakapin.

"Ate." Hinigpitan niya ang pagyapos at hinayaang umiyak ang kaniyang kapatid. Nanginginig ang katawan nito sa pagtangis.

"Kasalanan ko 'to," bulong ni Mike. "Kung 'di ko sana isinigaw sa kaniya na gamitin ang sandata, hindi na sana niya pinilit pa. Hindi sana siya nahulog at tinangay ng aswang. Paano kung kainin siya ng mga iyon? Paano kung-"

BALETE CHRONICLES: Unang AklatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon