27 Ang Wak-Wak

123 25 0
                                    

Ika-Dalawampu't Pitong Kababalaghan

Ang Wak-Wak

KUNG PAANONG NAGKASYA ang isang higanteng tandang sa maliit na pintuan ng kubo papasok ng kanlungan, walang ideya si Maggie. Nang makababa ang dalawang anitong sakay nito, agad itong nagtititilaok at nag-ikot sa liwasan para maghanap ng matutuka sa gitna ng mga malignong nagpa-panic at nag-uunahang makatakas. Kahit ang mga kapre'y walang nagawa.

Ang karamihan naman ng mga maligno ay tumigil sa kanilang ginagawa at lumuhod bilang pagbibigay-galang sa mga bisita. Natira ang apat na Maginoong nakatayo. Nasanay na siguro sa dami ng anito na kanilang nakatagpo sa mga araw na lumipas.

Hindi naman ito ininda ng mga bagong dating na anito. Ang isa'y makisig na lalaking nakasuot ng uniporme ng Air Force. Gamit ang matatalim na tingin, pahapyaw nitong minamasdan ang kabuuan ng kanlungan. Manipis ang gupit ng buhok. May pagkakatulad ang itsura nito sa mga estatwa ng bayaning madalas makita ni Maggie sa tuwing bumibiyahe siya sa Maynila.

"Magandang araw, marilag na binibini ng bukang-liwayway," basag ng kasalukuyang Supremo ng mga tikbalang na si Sergio. Tinutukoy nito ang isa pang anito- isang dalagita. Sa hula ni Maggie ay 'di nagkakalayo ang edad nito kina Mike at Yana. Nakasuot ito ng maluwag na blusa at mahabang tapis na kulay kahel. Bakya naman ang panyapak. Paalon ang itim nitong buhok na hanggang beywang ang haba. Nakakagising ang kagandahan ng ngiti ng binibini.

"At sa iyo rin, dakilang Apolaki," bati ni Sergio sa seryosong tono. Wari'y hindi kasing-init ang salubong nito sa lalaking anito.

"Hello po. Good morning din po," singit ni Rigel na kumikinang ang mga mata sa tuwa't pakaway-kaway pa. "Ako po si Rigel, mula sa angkan ni Tala."

"Magandang umaga din, batang Maharlika," sagot ng binibini. "Matutuwa ang kapatid ko kapag nalaman niyang may isang magiting na hinlog siyang tulad mo." Abot-langit ang ngiti ni Rigel.

"At kayong mga kababaihan, kayo ba'y mandirigma rin?" tukoy nito kina Maggie.

"S-siya pa lang po," turo ni Maggie sa katabing si Yana. Napa-po siya sa sagot kahit pa mas matanda siya rito sa itsura. Dala siguro ng tindig nitong may kumpiyansa.

"Ah, sige. Kung gugustuhin mo, maaari kang sumali sa Kalakian, ang samahan ng mga babaeng mandirigma. Ako sa ngayon ang humahawak sa pangkat. Tamang-tama ang iyong taas at tikas. Magpalusog ka lang ng kaunti." Napahalukipkip si Maggie ng mga braso para itago ang balingkinitang katawan.

"Nasaan ang tagapagmana ng agimat?" tanong ng anitong si Apolaki. Hindi inaasahan ni Maggie ang malambing nitong boses. 'Di akma sa bansag rito bilang anito ng araw at digmaan. Napatingin silang lahat kay Mike na hanggang ngayon ay tulala't nakanganga. Mukhang hindi rin naging maayos ang tulog nito, isip ni Maggie, kaya siniko niya ito nang mágising.

"Yes, sir," sagot nitong sumaludo pa. Lumapit sa kanila si Apolaki at tinitigan si Mike mula ulo hanggang paa. Parang sinusuri ng mga mata nito ang bawat buto't kalamnan ng batang tagapagmana hanggang sa matuon ang tingin nito sa agimat na nakalawit sa kwintas ni Mike

"Hinahamon kita sa isang labanan." Sabayang singhap ang tinuran ng lahat sa pagkagulat. Sigurado si Maggie na gising na gising na ngayon si Mike sa narinig. Napaurong pa ito sa kaba. Wala ni isa sa kanilang nakaimik.

"Apolaki naman. 'Wag kang manakot. Dahan-dahan lang," awat ng dalagitang anitong si Hanan. "Paumanhin. Mahilig talagang magbiro itong lalaking ito." Joke ba 'yon? Wala kamong sense of humor, komento ni Maggie sa sarili.

"Ang mabuti pa, isagawa na namin ang aming sadiya. Pinadala kami ng inyong Lolong si Mapulon, upang kayo'y... kamustahin ba at mabigyan na rin ng kaunting payo at pagsasanay sa kahaharapin ninyong tungkulin." Matamis ang ngiti nitong nagpawala ng tensyon sa paligid. Lumingon ito sa nananahimik na si Sergio, "Punong kabalyero, maari ba naming hiramin ang magkapatid upang makausap?"

BALETE CHRONICLES: Unang AklatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon