22 Ang Anito

228 38 29
                                    

Ika-Dalawampu't Dalawang Kababalaghan
Ang Anito

KUNG SAKALING BABYAHE SIYANG MULI, titiisin na ni Maggie ang lahat ng amoy ng usok at pawis sa gitna ng traffic, 'wag lang maulit ang ginawa nila ngayon.

Makalipas ang halos kalahating oras ng pagliko sa mga kanto ng lagusan at pag-iwas sa mga malignong muntikan na nilang makasagupa, lumabas sila sa isang manhole paakyat sa abalang kalsada.

Lahat na 'ata ng klase ng amoy ay kumapit sa suot niyang leather jacket. Sa dami ba namang butas at hukay na pinasok nila, 'di niya akalaing sa mapanghi at madagang sewer ang exit nila. Parang gusto niyang maligo ng tatlumpung beses.

Dumampi sa kanilang mga balat ang sinag ng umaga. Sa tagal nila sa lagusan, nakapaniniwara sa pakiramdam ang masikatang muli ng araw.

"This way," utos ng batang babaeng kasama nila. Kung saulo ni Maggie ang lugar, malamang kanina niya pa nakutusan 'tong Maharlikang nakilala nila. Masiyadong bossy.

Sinimulan nilang lakarin ang tahimik na kalye at gumilid. Mangilan-ngilan lamang ang mga sasakyang nagdaraan. Kakaunti rin ang mga tao na ni minsan ay 'di nagbigay ng ibang tingin sa kanilang lima— isang teenager na may kasamang apat na musmos. 'Yung isa may sakbit pang pana at 'yung isa naman, halatang may nakasuksok na sandata sa likuran.

Wala naman sanang mag-akalang miyembro siya ng sindikato at ang mga batang ito'y ginagamit sa kung anumang 'di marangal na operasiyon.

"Magandang umaga," bati ng dalawang matandang kanilang nakasalubong. Nginitian niya lamang ito at agad na inakbayan ang dalawang kapatid.

"Namamasiyal lang po, heh," pilit niyang sagot. Tumango lamang ang matatanda at bumalik sa kanilang paglalakad. Magigiliw ang mga tao rito.

"Hindi ba tayo sasakay?" tanong niya sabay pisil sa kaniyang mga pagod na binti. Halos magdamag din silang naglakad mula Maynila sa loob ng lagusan. Kaya siguro gamit na gamit ang daanang iyon dahil napagdudugtong nito ang mga lugar na malayo sa isa't-isa. Ni hindi nga nila nakitang nalagpasan na pala nila ang ilog ng Pasig at lawa ng Laguna.

"Ow. Pasensiya na, Prinsesa. 'Di uso sasakyan dito," tukso ni Yana.

Napahanap siya ng tubong ihahataw pero piniling ikalma na lamang ang sarili. "Oo nga, 'no? Nakikita ng dalawang mata ko," pang-aasar niya dito na biglang napahawak sa suot na eye patch.

"Nasa ordinansa na po kasi ng bayan na wala ng sasakyang dadaan papasok ng UPLB. Iwas polusiyon saka para mahikayat daw ang mga taong maglakad," paliwanag ni Rigel.

But we're walking for hours now, reklamo na lang niya sa isip at tinanggap ang paglilinaw.

"Hindi ba tayo kakain? Gutom na 'ko, Ate," singit ni Mike hawak ang kumakalam na tiyan. "May dinaanan tayong McDo, oh. Baka naman."

Nilingon ni Maggie ang isang linya ng mga kaninan na nilagpasan lamang nila at nagkalkula sa isip kung magkano ba ang nadala niyang pera.

"Mas better kung magpapatuloy na tayo," suhestiyon ni Yana na hindi naman tinangkilik ng mga kausap. "Nandito na tayo sa arko, oh. Malapit na. Doon na tayo mag-breakfast sa Klab."

"Totoo ba? Ay, siya. Bilsan na natin," sambit ni Rigel na himalang nagkaroon muli ng sigla. "Natatakam na 'ko sa sariwang isda at prutas."

Sumunod na lamang sina Maggie sa dalawa. Bumungad sa kanila ang magkabilaang hilera ng mga punong-kahoy. Napapalibutan ng mga halaman ang pangalan ng unibersidad.

Tumabi si Maggie sa may damuhang basa pa ng hamog. Yumuko siya at hinawakan ang mga ito. Malayo sa kanilang eskwelahan sa Maynila na kailangan pang gumamit ng pekeng damo para magmukhang may hardin sa loob ng school.

BALETE CHRONICLES: Unang AklatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon