23 Ang Maharlika

177 40 39
                                    

Ika-Dalawampu't Tatlong Kababalaghan

Ang Maharlika

Hindi man kasing-sarap ng luto ng kanilang lola, halos maubos ni Mike ang nakahain. Nakapwesto sila sa isa sa mga lamesang gawa sa kawayan na nakahanay sa pampang ng ilog. Dito siguro kumakain ang mga miyembro ng Klab.

May mga bandila ring patindig na nakatayo sa bawat istasyon. Kulay maroon na may berdeng disenyo ang tela nito. Mga letra'y sa Baybayin nakasulat at ang logo sa gitna'y imahe ng Bundok Makiling at Lawa ng Laguna.

Preskong hangin, magandang tanawin, sariwang mga prutas na bagong pitas at mga isdang kahuhuli lamang sa may tabing-ilog at agad na inihaw. Naalala ni Mike rito nung huli silang nag-camping kasama ang mga kapwa niya boyscout. Kadalasan, pagkain lang din habol niya.

Perpekto na sana kung hindi lang sila tinititigan ngayon ng mga batang Maharlika sa paligid na nagawa pang huminto sa kanilang pagsasanay para magbulungan.

Isusubo na sana ni Mike ang huling piraso ng saging nang mahuli niyang nakatingin ang isang lalaki sa nay tabi ng puno ng narra sabay hagis ng hawak na palakol na tumusok sa gitnang bahagi ng puno at nagpaagos sa dagta nito. Ibinalik ni Mike ang saging sa lamesa. "Busog na pala 'ko. Sa inyo na lang, oh. Last na."

"They're very friendly, you know," ang sabi ng binatang nakilala nila kanina na may higanteng espada sa likuran. Nakapwesto ito sa dulo ng kanilang kinakainan. Akma lamang sa kaniya bilang punong-abala sa mga bisita.

"Sanay naman silang makakita ng mga Maginoo mula sa ibang chapter. In fact, ang iba sa mga narito'y hindi naman tubong-Laguna pero dito na sila nakatira. Kami na ang kumupkop sa kanila. Tulad nila Estella at Estrella."

"Sino?" tanong ni Mike.

"'Yung kambal na nagbukas sa inyo ng pinto kanina. Hindi sila Amerikano. Ganoon lang talaga ang itsura nila dahil mula sila sa lahi ng mga diwatang-tála sa Benguet." Napatango siya sa mangha.

"Sadyang bihira lang kami dalawin ng galing sa ibang kapitulo lalo na sa Maynila." Bumitaw ito ng makahulugang tingin kay Yana.

"At bakit naman?" usisa ni Maggie kahit kanina pa naalibadbaran sa binata.

"Dahil sa cluster meet," sagot ni Rigel na may amos pa sa mukha. "Ang taunang selebrasyon ng pagkakatatag ng Maharlika bilang samahan."

Ipinagpatuloy ni Yana ang paliwanag. "Tuwing Abril, nagtitipon-tipon ang mga pangmalakasan ng bawat chapter para maglaban-laban sa ilang serye ng paligsahan. Ang mananalong koponan ay hihiranging kampeon para sa taon na 'yon."

"Parang tournament," komento ni Mike na biglang ginanahan sa kanilang usapan.

"Ganun na nga. At sa mga nakalipas na taon, Manila chapter ang laging nangunguna maliban ngayon." Nahalata ni Mike ang biglaang pagkalungkot ng dalagita.

Ang binatang si Garth ang sumalo. "Abala kasi sila sa ibang gawain. Isa pa, baguhan ang kapalit na punong-Maharlika. Kung ako lamang, si Captain ang pipiliin ko. Ako lang talaga ang 'di niya pinili," biro nito.

"Loko. Seryosong bagay ang pagiging punong-Maharlika."

"Alam ko. Kaya nga pinilit kong maging lider sa chapter namin, eh. Kung 'di sana nawala si Ki-" Pinigil nito ang sasabihin. "Kung ikaw sana nakalaban ko nitong huli, handa akong magpatalo."

"Ayiee," tukso ni Rigel sa dalawa. "Kaumay."

"Naku. 'Wag kayong mailang sa biruan namin, ha?" paalala ni Garth. "Actually, first time din nila dumalaw dito pero matagal na kaming magkakakilala dahil sa cluster meet at mga misyon."

BALETE CHRONICLES: Unang AklatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon