11 Ang Kapre

498 43 5
                                    

Ika-Labing Isang Kababalaghan

Ang Kapre


Bilang isang security guard, sanay na si Miguel sa magdamagang pagtatrabaho, maghapong nakatayo, paminsan-minsang pag-iikot at kung siya'y panggabi, natuto s'yang lumaban sa antok at pagod.

Ngunit hindi ngayon.

Basang-basa ng pawis ang buo niyang katawan, at nauubusan na s'ya ng hininga sa pagkahingal. Hawak ang flashlight sa kaliwang kamay at ang itak ng kaniyang itay sa kabila, mukhang sampung oras na s'yang naglalakad sa kagubatan pero isang kilometro pa lang ang kan'yang layo mula sa pinanggalingan nilang sapa.

Nasaksihan niya kung paano kainin ng apoy ang kan'yang ama ngunit tila ba hindi na 'yon bago at hindi na rin mahirap paniwalaan. Kahit mapanganib, nagdesisyon siyang pauwiin ang kaniyang panganay na si Maggie upang balikan ang kaniyang lola, ina at mga kapatid nito sa kubo. Sumuong si Miguel sa paghahanap ng mag-isa. Naalala n'ya kung gaano s'ya galit na galit na umalis dahil sa kapabayaan ng kaniyang anak na si Mike.

'Pasaway na bata,' bulong n'ya sa sarili kahit alam n'yang dala lamang ito ng kaniyang pagmamahal sa kanila.

"Maaac!" Paos na s'ya sa pagsigaw— kasing lamlam na ng liwanag ng kan'yang flashlight na malapit na ring mapundi. Buti na lang ay tumutulong ang bilog na buwan sa langit upang makakita s'ya ng maayos sa paligid.

Kanina n'ya pa sinusubukang lumapit sa higanteng puno ng Balete ngunit hanggang ngayon ay isang baryo pa rin ang layo nito sa kan'ya.

Sandali s'yang huminto, yumuko at tumukod sa kan'yang mga tuhod upang magpahinga. Ilang segundo lang, humakbang muli s'ya.

Sa unang pagkakataon, lumingon s'ya habang naglalakad. Laking pagtataka n'ya nang ang mga damo, halaman at sanga sa kan'yang likuran ay waring tumitiklop upang takluban ang kan'yang dinaraanan. Inisip n'ya na lamang na baka halusinasyon lang iyon at kung anu-ano na ang nakikita n'ya dulot ng antok at pagod.

Ibinalik n'ya ang tingin sa harap at parang naliwanagan ang kan'yang isip nang mapansin ang mga punongkahoy sa paligid. Tila pamilyar. Tila nadaanan na n'ya ito kanina.

Kaniya muling sinuri ang kapaligiran. Napansin n'ya ang nag-iisang puno ng talisay. Itim ang kalahating katawan nito na sa hinuha niya'y dahil sa apoy o kidlat. Inilapit n'ya ang kan'yang palad at hinipo ang sunog nitong banakal. Nakasisiguro s'yang ilang beses na s'yang nanggaling sa bahagi ng gubat na 'yon.

"Aaaghh!" Bigla s'yang naliyo. Umikot ang kan'yang paningin. Napahawak s'ya sa sintido at napapikit sa sakit.

Pagmulat n'ya, nandoon pa rin s'ya sa kan'yang pwesto ngunit nagbago ang paligid. Naliliwanagan na ito ng maraming sulo ng apoy na hawak ng mga kakaibang nilalang.

Para s'yang bumalik sa nakaraan, sa parehas na kagubatan. Kasingrami ng mga puno sa lugar ang iba't-ibang uri ng halimaw sa paligid. Nasa gitna s'ya ng isang hukbo na binubuo ng ilang daang maligno. May mga higante at maliliit na tao. May lumilipad at umaapoy. May mga mukhang mortal na tulad n'ya— mga batang kaedad lang ng kaniyang mga anak ngunit kakaiba ang pananamit at bawat isa ay may hawak na sandata. Lahat ay naglalakad patungo sa iisang direksyon— sa puno ng Balete.

'Anong ginagawa nila rito?' tanong n'ya sa sarili. Pinaghalong takot at paghanga ang kan'yang nararamdaman. Hindi s'ya makapaniwala sa nasasaksihan.

"Miguelito!" Isang malalim na boses ang nagpagulat sa kan'yang katawan. Lumingon s'ya sa kaliwa upang makita ang isang makisig na nilalang, kalahating-tao kalahating-kabayo. May suot na kalasag at armado.

BALETE CHRONICLES: Unang AklatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon