Ika-Tatlumpu't Tatlong Kababalaghan
Ang Batúgan
HALOS HINDI NA GUMANA ang inhaler ni Mart. Lalo lang siyang nahirapang huminga nang magsimulang bumuhos ang ulan kanina. Ramdam niya ang bigat ng bawat patak mula sa maitim na langit. Nagmistulang gabi sa buong paligid ng isla.
"Mahabaging Bathala," rinig niyang pagtangis ng kaniyang lolo.
"Bakit po, Gat Panahon?" tanong ni Perlas na katabi nila. Tahimik silang nagtatago sa likuran ng malaking bato malapit sa bungad ng kagubatan, taimtim na pinagmamasdan ang matayog na puno ng Balete sa 'di kalayuan. Mga isang kilometrong kaparangan ang pumapaikot dito na siyang pinalilibutan ng nasa limampung iba't-ibang maligno at aswang.
Mistulang pukyutan ang Balete pero imbis na mga bubuyog ay mga kapre't asong itim, manananggal at tikbalang ang nakapaligid. Isang hakbang palapit ay mangangagat ang mga bantay ng walang pakundangan. Ni hindi ininda ang malakas na ulan. Tila naghihintay sa paglusob nila.
"Ang Balete, unti-unti nang namamatay," bulong ni Gat Panahon sa pinakamalungkot na tono. Kita ni Mart ang pagdaloy ng luha nito kasabay ng mga patak ng ulan. Nilinga niya ang puno. Makapal pa rin naman ang palumpong ng mga dahon nito pero 'di tulad ng dati ay halos magkulay abo na. Ganun din ang mga baging, katawan at ugat ng Balete. Hindi pa man tag-lagas, ramdam ni Mart na nauubusan na ito ng buhay.
"Nakikita mo rin, hindi ba?" tulalang tanong ng kaniyang lolo. "Nakalulungkot na ang mismong mga mamamayan nito'y walang malay sa dahan-dahang pagkasira ng kanilang tirahan. Para na rin nilang pinutol ang puno sa likas nitong lugar."
"Na'san si Tómas ko?" Naagaw ang kanilang atensyon ni Perlas. Kanina pa ito palinga-linga, sinusubukang hanapin ang kaniyang irog mula sa lupon ng mga maligno sa kanilang harapan.
Boom! Isang malakas na pagsabog ang naganap sa may bandang kaliwa ng Balete. Nag-panic ang mga bantay. Ang iba'y naglipatan sa kabila habang ang iba'y dahan-dahang siniyasat ang pinanggalingan noon.
Mula sa makapal na usok ay lumabas ang pigura ng apat na bata, bawat isa'y nakaangat ang mga sandata.
Pinaningkitan ni Mart ang mga mata para makakita ng ayos. May hawak na latigo ang pinakamatangkad na babaeng nakatali ang buhok sa likod. Ang isa nama'y batang lalaking naka-uniform at may hawak na espadang nagliliwanag.
"Ate? Kuya?" bulong ni Mart. "'Lo, sina Ate Maggie at Kuya Mike po!" sabik niyang sigaw sabay hawak sa braso ni Gat Panahon para ituro ang kaniyang mga kapatid.
"Silang tunay," mangha nito.
Hindi malaman ni Mart kung paano itatago ang sayang nararamdaman. Gusto niyang tumakbo palapit at yakapin sila ngunit nasa kalagitnaan sila ng laban. Mga búhay nila ang nakataya.
"Sino ang dalawang Maharlikang iyon?"
"Sina Yana at Rigel po. Nakilala namin sa lagusan."
"Ano na'ng sunod nating gagawin?" tanong ni Perlas sa kanila at umayos ng pagkakapwesto sa likod ng batuhan.
Pinagmasdan ni Mart kung paano makipaglaban ang kaniyang mga kapatid at kaibigan. Isa-isang sumugod ang mga maligno ngunit sadyang mabisa ang dala-dala nilang sandata pampuksa ng mga kalaban.
Nanlaki ang mga mata nila nang lumabas mula sa siwang sa gitna ng katawan ng Balete ang dalawang higanteng bungisngis. Mabagal man ang lakad nila'y lumilikha naman ng lindol sa bawat hakbang palapit sa apat na Maginoo.
Nanigas ang katawan ni Mart sa takot. Naalala niya ang huling sagupaan nila sa mga higanteng iyon. Minabuti niyang alisin ang mapait na ala-ala at nag-isip ng sunod na hakbangin.
BINABASA MO ANG
BALETE CHRONICLES: Unang Aklat
FantasyWhat if Philippine folktales, myths and legends are set in the present time? What if scary mythological creatures do exist and are secretly roaming within our very own cities we used to live comfortably? Do anitos have anything to do with our weathe...