Kazumi's POV
Napamulat ako ng aking mga mata nang marinig ang pagring ng cellphone ko. Walang gana ko itong kinuha at napahikab habang binabasa kung sino ang tumatawag. Si Xaphira. Napakunot tuloy ako bigla ng noo. Ano namang kailangan niya sakin ngayong alas diyes na ng gabi?
Nakapagtataka.
Napakusot muna ako sandali sa aking mga mata bago bumangon mula sa pagkakahiga at naupo nalang sa gilid ng aking kama. Sinagot ko na ang tawag niya ngunit wala ni isang salita akong narinig sa kanya maliban sa paghikbi niya. Umiiyak siya? Ngunit bakit? Iyon ang kailangan kong malaman.
"A-anong nangyari Xaphira?" Nag-aalala kong sabi kasabay ng pagayos ko sa magulo kong buhok.
"T-tulungan mo 'ko..." ang tangi lang niyang nasabi bago ko mailayo bigla sa tenga ko ang cellphone dahil naputol na agad ang tawag.
Sinubukan ko siyang tawagan ulit pero hindi ko na siya matawagan pa. Inulit ko pa ng inulit iyon hanggang sa tinigilan ko na dahil wala na talaga. Hindi ko na siya ma-contact. Ano na ngayon ang gagawin ko?
Nataranta at napatayo ako bigla. Palakad-lakad ako habang nagiisip kung ano ang pwede kong gawin. Hindi na ako papayagan pang lumabas dito sa bahay dahil anong oras na kaya baka hindi ko na siya mapuntahan pa. Sinubukan kong humingi ng tulong kina Stachy pero ni isa sa kanila'y hindi sumagot sa tawag ko.
Napahilamos ako sa mukha dahil sa inis. Hindi ko na alam kung anong gagawin ko. Paano kung nasa panganib siya ngayon at kailangan niya ang tulong ko? Hindi ko siya matutulungan. Bwisit. Makokonsensya talaga ako ng husto kapag may nangyari kay Xaphira na masama.
"Shit! Bakit ba hindi ka sumasagot?!" inis kong sabi nang subukan kong muli na tawagan si Xaphira. Ngunit gaya kanina, hindi pa rin siya sumasagot. Sa sobrang inis ko, naibato ko nalang ang cellphone ko sa kama at nagmamadaling lumabas ng kwarto ko.
Wala na akong pakialam kung pagalitan pa ako nina Mama't Papa pagkatapos nito. Basta ang importante, makapunta ako kina Xaphira at masiguro kong ligtas siya. Na walang mangyaring masama sa kanya ngayong gabing ito. Magiging malaki ang kasalanan ko kapag nagkataong napahamak siya. At ayoko namang mangyari iyon.
"O, Kazumi? Saan ka pupunta? Anong oras na, ah?"
Natigilan ako sa pagbaba ko ng hagdan dahil sa narinig kong tanong sakin ni Mama. Lumingon ako sa kanya at isang makabuluhang tingin lang ang binigay ko. Sana lang at payagan niya ako kahit na alam kong hindi na pwedeng lumabas ngayong gabing ito.
"Ma, kailangan kong puntahan si Xaphira. Nasa panganib siya," sabi ko at halos maiyak na ako sa harapan niya.
"Alam mo namang gabi na, diba? Hindi mo ba pwedeng ipagpabukas nalang iyan? Baka naman ikaw pa ang mapahamak diyan sa binabalak mo?" aniya at saglit na tumingin sa kwarto ni Papa.
"H'wag mo na hintayin pang magising ang Papa mo. Ayaw mo naman sigurong sa kanya pa manggaling na bawal ka nang lumabas dahil gabi na. Hindi ba?"
Mas lalo lang lumungkot ang mukha ko hanggang sa hindi ko na napigilan at tumulo na ng tuluyan ang luha sa mga mata ko. Pinunasan ko naman ito agad dahil hindi ngayon ang oras para umiyak. Mas kailangan kong maging matatag para kay Xaphira. Kailangan ko siyang iligtas at tulungan ngayon sa kung anomang nangyayari sa kanya.
Kailangan ko na makaalis ng bahay na ito, ngayon na.
"Sorry Ma. Pero kailangan kong gawin 'to," ang sabi ko bago tumakbo palabas ng bahay namin.
Nagbingi-bingihan nalang ako sa mga sigaw ni Mama para pabalikin ako at ang pagtawag niya kay Papa. Kailangan ko muna silang isantabi ngayon dahil mas kailangan ako ng kaibigan ko. Baka kapag hindi ko pa siya napuntahan ng mas maaga ay mahuli ako at mapahamak siya. Hindi ko naman hahayaan na mangyari iyon kay Xaphira. Kaibigan ko siya. At ang magkakaibigan, nagtutulungan.
BINABASA MO ANG
The Opposite 2
Horror"Sa pagkakataong ito... hindi mo na siya po-protektahan. Dahil, isa siya sa iyong mga makakalaban."- Mr. Celestino | Highest Rank: #39 in Horror