21. Missing in Action

77 18 17
                                    


William's POV

Matapos kong talian at busalan sa bibig si Vince ay lumabas na ako ng kwarto ko. Ginawa ko iyon para hindi siya magingay at hindi siya makatakas. May atraso kasi sa akin ang lalaking iyon kaya naman nagawa ko sa kanya ang bagay na iyon. Ayoko ng isipin pa iyon dahil kapag naaalala ko, mas lalo lang akong naiinis sa kanya.

Pababa na sana ako ng hagdan nang makasalubong ko sina Mystery. Napahinto sila sa pagakyat dahil sa akin. Hindi ko pa sila tinatanong ngunit mukhang alam ko na ang rason kung bakit gusto nilang pumunta dito sa second floor. Gusto nilang hanapin si Vince dahil ilang minuto na rin itong hindi nakakabalik sa kanila. Malas lang nila dahil sa mga oras na ito'y hawak ko na siya. Ako na ang bahalang umisip ng palusot para hindi na nila ito makita at hanapin pa.

"O, saan kayo pupunta?" bungad ko sa kanila na may halong pagtataka.

"Si Vince, nakita mo ba? Nakita kasi namin siyang umakyat rito. At hindi pa siya bumababa hanggang ngayon," sabi ni Humpry na naging dahilan ng paglikot ng mga mata ko.

"E-ewan ko. A-ang huli kong kita sa kanya ay nung nasa baba pa siya e. Baka naman nag-cr lang saglit pero hindi niyo napansin?" Sinubukan kong ikalma ang sarili ko dahil konting pagkakamali lang at mahahalata nila ang kakaibang ikinikilos ko.

"Bakit parang kinakabahan ka? May tinatago ka ba sa amin, William?" Nginisian ako ni Mystery. Napalunok tuloy ako ng kakarampot na laway sa lalamunan ko nang dahil sa katanungan niya.

"Ano bang sinasabi mo? Bakit naman ako maglilihim sa inyo?"

"Aba malay namin na baka may ginawa ka nang hindi maganda sa kaibigan namin. Kriminal ang kapatid mo William. Kaya hindi malabong isang kriminal ka rin." Magsasalita pa sana si Miguel pero minabuti kong patigilin siya.

"Alam niyo, tama na. Kung wala kayong magandang sasabihin, mabuti pa, umalis nalang kayo sa bahay na 'to. Sinabi ko na sa inyo, hindi ko nakita si Vince dito sa taas. Hindi ko alam kung nasaan siya. Kaya pwede ba, 'wag niyo akong pinagbibintangan dahil inosente ako. Inosente ako at hindi ako katulad ng kapatid kong si Arno," sabi ko at tatalikod na dapat para bumalik sa kwarto ko nang isang pamilyar na tao ang makita ko sa ibaba.

Si Vince.

"Guys, ano bang ginagawa niyo diyan? Bakit niyo pinagbibintangan si William? Wala siyang kasalanan. Nag-cr lang ako," anito habang nakatingin sa tatlo.

Natigilan ako dahil sa nakita ko. Parang napaka-imposible naman yata nito. Sa pagkakaalam ko, nasa kwarto ko si Vince. Nakagapos siya at may busal ang bibig. Kaya papaanong nandiyan na siya agad sa baba at parang walang nangyari sa kanya? Ni hindi siya nagsumbong sa mga kaibigan niya dahil sa ginawa ko. Hindi ba't nakakapagtaka ang bagay na iyon?

"V-vince." Napangiti si Miguel nang makita ang kaibigan sabay balik ng tingin sa akin.

"Bakit kasi hindi ka man lang nagsabi kung saan ka talaga pupunta? Akala tuloy namin kung ano na ang nangyari sa'yo. Mabuti at wala naman," ani Humpry nang umakyat si Vince at lapitan sila.

"Ikaw naman Mystery, pwede ba, 'wag mong pagsalitaan si William ng ganon. Nandito tayo ngayon sa lamay ng kapatid niya para makiramay. Hindi para pagsalitaan siya ng kung anu-ano na masasakit." Tinitigan ni Vince si Mystery at napailing lang siya.

Napaisip lang ako sandali sa narinig ko. Saan ba niya nakukuha yang mga sinasabi niya? Hindi ba't kararating niya lang? Bakit parang ang dami niyang yatang narinig? Ngunit wala naman siya dito kanina ah. Nakakapagtaka na talaga.

"S-sorry. Hindi naman namin sinasadya. Ikaw naman kasi e. Bigla-bigla kang nawawala," ani Mystery at tinignan ang dalawa.

Bakit ba hindi nila napapansin na parang may mali? Hindi ito si Vince. Nakakasiguro ako. Hindi si Vince itong nasa harap namin dahil bihag ko siya ngayon. Kung ganon, sino itong Vince na ito? Sino siya at bakit kamukhang-kamukha niya ang kaklase ko? Ang pananalita pati ang suot niya. Ang lahat-lahat. Kuhang-kuha niya.

The Opposite 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon