33. Spectator

71 14 20
                                    


Miss Alvarez's POV

Napangiti ako nang makita ang patalim na inilabas ni Kazumi mula sa likod niya. Nilaro-laro niya ang talim nito habang sinisilip mula sa ilalim ng hagdan kung sino ang unang bababa na siyang magiging una niyang biktima. Matalim ang pagkakatingin niya na tila ba pursigido talaga siyang makaligtas sa gabing ito. Batid ko namang iyon ang nais ng lahat ng opposite na nandito ngunit ibang usapan kapag si Kazumi na.

Sa mga babaeng opposite na nandito, siya at si Angelu ang namumukod tangi sa kanila. Matatapang sila't walang inaatrasan sa kahit na anong laban. Plastikan pa man yan o maging patayan. Wala silang inuurungan. Mahahalata mo naman iyon kapag inobserbahan mong maigi ang mga kilos at paguugali nila. Madali mong masasabi na hindi totoo ang pinapakita nila sa kapwa nila opposite at kay Celestino. Kaya hindi na ako magtataka kung isang araw ay may magtraydor sa kanila at kalabanin si Celestino.

Napangisi ako sa naiisip ko.

Nakita kong bumulong si Kazumi nang marinig na may bumababa na ng hagdan. Sinilip ko ito't nalaman kong si Veronica ito na tila ba walang kamalay-malay sa mga nangyayari sa paligid. Diretso lang ang tingin nito sa daan at nakangiti pa ito na siyang ipinagtataka ko naman.

Nabaling ang atensyon ko kay Kazumi na naghahanda na sa gagawin niyang pagatake kay Veronica. Napangisi nalang ako nang makita si Renee na papalapit na kay Kazumi at handa nang isaksak ang hawak nitong kutsilyo sa tagiliran ni Kazumi. Hindi nga ako nagkamali dahil nang makalapit na ito ay agad niyang sinaksak ang tagiliran ni Kazumi. Napasigaw si Kazumi dahil sa sakit na dulot ng saksak ngunit hindi naging dahilan iyon upang hindi siya lumaban.

Tumalikod siya at mabilis na sinaksak sa may tiyan si Renee. Paulit-ulit. Puno ng galit ang mga mata niya ng sandaling iyon. Hindi pa siya nakuntento at isinunod naman niya ang leeg ni Renee na ngayon ay isa nang malamig na bangkay. Ilang saglit pa ang lumipas at naglaho na ito na parang bula.

"K-kazumi?" Nanginig ang mga kamay ni Veronica nang mapanuod niya ang ginawa ni Kazumi. Lumingon naman si Kazumi sa kanya at isang ngiti lang ang binigay nito na nagbigay sa kanya ng kilabot.

Pinilit niyang labanan ang takot niya't nagmamadali siyang umakyat ng hagdan upang takasan si Kazumi. Ngunit laking gulat niya nang maabutan siya nito agad mula sa likod at sunod-sunod na inuntog ang ulo niya sa gilid ng hagdan. Hindi ko na mabilang kung makailang beses iyon ngunit huminto lang si Kazumi nang mapuno na ng dugo ang mukha ni Veronica.

"Para sa finale ng pagkamatay mo, gagawin nating mas intense," ani Kazumi at hinagis ang katawan ni Veronica mula sa itaas paibaba.

Sigaw ng sigaw lang si Veronica hanggang sa bumagsak ang kanyang katawan sa babasaging lamesa sa ibaba. Nabasag iyon at nabalot ng bubog ang katawan niya. Duguan siya't hindi na humihinga. Kaya makalipas ang ilang saglit ay naglaho na rin siya na tila isang bula.

"Mga walang kwenta," bulong ni Kazumi at nilibot ng tingin ang buong paligid. Sinisiguro na wala nang magtatangkang atakihin siya. Alam naman na siguro ng mga iyon ang kahahantungan nila kung sakaling si Kazumi ang maging katapat nila.

Pumaitaas ang tingin ni Kazumi at napaatras siya ng isang mabigat na bagay ang muntikan nang malaglag sa ulo niya. Isang palakol. Muli niyang nilibot ng tingin ang buong paligid at sa pagkakataong iyon, isang kalaban ang namataan niyang nakamasid sa kanya mula sa ibaba. Walang iba kung hindi si Wendy.

Nakangisi ito habang hawak sa kaliwang kamay niya ang ilang mga shuriken na sa tingin ko'y gagamitin niya upang labanan si Kazumi. Napatawa tuloy ko ng hindi sinasadya. Talaga nga yatang walang utak ang ilan sa mga opposite na nandito. Hindi ba alam ng Wendy na ito na mahirap maging katapat si Kazumi? At sa ginagawa niyang ito, ipinapahamak niya lamang ang sarili niya. Humuhukay siya ng sarili niyang libingan. Handa na yata siyang harapin ang malagim niyang kamatayan.

"Wendy," ani Kazumi at saglit na tumawa. Sa isip-isip niya'y hindi naman mahirap maging kalaban ito si Wendy. Isang kuto lamang ito na madali niyang matitiriis dahil sa wala itong ibinatbat kumpara sa kaniya. Isang walang kwentang kalaban na aaksayahin lamang ang oras niya.

"Tapusin na natin ito," ani Wendy naman at inihanda ang mga shuriken niya. Bumwelo siya at ilang saglit pa'y ibinato na niya ito kay Kazumi.

Nailagan ni Kazumi ang ilan sa mga shuriken na naibato ni Wendy. Ngunit may isang shuriken na tumama sa kanya sa may balikat. Bumaon ito kaya naman labis na sakit ang dibulot nito sa kanya. Pilit niyang inalis ang shuriken na iyon sa kanyang katawan kahit na patuloy siya sa pagsigaw. Nang magtagumpay ay isang malokong ngiti ang binigay niya kay Wendy bago siya nagsalita.

"Hayaan mong ipakita ko sa'yo ang tamang paggamit nito." Ngumisi siya at ibinalik kay Wendy ang shuriken.

Diretso lamang ang tingin ni Wendy kay Kazumi kung kaya't hindi niya napansin ang mabilis na pagdating ng shuriken niya sa kanya. Bago pa man siya makaiwas rito ay tumama na ito kaagad sa leeg niya. Matapos nun ay isang tao ang lumitaw sa likuran niya at ito ang tumapos sa buhay niya sa pamamagitan ng pagbaril sa may ulo.

"Ang mga kagaya niyo'y walang karapatan na manatili sa loob ng bahay na ito," ani Mystery.

Binitawan niya ang katawan ni Wendy na parang isang basura bago siya tumingin sa direksyon ni Kazumi. Ngunit laking gulat niya nang mawala na ito doon. Natataranta siyang nagpalinga-linga sa paligid. Pinagpawisan na siya dahil sa sobrang tensyon ngunit hindi pa rin niya magawang hanapin si Kazumi.

Saan na ito napunta ngayon?

"Gaya ng sinabi mo, ang mga gaya niyo ang walang karapatan na manatili sa loob ng bahay na ito."

Nagulat nalang si Mystery nang sumulpot sa likod niya si Kazumi at mabilis na sinaksak siya sa likod. Isang beses lamang iyon ngunit natitiyak kong mabigat at malalim ang pagkakasaksak na ginawa ni Kazumi. Kaya natuluyan ng ganoon kabilis si Mystery at naglaho na rin ito na parang bula.

"Hindi puwede ang ganito. Baka matuluyan nila ako kapag nagtagal pa itong mga sugat na dinulot ng mga walang utak na iyon." Bumuntong hininga si Kazumi matapos sabihin ang mga katagang iyon.

Laking gulat ko naman nang lumingon siya sa direksyon ko at bigyan ako ng isang ngiti. Ngiti na hindi ko malaman kung anong ibig sabihin. Napaisip lang tuloy ako. Hindi kaya alam niya kanina pa na pinapanuod ko siya mula rito sa labas? Posible. Siguro nga'y alam niya ngunit nagpanggap lang siya na hindi niya ako nakikita.

"Miss Alvarez," aniya habang nakatitig sa akin.

Ilang saglit ang hinintay niya muna bago siya maglaho sa harapan ko. Wala akong ideya kung saan siya nagpunta ngunit sigurado akong nandito pa rin siya sa loob ng bahay na ito. Nagtatago at nagpapagaling para sa mga susunod niyang magiging kalaban.

Napangiti nalang ako dahil sa mga nakita kong eksena kanina.

Nilibot ko muna ng tingin saglit ang paligid ko bago ko mapagpasyahang maglaho na rin at bumalik muna sa silid ni Celestino. Sa ngayon, dito muna ako habang hinihintay ang mga kapana-panabik na kaganapan.

"Ilan kaya ang matitira? At ilan ang tuluyan nang mawawala sa pagpapatuloy ng gabing ito?"

-----

A/N: Puputulin ko muna. Wuahahahaha. Gusto kong h'wag biglain ang mga eksena para maenjoy nating lahat at abangan ang mga susunod na mangyayari. After kasi nitong part na ito ay puro sa mga originals na ang eksena and after that, game na. Whoo! Finally! Masisimulan ko na talaga. Btw, hindi pa rin ayos ang phone ko. Kaya delay ako sa update. Pero don't worry dahil ginagawan ko na ng paraan para makapagupdate ako rito. Sobrang thank you sa mga nagbabasa. We're always on the ranking. Maging ang part 1. Thank you so much. Abangan ang mga intense na eksena sa part 2 nito. Enjoy reading  

P.S Napapaisip pa rin ba kayo kung sino si Gregor? Hahahahaha.

Vote and comment!

The Opposite 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon