Nicky's POV
"Nais mo bang tulungan kita na makalabas dito?" ani Gregor.
Napatango lamang ako bilang pagsagot.
Saglit akong natigilan nang makita ang pagngisi niya habang nakatitig siya sa akin. Hindi ko mabasa kung anong tumatakbo sa isip niya ngunit may ideya ako na tungkol iyon sa akin. Maaring nililinlang lamang niya ako't nais niyang paniwalaan ko siya. Siguro ang nasa isip niya ngayon ay nakuha na niya ng buo ang tiwala ko. Subalit ang hindi niya alam ay wala pa kahit na katiting na pagtitiwala ko sa kanya. Oo tumango ako sa katanungan niya kanina ngunit hindi ibig sabihin nun ay naniwala ako. Sadyang may pagkatanga rin ang isang ito dahil iniisip niyang naiisahan niya ako.
Kawawa.
"May mga bagay na kailangan nating gawin upang makaalis tayo sa isang lugar kung saan ayaw nating makulong sa matagal na panahon."
Nagpalakad-lakad siya sa paligid ng silid habang nakatingala. May pagkakataon na tinatapunan niya ako ng tingin ngunit mas matagal na panahon ang binibigay niya upang pagmasdan ang pintuan na tinangka kong buksan kanina. Napaisip tuloy ako kung anong papel ng pintuan na iyon dito. Kung para saan nga ba talaga iyon. At kung may alam ba itong Gregor na ito tungkol sa pintuan na iyon.
"May gusto kang itanong?" Huminto siya sa paglakad at diretsong tumingin sa akin. Mukhang nabasa niya ang mga mata kong kanina pa nakatingin sa mga kilos niya.
"Marami." Napangisi siya nang marinig ang sagot ko.
"Sige, simulan mo na."
"Para saan ang pintuan na iyon na nasa dulo nitong silid na ito?" Napakunot ang noo ko nang marinig ang nakakairita niyang pagtawa. Tila sinasadya niyang mainis ako nang dahil sa tawa niyang iyon.
"Ang akala ko pa naman ay matalino ka at alam mo na kung para saan iyon." Sinamaan ko siya ng tingin nang sandaling tumingin siya sa akin. Agad niya ring binawi iyon at hinaplos-haplos niya ang pintuan.
Nakaramdam ako bigla ng kilabot na hindi ko maintindihan.
"Mga kaluluwang hindi matahimik. Sila ang nasa loob nito. Nais nilang makawala ngunit ikinulong sila diyan upang hindi sila makapaminsala ng ibang tao at magkaroon ng pagkakataon na mangialam sa mga plano ni Mr. Celestino."
Nanlaki ang mga mata ko sa aking narinig. Ibig sabihin, magkakilala sila ni Mr. Celestino? Hindi kaya, ang taong iyon rin ang dahilan kung bakit nandito ang Gregor na ito? Posible. Sa dami ba naman ng alagad ni Mr. Celestino ay hindi na malabong mapasama itong Gregor na ito. Iyon ay kung alagad siya ni Mr. Celestino. Maari ring kilala lang nila ang isa't-isa at wala silang koneksyon na kahit na anong dalawa.
"Paano mo siya nakilala?"
Nilapitan ko siya at isang ngiti lang ang tinugon niya sa katanungan ko. Bumuntong hininga siya tsaka nagkwento ng ilang mga bagay patungkol sa kanya.
"Isa ako sa mga alagad niya. May-ari ako ng punirarya. Dinala ako rito ni Miss Alvarez upang dalhin ang mga kaluluwa ng ilang mga estudyante na namatay sa Section Opposite. Ikaw si Nicky hindi ba?" Ngumisi siya matapos banggitin ang mga katagang iyon.
"Kilala kita. Kilala ko kayo. Marami akong alam tungkol sa inyo dahil pare-parehas tayong may koneksyon kay Mr. Celestino." Muli, ngumisi ang Gregor na iyon at tuluyan na akong kinilabutan dahil sa biglaang pagbabago ng hitsura niya. Nagmisula na siyang tiktik sa harapan ko ngayon.
Tinawanan niya ako pagkatapos.
"Hindi ko akalaing matatakot kita ng ganito kadali." Tumawa na naman siya. Tumalikod siya sa akin tsaka muling nagsalita.
BINABASA MO ANG
The Opposite 2
Horror"Sa pagkakataong ito... hindi mo na siya po-protektahan. Dahil, isa siya sa iyong mga makakalaban."- Mr. Celestino | Highest Rank: #39 in Horror