Mystery's POV
"Mag-iingat kayo sa kaniya! Papatayin niya kayo!"
"Anong ibig mong sabihin, Vince? Sinong tinutukoy mo?"
"Kahit na anong mangyari 'wag na 'wag kayong maniniwala sa kaniya. Huwad siya."
"Hindi kita maintindihan. Sinong siya? Bakit kailangan naming mag-ingat sa kaniya?"
"Kilala niyo siya. Kilalang-kilala niyo siya!"
"Vince?"
"Vince!"
Bago pa ako tuluyang makalapit sa kaniya ay unti-unti na siyang naglaho sa liwanag.
-----××-----
Nagising ako nang mahulog ako sa kama.
Napasigaw ako dahil sa sakit ng pagbagsak ko at nang pag-atake ng pulikat sa kaliwang binti ko. Hindi na ako makagalaw dahil sa sobrang sakit. Wala akong ibang magawa kung hindi ang umiyak na lang at hayaan ang binti ko na unti-unting marelax nang sa gayon ay maigalaw ko ang binti ko at mawala na ang pulikat.
Napatingala na lang ako sa kisame habang hinihintay ang pagkawala nito. Nang biglang sumagi sa isipan ko ang napanaginipan ko kanina. Si Vince. Binibigyan niya ako ng babala. Hindi ko alam kung bakit at hindi ko maunawaan ang ilang mga sinabi niya.
Sino ang tinutukoy niya sa panaginip ko?
Sino ang taong nagtatangka na patayin kami?
Wala akong ideya.
Napabuntong-hininga muna ako tsaka sinubukang igalaw ang kaliwang binti ko. Mabuti at kahit papaano'y nawala na ang sakit kaya naman, muli akong nakabalik sa kama. Humiga muli ako at tumingin sa kisame at nagisip ng malalim.
Anong kailangan kong gawin?
Ngayong binigyan na ako ni Vince ng babala, kanino ko naman sasabihin itong napanaginipan ko? Sino ang tinutukoy niya na 'kayo' na pagsasabihan ko patungkol sa bagay na ito?
Hindi niya sa akin binanggit.
Bukod pa doon, paniwalaan kaya ako ng mga taong iyon kung sakaling sabihin ko sa kanila ang mga bagay na ito? Tingin ko kasi, hindi. Sino ba naman ang maniniwala sa isang panaginip? Ako lang yata. Baka masabihan pa nila ako na tinatakot ko sila at pinagtitripan.
Hindi ko na alam.
Paano ako kikilos ngayon nito? Hindi malinaw ang mga sinabi niya. Binigyan niya pa ako ng isang bugtong na hindi ko masagot-sagot.
Sino ang taong tinutukoy niya na kilalang-kilala namin at may pinaplanong hindi maganda? Lalaki ba siya o babae? Malapit ba siya sa akin o hindi? Kaklase ko ba siya, guro, o kung ano man? Hindi ko masabi. Basta ang importante ngayon ay alam ko na may mangyayaring hindi maganda. Kaya kailangan kong maging handa.
Napabangon ako mula sa pagkakahiga nang maisip ang ilang mga bagay. Hindi kaya, ang tinutukoy na 'kayo' ay ang mga kaklase ko? Kami? At ang tinutukoy na siya, ay isa sa amin? Ewan ko! Feeling ko lang! Hindi ako sigurado pero bigla na lang iyon pumasok sa isip ko.
Hays.
Nakakasakit ng ulo magisip.
Nagulo ko tuloy lalo ang buhok ko dahil sa sobrang inis. Ang aga-aga, ganito ang bubungad sakin. Imbis na maging maganda ang gising ko, pumangit na dahil sa panaginip na iyon. May chance na totoo iyong sinasabi ni Vince pero sabi kasi nila lahat ng panaginip, kabaliktaran sa mangyayari kaya baka wala naman akong dapat na ikabahala.
BINABASA MO ANG
The Opposite 2
Terror"Sa pagkakataong ito... hindi mo na siya po-protektahan. Dahil, isa siya sa iyong mga makakalaban."- Mr. Celestino | Highest Rank: #39 in Horror