CHAPTER 12: STAY (M.A.N.)

220 1 0
                                    

“Sonny, may tanong ako.”

“Sige. Shoot.”

“May kasama ako sa trabaho, bakla.”

“Oh, tapos?”

“Eh, parang may gusto sa akin. Actually, sinabi niya talagang meron siyang gusto sa’kin.”

Tumawa siya, “tinik mo talaga, Jay! ‘Di lang babae ang nahahatak mo ngayon!”

“Ulol! Iyon na nga. Pero hindi siya ‘yung tipong baklang pilantik. Lalaki ang asta niya. Gwapings pa nga, eh.”

“Silahis?”

“Parang gano’n. Eh, paano ko ba iiwasan? Kasi minsan naiilang ako kapag kasama siya. Hindi ko alam kung ano’ng iniisip niya kapag tinititigan niya ako.”

“Mahirap iwasan kapag kasama mo sa trabaho.”

“Oo nga eh, so pa’no ngang gagawin ko?

“Huwag mong iwasan.”

“Huh?”

“Eh, kasi nga hindi mo siya maiiwasan. Dati may classmate ako na bading. Groupmate ko siya. Napapansin ko medyo tsinatsansingan ako. Ilang ako siyempre, sobra. Kaso hindi nga talaga puwedeng iwasan. Tapos siya pa pinakamatalino sa grupo namin.”

“So, ano’ng ginawa mo?”

“Eh, ‘di hinayaan ko lang. Pero kinausap ko ng masinsinan na hindi ko siya papatulan at hindi ako komportable sa ginagawa niya. Hayun, nabawasan naman. Pero minsan lumalandi pa rin. Pero ang point, nasanay na ako. Naging kaibigan ko pa nga siya. At maganda ‘yung grade ng project namin.”

“Nasanay?”

“Oo, at saka wala naman siyang magagawa unless hayaan mo ‘di ba? Tapos alam mo pa sabi ng kaibigan kong bading na ‘yon?”

“Ano?”

“Na kapag homophobic daw, ibig sabihin insecure sa pagkatao. Malamang babagsak din siyang sa pagiging homo. Kaya hayun, simula no’n hindi na ko masyado nagagalit sa mga bakla. Hahaha!”

“So, huwag ko nga iwasan?”

“Huwag na. Masasanay ka rin. Basta ‘wag mo na lang pansinin.”

Okey. So, hindi ko iiwasan si Rodney.

Hindi nagtagal dumating na ang ibang miyembro ng banda. At nag-ensayo na kami.

---------------------------------------------------------------------------

You Give Love a Bad Name (Drawbar Organ). Push (Grand Piano). Ocean Avenue (Electric Violin). Yugyugan (Brass Section). Apologize (Grand Piano). ‘Wag Ka Nang Umiyak (String Ensemble). Bagong Araw. (Synthesizer)

Pitong kanta na ang naimbak namin.

-----------------------------------------------------------------------------

“Mga tsong! Handa na ba kayo? Isa-sign-up ko na tayo sa Battle of the Bands sa may sa amin,” ani Wendell pagkatapos ng practice.

“Magkano ang prize?” tanong ni Marko.

“Four thousand ‘yung grand champion.”

“Hindi na masama,” segunda ni Sonny.

Umayon kaming lahat na sasali sa Battle-of-the-Bands na iyon.

“Ano ang kailangang kantahin?” tanong ko.

“Isang cover, isang original,” sagot ni Wendell.

“Tsong, hindi pa alam ni Rodney ‘yung mga kompo,” sabi ni Marko.

“Jayjay, ituro mo sa kanya ang isa sa mga kompo mo bago tayo mag-ensayo sa biyernes,” ani Sonny, “magkalapit lang naman kayo ng bahay ‘di ba? Text mo na lang sa’min kung alin sa alam namin ang napili mong isali natin. Para na rin marinig ni Rodney kung ga’no ka kagaling na kompositor.”

Nagtinginan kami ni Rodney.

---------------------------------------------------------------------

>>> DOROTEO JOSE

Sabay kaming nauwi ni Rodney pagkatapos ng ensayo. Mula sa garage band studio hindi kami masyado nag-iimikan. Naglakad kami ng sabay hanggang sa makasakay ng tren na isang-tanong-isang-sagot lang ang usapan namin. Puro tungkol pa sa banda.

Katulad nung kahapon. Agad ko nang tinapos ang PE ko pagkatapos ng heart rate at pinagbihis ko na siya. Sabay kami umuwi pagkatapos. Pero walang imikan. Konting tanong lang. Walang kuwentuhan. Nag-PSP lang siya. Ni hindi kami makatingin sa isa’t isa. Hanggang sa bumaba siya ng 5th Avenue at nagpaalam na.

Siksikan sa loob ng LRT ngayon. Hindi kami nakaupo. Magkatabi lang kaming nakatayo sa gitna ng train coach. Busy kunwari ako sa pagte-text. Siya naman busy sa PSP.

Naisip ko, marahil nahihiya din si Rodney sa nangyari sa PE room. Kahit wala naman siyang ginawang masama--- except siguro sa pag-act-out niya sa narcissism niya.

>>> BLUMENTRITT

“Jayjay, knock knock.”

Napatingin ako sa kanya. Nakabulsa na ang PSP niya.

“Who’s there?”

“Lady Gaga!”

Naaalala ko pa lang ang eccentric na hitsura ng babaeng iyon, natatawa na ako.

“Lady Gaga, who?”

Pumitik-pitik siya sa ere, pumikit-pikit pa, “kung Lady Gaga ka… Sa piling ng iba… At kung ang langit mo… Ay ang pag-ibig niya…”

Ako naman ay napahalakhak ng malakas, tulad ng ibang pasaherong nakarinig ng joke niya.

“Dapat pala lagi akong may baon na knock knock jokes para mawala ‘yung awkward air,” sabi ni Rodney, “sorry pala sa nangyari kahapon. Kung tingin mo na-offend kita at some sort.”

Napabuntong-hininga ako, “ah. Wala namang nangyari kahapon. Meron ba?” Pagsisinungaling ko.

“‘Yung sa ano… sa PE roo--- Ay sige ‘wag na lang. Wag mo na lang akong pansinin.”

Marahil napagtanto niyang mas maganda kung hindi na dapat pag-usapan.

Masasanay rin kami. Siguro.

>>> R. PAPA

“So, bukas, your place or mine?” bulalas ni Rodney.

Napamuglat ako sa sinabi niya.

“Kako ‘yung ensayo nating dalawa,” paglilinaw niya, “‘di ba sabi ni Sonny tuturuan mo ako ng kompo mo?”

“Ah… Oo nga pala. Tama nga huwag na tayo sa rentahan. Mapapabayad pa tayo. Puwede sa’min, wala namang tao do’n.”

“Huwag, sa amin na lang. Nandoon buong pamilya ko. Mas maganda kung may kasama tayong iba. Para palagay din ang loob ko.”

Nagkatitigan kami sandali. Nakuha ko ang sinasabi niya. Marahil ayaw na niyang ilagay ang sarili sa solong sitwasyon na nakakailang.

“Sige, may organ ka ba do’n?”

“Oo. Para na rin makilala ka ng mga folks ko,” tapos ngumiti siya, dreamily.

“Oh, eh bakit ang lapad ng ngiti mo diyan?”

“Wala naman. Masama bang ngumiti?”

The Lightning Train CommutersTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon