CHAPTER 15: YUGTO (Rico Blanco)

214 0 0
                                    


“Jayjay, ikaw intro. Siguruhin mong maganda ang timpla ng dalawa mong keyboard para maganda ang pasok ng ibang instrumento.”

“Wendell, gandahan mo ang palo. Linis mo pang konti. Ingatan mo ang cymbals. Huwag kang parang malnourished!”

“Marko, huwag mo nang kalimutan ang chords. Bass ka kaya halata kung papalpak ka.”

“Rodney, gawin mo lahat ng tinuro ni Jayjay sa’yo. Huwag mong kalimutan ang lyrics. At gumalaw ka sa buong stage!”

Patango-tango lang kaming apat habang nakikinig kami sa final pep talk ni Sonny bago kami sumalang sa stage ng battle of the bands.



“Ikaw Jay, wala ka bang sasabihin?” tanong niya sa’kin.

Bumuntong-hininga ako, “gawin mo lang ang lagi mong ginagawa, Sonny, para maisalba kami kung pumalpak kami. Makipag-sex sa gitara mo.”

Daig pa kasi ni Sonny ang nag-o-orgasm kapag nag-a-adlib na siya sa gitara niya.

Tawanan kaming lahat.

“At Rodney. Bawal mag-flat.”

Sumaludo sa akin si Rodney, “yes, coach!”

Inakbayan siya ni Wendell, “bibinyagan ka na ‘tol!”



Dumating ang isa sa mga event coordinator at sinabihan kami, “Lightning Train Commuters? Kayo na po ang next.”

“Heto na tayo mga tsong! Ibalik ang dating glory ng Lightning!” bulalas ni Marko.

Tumango si Sonny, “All for band…”

“…and band for all!” sagot naming lahat.



Lumabas na kami ng stage at nag-ayos na ng mga instrumento habang ang mga host ay inaaliw ang mga manonood sa pamamagitan ng jokes.

Open field ng isang university ang venue.

Nililiwanagan ang gabi ng malalaki at maliliwanag na spotlights.

Maraming manonood. Tantiya ko mga papatak ng isang libo. Mga college students ang karamihan.

Paglabas ng aming banda, nagtilian ang mga babae. Isa sa panghatak namin sa banda ay lahat sa amin ay guwapo at makikisig.

Lalo na ngayong nadagdag si Rodney.

Ang ilang mga lalaking nasa audience ay tila sinisipat kami. Kita ko sa mukha nila ang pag-aalinglangan sa aming galing. Baka nga namin kasi isa kaming case ng genre ng “Pogi Rock” tulad ng Cueshe at Calla Lily na dinadaan sa hitsura ang popularidad kahit below average ang musicality.

Kung alam lang nila.



Nang maayos ang mga instrumento ay sumenyas na si Sonny na magsimula.

Bago ang unang kanta ay mag-walong na bara muna kami na warm-up na jamming. Sa pamamagitan nito ay matitimpla namin ang tunog ng mga instrumento, at mabibigyan ng panahon na maipakilala ang banda.

Groove. Em. D. C.

“Ladies and gentlemen, good evening…” sambit ng baritonong boses ni Rodney sa mikropono na umalingawngaw sa hangin.

Lumakas ang tilian.

“I want you to meet my good friends…” at isa-isa niya kaming tinuro, “we have the fiery Wendell on drums… the awesome Marko on bass… the orgasmic Sonny on guitars…

“…and on keyboards, we have the sexy loverboy Jayjay…”

Huh? Ano daw? Nakapindot ako ng off-key na tiklado.

Lumakas lalo ang sigawan ng babae. “JAYJAY!”

Ngumisi ako sa lugar ko.

“And... I’m Rodney…” pagpapatuloy niya.

At sumabog ng hiyawan.



“…And we are… The Lightning Train Commuters…”

At sabay natapos ang jamming.



Ang sequence. Cover song tapos original.

Ang unang tugtugan: Yugto ni Rico Blanco.

Sabay kaming papasok ni Marko. Isang diretsong nota ang kanya hanggang matapos ang intro.

Ako naman, gagamitin ang aking organ upang makalikha ng tunog ng string ensemble.

Ang susunod naman ay si Sonny. Ipa-pluck ang mga kuwerdas ng gitara at gagawa ng isang ethnic na tunog.

Matatapos ang instrumental pagpasok ng drum rolling ni Wences.

Pasok si Rodney. “Oooohhh… Oh, oh, oh!”



Ang tunog ng distortion. Mabilis na drum beats. Ugong ng baho. Ang tining ng organo.

Ang boses ni Rodney.

Ang silaw at init ng spot light.

Ang nagsisigawang mga tao. Nagtitiliang babae, nagtatalunang lalaki.

Ang dagundong ng mobile speakers.

Ang hangin ng open field.

Ang bilis ng puso ko na sumasabay sa liksi ng aking mga daliri.

Shit. Na-miss ko ‘to.

Saksi ang langit sa ikalawang yugto ng buhay musika ko.



------------------------------------------------------------------------------------



“And our champion for tonight… is… “LIGHTNING TRAIN COMMUTERS!”



----------------------------------------------------------------------------------



Walang patid ang ngiti naming lima nang lumabas kami ng gate ng unibersidad na iyon pagkatapos ng contest at ng maigsing after party.

“First time ko ‘to! Na manalo agad sa isang malakihang battle of the bands!” ani Rodney, “swerte ko sa inyo ako napunta.”

“Wala nang lipatan, huh?” si Sonny.

Tumango siya, “oo, naman!”

“Grabe Sonny, adik ang adlib mo kanina! Kayo ni Marko! Tapos ‘tong si Wendell, astig ang rolling mo!” puri ko sa kanila.

Nagkatinginan kami ni Rodney. Tila naghihintay na mabanggit ko rin siya.

“Mas-ayos ka pala pag live!” sabi ko, “linis ng kanta natin, ah!”

Nanlaki mata ni Rodney, “weh? Jayjay ikaw ba ‘yan? Pinupuri mo na ako ngayon?” Biro nito.

Nagtawanan kami lahat.

“Asahan niyo, marami pa tayong pupuntahang battle of the bands at mga seryosong gigs,” sabi ni Wendell, “maghahanap na din ako ng maayos ayos at murang recording studio para makagawa na tayo ng mga demo tapes.”



Lumapit sa akin si Marko, “oh, iyo na ‘to.”

Inabot niya sa akin ang apat na libong cash prize.

“Hoy! Hindi ako magtatago ng pondo natin sa band practice!” tanggi ko.

“Ano’ng pondo ka diyan? Sa’yo na ‘to. Pambayad mo ng renta.”



Napakunot ako ng noo.

“Sinabi sa’min ni Rodney na binantaan ka ng landlord mo,” kuwento ni Wendell.

Napatingin ako kay Rodney. Naka-pa-cute smile sa akin. Naabutan pala niya ang panunugod sa akin ni Manong Pablo nang gabing iyon.

Umiling ako, “hoy, guys. Nakakahiya.”

“Tangina naman Jay, sa amin ka pa nahiya?” bulalas ni Sonny, “hindi lang tayo magkakabanda. Magkakaibigan tayo. Dapat magtulungan. Saka kapag nawalan ka ng bahay magagawa mo ‘yang rason para ‘di ka na naman um-attend ng ensayo!”

Nagtawanan silang lahat.

Mariin akong umiling nang nakangiti. “Hindi na. Hindi na.”

At nahawakan ko na ang produkto ng pagod at passion naming lima.



“Mga tsong, nakakuha kayo ng numbers nung after party?” singit ni Marko.

Kumuha mula sa bulsa si Sonny. Nilahad niya ang kamay niyang may tatlong maliliit na papel. “Ako tatlo!”

Si Wendell. “Hehe, ako dalawa lang.”

Si Marko. “Lima pare sa’kin.”

Ngumisi ako. Nilahad ang kamay ko, “siyam sa’kin.”

“Tangina mo, Jay! Paano mo ginagawa ‘yan?” pabirong reklamo ni Wendell.

“Ano bang magagawa ko? Eh, sila ‘tong lumalapit at nagbibigay…” mayabang kong sagot.

“Kahit kalian talaga lagi kang panalo sa larong ‘to!” ani Marko.

“Eh, si Rodney?” tanong ni Sonny.

Ngumisi si Rodney nang ipakita niya ang palad niya na puno ng maliliit na papel, tissue at calling cards.

“Taob ka Jayjay!” pang-asar na sigaw ni Sonny.

Mayabang na nagkibit-balikat si Rodney habang nakatingin sa’kin ng pang inis.

Tinuro ko siya, “sa susunod, akala mo… Angas mo, ah!”

Naghalakhakan kaming lahat.



----------------------------------------------------------



“Salamat Rodney…”

“Saan?”

“May pambayad renta na ako ngayon.”

“Sus, wala ‘yun. Malakas ka sa’kin, eh.”

Naglalakad na kaming dalawa sa EDSA kung saan ibinaba kami ni Sonny mula sa kotse niya upang kami ay maayos na makasakay ng taxi hanggang sa aming lugar. Tutal naman iisang daan lang naman kami.

Nginitian niya ako.

Ako naman nakadiretso sa daan ang tingin. Sumusulyap sa kanya sa peripheral vision ko.



“Masaya ako,” sambit niya.

“Bakit?” tanong ko. Hindi pa rin sa kanya nakatingin.

“Kasi dinala ako ng tadhana sa banda niyo…”

Hindi ko na alam ang isasagot ko. “Tigil na tayo at pumara ng taxi.”



“Sandali. May basurahan. May itatapon lang ako.”

Tumigil kami sa harap ng isang metal na trash can.

Kumuha siya sa bulsa niya at sa harapan ko, itinapon niya ang lahat ng papel, tissue paper at calling cards na nandoon.

Nagulat ako sa ginawa niya, “oh, ano’ng ginagawa mo?”

“Nagtatapon ng kalat.”

“Ayaw mo?”



“Ayaw. Bakit pa ako maghahanap ng ibang kausap? Masaya naman na ‘ko sa kausap ko ngayon.”

The Lightning Train CommutersTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon