CHAPTER 17: LAUGHTER IN THE RAIN (Neil Sadaka)

192 0 0
                                    

Nung sumunod na ensayo sa banda…

“Oh siya, let’s call it a day!” ani Sonny nang matapos ang practice.

“Jay, sabay na tayo umuwi,” sabi sa’kin ni Rodney.

“Ah, eh… Mauna ka na, may bibilhin pa ako sa grocery, eh,” tugon ko.

“Eh, ‘di samahan kita.”

“Matagal ‘to. Baka masarhan ka pa ng LRT.”

--------------------------------------------------------------------------------------------

Nung sumunod pang ensayo sa banda…

“Let’s call it a day! Very good guys,” ani Sonny nang matapos ang practice.

“‘Oy, Jay, sabay na tayo umuwi,” sabi sa’kin ni Rodney.

“‘Di ako makasabay, eh… ,” tugon ko, “maghahanap ako sa tabi-tabi ng mabibilhan ng barnes para sa tokador ko sa bahay…”

“Ah, gano’n ba?”

-----------------------------------------------------------------------------------------

Nung sumunod pang ensayo sa banda ulit…

“Okay, wrap up na. Kasado na tayo… Puwede na gumawa ng demo tape soon,” ani Sonny nang matapos ang practice.

“‘Jay… Sabay tayo?” tanong sa’kin ni Rodney.

“Ah, hindi eh…”

“Bakit?”

“Kasi ano, eh… ano… ah…”

“Ano?”

“May kukunin pa ko sa---”

“Sige mauna na lang ako,” pagtatapos ni Rodney.

--------------------------------------------------------------------------------------------

At nang sumunod pa ulit na ensayo ng banda…

“Uwian na! Uwian na!” ani Sonny pagkatapos ng huling kanta.

“Sige Jay, una na ko… Baka may dadaanan ka pa, eh,” sabi ni Rodney.

Napatingin lang ako sa papalayo niyang bulto na nauna na sa akin.

--------------------------------------------------------------------------------------------

At nitong huling practice.

“Wrap up na! Don’t forget next week may battle of the bands ulit tayo sa may Novaliches, huh! Wala nang male-late,” ani Sonny nang matapos ang ensayo.

Lumingon sa’kin si Rodney, “sige, Jay. Mauna ka na kung mauuna ka.” Nakangiti lang siya.

Matagal bago ako nakasagot, “ ah… Oo nga… Sige, bye guys…”

Habang mag-isa akong naglalakad patungong LRT, naiisip ko, nahahalata na kaya ni Rodney na iniiwasan ko siya kaya pinapauna na niya ako?

Biglang kumulog.

Napatingin ako sa langit. Walang mga tala.

Kumulog ulit.

Tapos biglang bumuhos ang ulan. Malakas na ulan.

Agad akong naghanap ng tindahan na may silungan at doon ako nanatili.

Tumingin ako sa oras ko, mag-a-alas nuwebe na. Sa hitsura ng malalaking patak ng ulan, mukhang matagaltagal pang matatapos ang bugsong ito.

The Lightning Train CommutersTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon