CHAPTER 50: RODNEY'S SWEET PSYCHOSIS IN C MAJOR

129 0 0
                                    



"Pasensya na talaga Sonny kung kailangan kong gawin ko 'to," sabi ko kay Sonny.


Miyerkules. Band practice.


Ang huling ensayo na kasama ako ng banda.


Sinabi ko na sa kanila ang tuluyan kong pagbitaw bilang tiklador ng Lightning Train Commuters.


Kaming dalawa ni Sonny ang nauna sa garage band studio.


"Alin? Ang pagpunta mo sa Ilocos para maging Senior Medtech sa ospital ng tatay mo?" matabang na sambit ni Sonny, "hindi katanggap-tanggap na rason 'yon."


Napalunok ako, "kasama kasi do'n ang opportunity na makapunta ako sa Dubai. Alam mo naman ang kita sa ibang bansa. Wala naman na rin kasi akong pamilyang matino na iiwan dito."


"Wala nga. Pero banda, meron kang iiwan," sarkastiko niyang banggit.


Napatungo ako, "pasensya ka na. Mabilisang desisyon kasi ang kailangan, kung hindi mami-miss ko ang opportunity."




"Kung sasabihin mo sa akin ang totoong dahilan mas maiintindihan pa kita," mariin niyang sabi.


"Ano'ng ibig mong sabihin?" pagtataka ko.


"Si Rodney... Siya ba ang dahilan?" tila ingat niyang tanong.


Napamuglat ako. Hindi ako nakapagsalita.


Ngumisi siya. "Tingnan mo 'yang sarili mo, ang laki ng pinagbago mo simula ng nakilala mo siya. Ramdam kong higit pa sa kaibigan ang tinginan niyong dalawa."


"Paanong...?"


"Huwag kang mag-alala. Sikreto natin 'to. Tulad ng sabi ko sa'yo. Magkaibigan tayo, kaya madali kitang nababasa. Isa pa, tropa tayo pero kahit kalian, hindi mo ako tiningnan katulad ng paraan na tingnan mo si Rodney. May lalim. Kaya alam kong, may kakaiba."


Hindi ako nakasagot. Hindi ko alam kung mahihiya ako o ano.


"Dahil ba sa pagkabuntis ni Apple kaya ka aalis?" tanong niya.


Bumuntong hininga ako, "hindi ako gano'n ka-masokista. Mahirap makasama araw-araw sa banda ang isang taong mahal mo pero hindi mo kailanman makukuha."


"Ikakasal na daw sila ni Apple," imporma niya.


Hindi ako sumagot. Pero ramdam kong uminit ang mukha ko.


Parang nahulog ang puso ko sa lupa.


Ngumisi si Sonny, "puta. Tingnan mo nga 'yang hitsura mo. Halatang-halatang apektado ka sa narinig mo. Shit. May tama ka nga talaga sa mokong na 'yon."

The Lightning Train CommutersTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon