Chapter 8 - No Other Choice

15 1 1
                                    

"MAGANDANG umaga po!!" magkasabay na bati nina Miggy at Lance habang tumutulong si Hero sa paghahanda bago magbukas ang karenderya.

"Ano'ng ginagawa n'yo rito? Ang aga-aga pa," nagtatakang tanong niya.

"Hindi ba sinabi na namin sa iyo? Pumayag si Tita mo na magtrabaho kami rito bago ang second sem," sagot ni Lance.

"Hindi ba, Tita?" sabad naman ni Miggy.

"Mabuti na rin iyon para may alalay ako habang nasa eskwela kayo ni Max," sabad ni Belen.

"Siya, siya! Tulungan n'yo na kami rito at magbubukas na tayo maya-maya lang," sabi niya.

Pumasok ang mga ito sa karenderya at dumiretso sa kusina nina Max kung saan may niluluto pang ulam ni Belen.

"Wow! Ang gara pala talaga ng bahay nina Max, ano?" bulalas ni Miggy nang sumilip sa sala.

"Oh, huwag kayong pagala-gala sa loob," paalala ni Belen. "Baka kasi pagalitan ako ng mga magulang niya na kung sinu-sino ang pinapapasok ko sa bahay nila."

"Huwag po kayong mag-alala, Tita. Hanggang dito lang po kami sa kusina," pangako naman ni Lance. Sumang-ayon din si Miggy.

Nagtulong-tulong ang dalawa sa paghihiwa ng mga gulay at rekados na isasahog sa niluluto ni Belen. Habang si Hero naman ang siyang nagbibitbit ng mga lutong ulam papunta sa loob ng karenderya.

"Hero, bakit hindi ka pa naghahanda? Wala ka bang pasok ngayon?" tanong ni Belen nang malapit nang mag-alas siyete.

"Mamayang hapon pa po ang klase namin ni Max," sagot niya.

"Ah, kaya pala hindi pa bumababa ang batang iyon."

"Ah, Tita, pwede na po ba kaming magpaturo kay Hero para sa entrance exam ng Cas-U pagkatapos po ng breakfast rush?" hiling ni Miggy.

"Sige, walang problema. Bandang alas otso, hindi na masyadong busy rito. Pwede na kayong mag-aral kung gusto n'yo."

"Maraming salamat po!!" magkasabay na wika ng dalawa.

Pagpatak ng alas otso, sumama na si Hero sa dalawa sa katabing boarding house.

"Bakit sa akin kayo magpapaturo, eh, pang-senior high school iyong exam namin?" reklamo niya sa mga ito.

"Oo nga, no?" tapik-noong sagot ni Miggy. "Ah, si Max! Hindi ba admin iyong isang tito niya sa Cas-U? Bakit hindi tayo magpatulong sa kanya? Baka may reviewers siya."

"Asa ka pa! Bugbog lang aabutin mo do'n bago iyon pumayag," aniya.

"Ito naman. Napaamo mo nga si Dana noon, eh, aso't pusa rin naman kayo noon," sabad nito na agad tinakpan ng dalawang kamay ang bibig. "Oops! Sorry."

"Okay lang. Naalala ko nga rin si Dana sa kanya," sagot niya. "Pero ibang level si Max. Parang ako noon."

"Wala namang masama kung susubukan natin, hindi ba?" sabad ni Lance. "Ayaw mo bang makapasa kami at nagkasama tayo sa iisang school?"

Dahil sa pangongonsensya ng mga ito, napilitan siyang puntahan si Max sa kwarto nito. Hindi pa rin daw ito bumababa hanggang nang mga oras na iyon at hindi alam ng tita niya kung gising na ba ito.

Marahan siyang kumatok sa pinto.

"Bukas iyan, 'Nay!" sagot nito mula sa loob.

"Ah, ako ito. Pwede bang pumasok?"

Biglang bumukas ang pinto. "May kailangan ka?" malamig na tanong nito sa kanya.

Hindi pa nga siya nag-uumpisa, mukhang tatanggihan na agad siya nito. Pero wala naman talagang mawawala kung susubukan niya.

The TransfereesWhere stories live. Discover now