Dagli #1

6 1 0
                                    

Nakatingin siya sa akin, pero alam ko na wala sa akin ang kanyang atensyon. Tulala ang kanyang mga mata, walang kabuhay-buhay ang mga ito hanggang sa mapansin ko ang pamumuo ng mga luha sa kanyang mga mata. Yung pamumuo ng mga luha na iyon, nagsimula nang bumagsak isa-isa mula sa kanyang mga mata. Nag-aalala na ako sa kanya.

"Bakit ka umiiyak?" pag-aalalang tanong ko sa kanya. Ayaw ko siyang nakikitang ganito. Sa katunayan, ilang araw na siyang ganito. Hindi ko man lang siya matulungan sa mga problema niya. Hindi naman ako magaling magpayo, pero kaya kong makinig. Alam kong kamamatay lang ng isa sa mga mahal niya sa buhay kaya siya nagkakaganyan. Ngunit alam ko din na tapos na siyang maghinagpis. Alam ko, sinabi niya sa akin eh.

Tinanong ko siya muli, "Bakit? Alam mo namang pwede ka magkwento sa akin. Mapagkakatiwalaan mo ako. Ako yung matalik mong kaibigan, 'di ba?"

Hanggang doon lang naman ako eh. Isang matalik na kaibigan. Isang walang kwentang bagay sa kanyang mga mata. Hindi niya ako kayang mahalin gaya ng pagmamahal niya sa ibang tao lalo na sa kanyang nobyo. Habang ako, naririto, mahal siya ng patago, mahal siya ng hindi niya alam, mahal siya kahit nasasaktan niya ako minsan.

Pinunasan niya ang luha sa mga mata niya at kinuha ang isang ballpen sa kanyang desk.

"Dear diary," sulat niya sa akin, "Matapos mamatay ng aking ama, sumunod namang namatay si Cameron. Wala na siya."

EPHEMERAL - Short Stories Collection #1Where stories live. Discover now