Sa Bawat "Mahal Kita"

13 2 0
                                    


"Akin ka lang ah?"

Unang lagok sa unang bote ng alak na iniinom ko.

"Iyong-iyong-iyo lang po mahal. Basta akin ka lang din ah?"

Ikalawang lagok sa ikalawang bote ng alak.

"Sayong-sayong-sayong lang po mahal. Promise!"

Ikatlo. Ikaapat. Ikalima.

"Promise 'yan ha?"

Ika-anim.

"Promise na promise! Mahal na mahal kita!"

"Tama na!" hiyaw ko sabay bato sa ika-anim na bote ng alak na iniinom ko. Dama ko ang pagkakapira-piraso ng bote. Tiyak nagkalat na sa sahig ang mga bubog nito. Parang ang puso ko, pira-piraso na at nagkalat pa sa sahig.

Bukod sa mga bote ng alak, nagkalat pa sa sahig ang mga papel na puno ng mga letrang hindi na magkakaroon pa ng buhay. Mayroon ding mga litratong mga matatamis na ngiti lamang ang makikita. May mga walang laman na garapon kung saan ang mga nilalaman dati nito ay puro mga tinuping papel na iba't iba ang kulay. Nakasulat doon ang mga pangarap at mga plano sana natin.

Hanggang sana na lang ang lahat. Wala ka na.

Napapikit ako habang dinadama ang pagkirot ng dibdib ko sa sobrang sakit. Nababalot ng katahimikan ang paligid at ang tanging tunog lamang na maririnig ay ang orasan at ang imahinasyon kong pinapaalala ang boses niya sa akin.

Bakit kasi kailangan niya pang mawala?

Nakilala ko siya noong hindi ko pa alam ang tunay na kahulugan ng pag-ibig. Isa siyang babaeng nagbigay ng liwanag sa buhay ko. Binigyan niya ng kulay ang mundo kong matamlay. Siya ang naging ilaw sa madilim na paglalakbay kong ito. Siya ang naging gabay ko, ang naging kaakibat ko sa lahat. Siya ang nakasama ko kahit pa puro lungkot at poot ang nararamdaman ko. Hindi niya ako iniwan, hindi niya ako sinukuan, hindi niya ako pinabayaan.

Siya ang aking bituin. Mahilig siya doon, madalas siyang nakatingala sa kalangitan at pinagmamasdan ang pagkislap ng mga bituin. "Tignan mo ang mga bituin. Napakaganda diba?" madalas niyang sabihin sa akin pero hindi ako tumitingin. Sa kaniya lamang ang tingin ko. Hindi niya alam na mas makinang pa sa bituin ang mga mata niya. Hindi niya nakikita na mas maganda pa siya kaysa sa mga ito. Oo, siya ang aking bituin. Ang nag-iisang bituing titingalain ko..

Pero ngayon, napundi na ang ilaw na nagbibigay liwanag sa akin. Sumuko na ang kaisa-isang taong alam kong hindi ako susukuan. Iniwan na niya ako, umalis na siya sa buhay ko.

Hindi ko man lang narinig mula mismo sa kaniya kung bakit.

Ang dami kong gustong itanong sa kaniya. Ang daming "bakit" ang gustong mabigyan ng mga "dahil." Ang dami kong gustong linawin. Gusto kong malinawan. Hindi ko na kasi maintindihan. Naguguluhan ako. Wala man lang akong alam sa mga nangyayari o nangyari. Ang bilis talaga at hindi ko alam kung paano tatnggapin lahat ng ito.

Bakit biglang nawala ang ningning ng bituin ko?

Hindi ko inaasahan na sa likod ng mga maningning niyang mata nagtatago ang malungkot niyang karanasan. Hindi ko alam na sa bawat paghalakhak niya may katumbas palang mga hikbing kailanman hindi ko nalaman. Hindi ko man lang napansin na sa bawat pagngiti niya may itinatago pala itong sakit.

Hindi ko man lang napagtanto na sa bawat "Mahal Kita" na sinasabi niya sa akin ay maaaring huling beses na.

Malungkot kong tinignan ang isang nakatuping papel na nakapatong sa aking lamesa. Katabi nito ang larawan niyang may ngiti sa kaniyang labi na tila ba walang mundo ang dumurog sa kaniya. Sa papel na iyon nakasulat ang huling liham na natanggap ko mula sa kaniya. Binasa pa niya ito sa akin habang pinagmamasdan naming ang mga bituin. Umaalingawngaw sa malamig at tahimik na gabi ang malambing niyang boses habang sinasabi sa akin ang huling kataga sa liham.

"Titingalain ka lagi,
Ally"

EPHEMERAL - Short Stories Collection #1Where stories live. Discover now