Home Shit Home

7 1 0
                                    

This is it.

Nasa harapan ko na muli ang tahanang iniwan ko dahil sa pangangailangan ko. Iniwan ko ang malalaking gate na kulay green na ito dahil kinailangan kong umalis. Ayokong masasanay ako sa buhay sa loob ng tahanang ito. Ayoko.

Nakita ko sa loob na naroroon ang mga taong dati ay kasa-kasama ko sa mga importanteng kaganapan sa buhay ko. Naroroon sila, masayang nag-uusap, masayang nagpapalitan ng kwento, masayang nagtatawanan. Nakakamiss din pala talaga yung mga halakhak at kwento nilang lahat.

Bumuntong hininga ako. Nilakasan ko ang aking loob kahit pa nangangatog na mga tuhod ko sa kaba na nararamdaman ko. Pumikit ako at itinulak ang gate upang makapasok. Dahan-dahan kong sinara ang gate upang hindi makagawa ng ingay saka unti-unting lumapit sa mga taong naging parte ng buhay ko maging ng tahanang ito.

Unang hakbang papalapit sa kanila. Naalala ko noong una akong natanggap sa tahanan na ito. Saksi ang bawat sulok nito sa childhood days ko. Nadama ng lapag ang bawat takbo at lakad maging ang pagkakadapa ko. Alam ng bawat dingding ang mga paghawak ko, ang mga paghaplos ko, at ang mga pagsandal ko. Sariwa pa sa mga alaala ng mga upuan dito ang mga madalas kong gawin kapag nakaupo ako dito. Naghihintay, tumatawa, nakikipagkwentuhan, kumakain, lahat-lahat. Naaalala ko pa lahat.

Ikalawang hakbang papalapit sa kanila. Bumabalik sa akin ang alaala ng mga kwarto dito. Malamig, airconditioned kasi. May electricfan. Mabango dahil laging may albatross o kaya laging nag-iispray ng disinfectant. Naaalala ko ang mga kulay ng kurtina dito. May kulay orange, yellow, green, saka blue. Huli kong naabutan dito, ang kulay ng kurtina ay kulay green. Saksi ang mga kwartong ito sa mga nangyari sa akin noon. Alam ng mga kwartong ito kung gaano ko pinahahalagahan ang tahanang aking minamahal.

Ikatlong hakbang. Ikaapat. Ikalima. Yung mga hagdan dito sa tahanan ko. Naging saksi yun sa mga kalokohan na ginagawa ko sa tahanan ko. Mula sa pagtakbo paakyat baba dahil hinahabol ako ng mga kalaro ko hanggang sa pag-akyat baba ko dahil sa mga papel. Saksi ang mga hagdan dito.

Ika-anim, pito, walo, siyam, sampu. Naalala ko bigla ang mga taong nakasama ko. Pinangiti nila ako, pinatawa, pinahanga. Sila yung mga taong bumuo sa kung sino man ako ngayon. Ang mga taong humubog sa pagkatao ko. Sila ang dahilan kung bakit heto ang ugali ko, kung bakit heto ako. Sila. Wala nang iba. Tinuruan nila ako ng mga aral na hinding-hindi ko malilimutan. Tinuro nila sa akin ang mga mabubuting asal. Tinuro nila sa akin na tumupad sa mga responsibilidad. Sila, sila ang humubog sa pigura kong itinuturing nilang perpekto.

Ika-labing isang hakbang. Sandali lang. Tumigil ako sa paghakbang. Bumabalik sa akin ngayon ang bangungot na dinanas ko sa tahanan. Ang mga pasang naririto ngayon sa mga bisig ko ay dahil din sa mga taong nakasama ko. Kulay violet pa din ang mga ito, sariwang-sariwa pa. May mga laslas din ako na pumupuno sa mga bisig ko. May mga kalmot pa at mga sugat. May mga luma na, may mga bago at sariwa pa. Lahat-lahat ng ito, sila ang may dulot. Dahil sa mga walang kabuluhang mga sinabi nila na akala nila makakatulong sa akin. Yun pala, iyon ang mga magiging dahilan kung bakit ako mismo ang papatay sa sarili ko. Pero, kahit pa ganun ang idinulot nila sa akin, ayos lang. Mahal ko ang tahanan. Mahal na mahal ko ang tahanan. Kaya naririto ako muli ngayon. Kaya bumabalik ako. Para muling maramdaman at masilayan ang aking tahanan.

Sa ika-labing dalawang hakbang, nasa harap na nila ako. Nakangiti ako sa kanila, ngunit bakit parang hindi nila ako nakikita? Sinubukan ko silang yakapin gaya ng lagi kong ginagawa ko sa kanila. Ngunit, hindi ko sila mahawakan. Hindi ko sila maramdaman. Sinubukan kong tapikin ang mga balikat nila gaya ng lagi kong ginagawa kapag mayroon akong tanong na gusto kong magkaroon ng kasagutan. Pero hindi sila lumingon gaya ng dati. Tinawag ko ang mga pangalan nila. Sinigaw ko

"Jeda!"

"Oliver!"

"Ricky!"

"Maine!"

"Elizabeth!"

"Mika!"

"Amanda!"

"Ken!"

Pero hindi sila lumingon. Hindi sila namansin. Hindi nila ako nararamdaman.

Nang may bigla akong narinig na tinig.

"Bakit ka pa bumalik dito?"

Tumingin ako sa kanan ko at nakita ang isa sa mga taong akala ko dati ay maiintindihan ako. Si Nancy.

"Bakit nandito ka pa? Hindi ka na pwede dito! Hindi pa ba obvious? Kailangan ko pa bang ulit-ulitin yun sayo?!" sigaw niya sa akin na ikinatakot ko. Ang mga mata niya ay puno ng galit. Ang boses niya ay parang kulog, nangangalit. Tama na. Tama na.

"SELFISH KA DIBA?! SELFISH KA! HINDI MO INISIP KUNG ANO MGA MAGIGING KAHIHINATNAN NG MGA GINAGAWA MO! INIISIP MO LANG SARILI MO! TAPOS SISISIHIN MO KAMI KAPAG MAY NASASAKTAN KA? KASALANAN MO 'TO! KASALANAN MO LAHAT NG NANGYAYARI SAYO!"

Tinakpan ko ang tenga ko at tumakbo papalabas ng gate. Paglabas ko ng gate, tumakbo ako papalayo sa tahanan. Bago ako makalayo ng tuluyan, nakita ko kung paano nagbago ang itsura ng tahanan. Ang dating matitingkad na kulay ng tahanan ay naging kulay abo na. Naging kahindik-hindik na din ang hitsura ng gate. Nagbago na ang tahanan. Hindi na ito ang tahanan na nakagisnan ko.

Sayang. Sayang ang pagmamahal ko sayo, aking tahanan. Bakit mo hinayaan ang sarili mong masira dahil sa mga taong hindi tunay ang katapatan sayo?

EPHEMERAL - Short Stories Collection #1Where stories live. Discover now