Mapaglarong Tadhana

6 2 0
                                    

"Nagseselos ka na naman!" sigaw ng isang lalaki mula sa kabilang table.

"Eh nilalandi ka nung babae. Tapos ikaw nagpapalandi ka naman!" sigaw pabalik ng isang babae.

Ayoko na sanang lumingon pa sa mga taong nagsisigawan sa kabilang table. Ayoko na sanang maki-tsismis pa sa gulo nila. Pero I did anyway. Besides, maraming tao na din ang nakatingin sa kanila.

Lumingon ako sa kabilang table at nakita ang isang magjowa na masama ang tingin sa isa't isa. Nakaupo ang lalaki habang ang babae ay nakatayo. Nakalagay ang mga kamay niya sa lamesa. Galit na galit siya.

Teka lang, bakit parang pamilyar yung lalaki?

"Listen to me, Ian," sigaw ng babae. "I've had enough of this bullshit. Pinaglalaruan mo lang ata ako!"

Natawa lang ang lalaki at sumigaw, "Umalis ka, sige. Be my guest. I don't give a damn."

Namumula na sa galit ang babae habang nakatingin sa lalaking kalmadong nakatingin sa kanya. Dinampot ng babae ang kaniyang bag sa lamesa at dali-daling naglakad palabas ng fast food chain. Makalipas ang ilang sandali, tumayo na din ang lalaki at naglakad palabas ng fast food chain.

Sinundan ko ang lalaki habang naglalakad siya. Hindi ko maintindihan kung bakit parang kilala ko siya kahit ngayon ko palang siya nakikita.

"June? Nakikinig ka ba?" tanong ng kaibigan ko habang kumakaway sa harap ko.

"Hmm.. Oo naman," sagot ko kay Denise sabay balik ang atensyon ko sa sinisipsip kong inumin.

Bumuntong-hininga siya at nagsalita, "Sayang yung lalaki kanina. Masyado naman kasing selosa yung babae eh."

"Loko, mukha naman silang hindi seryoso sa isa't isa. Kung talagang mahal ni guy si girl, hindi niya hahayaang umalis si girl. Tapos si girl naman, kung mahal niya talaga si guy, hindi niya ipapahiya si guy," sabi ko sa kanya.

Natawa naman sa sagot ko si Denise, "Wow ha, may lovelife ka?"

"Wala," maikling sagot ko saka ipinagpatuloy na lamang ang pagkain.

Lumingon ako muli sa table kung saan nag-away ang mag-syota kanina. Nang may mapansin ako.

"Bes, tignan mo!" sabi ko sabay turo sa lamesa.

Tumingin si Denise sa lamesa at nanlaki ang mata, "Hala, naiwan ng lakaki yung cellphone niya!"

Dali-dali akong tumayo at kinuha ang cellphone na nakapatong sa lamesa. Sumenyas ako kay Denise na lalabas muna ako ng fast food chain para hanapin ang lalaki. Lumabas ako at luminga-linga. Hindi ko makita ang lalaki kahit saan!

Naiisip ko na baka lumabas na siya ng mismong mall kaya doon na ako nagtungo. Ipinagdarasal ko na sana hindi pa siya tuluyang nakakaalis. Kawawa naman siya. Nawalan na nga siya ng girlfriend, mawawalan pa siya ng cellphone. Pagkalabas ko, nakita ko siyang nakatayo sa isang gilid habang kinakapa ang sarili niya. Napansin na niya siguro na nawawala ang cellphone niya.

Naglakad ako papunta sa kaniya at kinalabit siya. Lumingon siya sa akin, bakas sa mukha niya ang pagkagulat. Para bang tumigil ang mga mundo namin habang nakatingin kami sa isa't isa. Nakatingin ako sa mga mata niya, nakatingin din siya sa akin. Nakikita ko sa mata niya ang pangungulila, lungkot at higit sa lahat, pagkagulat.

Sinira ko ang eye contact namin at iniabot sa kaniya ang cellphone niya, "Kuya, naiwan mo 'to kanina dun sa table niyo."

Kinuha niya ang cellphone sa kamay ko habang hindi inaalis ang tingin sa akin. Hindi ko alam kung bakit pero nagwawala ang puso ko. Hindi ko pa alam kung ano ang pakiramdam na ma-in love.

Ito na ba yun? Ang absurd naman.

"Salamat," maikling tugon niya sa akin. Nakatingin pa rin siya sa akin hanggang sa ang labi niya ay kumurba pataas.

Akmang aalis na sana ako nang magsalita siya muli, "Ano pangalan mo?"

Tumingin ako sa kanya, "June. Ikaw?"

"Ian," maikling sagot niya habang nakatingin pa din sa akin. Banayad ang kaniyang tingin, hindi kagaya ng tingin na ibinigay niya sa syota niya kanina.

Speaking of syota, maturuan nga ng leksyon 'to.

"Alam mo, hindi mo dapat hinayaan yung girlfriend mo na umalis kanina. Tsaka kung ano man pinagselosan niya, dapat hindi mo na ginawa yun, loyal ka dapat," sabi ko sa kanya habang naka-cross ang mga kamay ko.

Natawa naman si Ian sa sinabi ko. Hindi ko maintindihan kung bakit masaya ako na tumatawa siya.

Ginulo niya ang buhok ko sabay sabing, "Edi wow. Ikaw ha, nakikinig ka sa away ng iba."

Pamilyar ang boses niya nung sinabi niya ang "edi wow."

"Do I know you?" tanong ko sa kaniya.

Natahimik siya at ngumiti sa akin. Pero may kakaiba sa ngiti niya ngayon. May bahid ng lungkot.

"Hindi, June. May naalala lang ako sayo," sabi niya sa akin. "May true love kasi ako eh, kamukha mo siya, kaso hindi na niya ako maalala."

"Bakit naman?" natatakang tanong ko. "May amnesia ba siya?"

Napayuko si Ian bago ako sagutin, "Oo eh. Ang malala, naaalala niya ang ibang tao, pero ako hindi."

Bigla akong nalungkot para kay Ian. Kawawa naman pala siya.

"O siya, nice meeting you, June. Salamat sa pagbalik mo sa cellphone ko. Mag-iingat ka palagi, ha?" sabi niya sa akin bago siya naglakad papalayo.

Nakatingin lang ako sa pigura niyang naglalakad palayo sa akin. Naalala ko bigla na parehas pala kami ng kondisyon noong babaeng "true love" ni Ian.

Parehas kaming may amnesia.

EPHEMERAL - Short Stories Collection #1Where stories live. Discover now