Para Sa Akin?

7 2 0
                                    

"Hala, para sa akin ba 'yan?"

"Ang sweet naman talaga!"

"Happy Valentine's Day, love!"

Naiirita 'kong tinakpan ang tainga ko. Napairap na lang din ako sa sobrang irita nang marinig ko ang mga babaeng nagsisigawan sa katabi kong table. Mga binigyan lang ng bulaklak kung maka-react wagas?!

Narito ako ngayon sa isang park malapit sa tinitirahan ko ngayon. Dito muna sana ako magpapalipas ng oras habang nagbabasa ng aking libro. Sa kasamaang palad, mukhang nagkamali ako ng desisyon sa pagpunta dito.

Valentine's Day ngayon. Ika-14 ng Pebrero. Bakit ko nakalimutan 'yon? Kaya naman pala kay daming tao ang naririto sa park ngayon, puro pa magjowa na walang ginawa kundi ang maghalikan.

Hello?! Sa dati 'kong tinitirhan, may park din dun na kapag may PDA, may multa. 500 pesos din 'yon!

Gusto ko na sanang umalis ng park noong mga oras na iyon, kaso saan naman ako pupunta? Kahit naman saan siguro ako magtungo, mayroong mga magkasintahang, kung hindi naghahalikan, naghaharutan naman.

Ipinagpatuloy ko na lamang ang pagbabasa ko. Ang mga babae sa katabing table ay nagsialis na matapos matanggap ang mga bulaklak galing sa kanilang mga nobyo. Sa wakas! Makakabasa na din ako ng matiwasay!

Hindi ako bitter. Hindi lang talaga ako mahilig sa Valentine's Day na siyang dahilan kaya ako hinihiwalayan. Hindi ako showy na tao, hindi rin naman clingy. Ayoko maging gano'n. Gusto ko lowkey lang, gusto ko private lang.

Sa kasawiang palad, lahat ng mga naging ex-boyfriend ko, kabaliktaran ang gusto. Kaya lahat sila, iniwan ako. Kaiwan-iwan ata ako.

Bigla akong napahinto sa pagbabasa nang may marinig akong mga naghihiyawan malapit sa table ko. Heto na naman tayo.

Lumingon ako sa kung saan nanggagaling ang mga sigawan. Doon nagsimulang tumigil sa pag-ikot ang mundo ko.

Tumama ang aking mga mata sa isang pares ng mga matang mas makinang pa kaysa sa mga bituin sa kalangitan. Kulay brown ito. Nabighani ako sa ganda ng kaniyang mga mata.

Hindi ko maalis ang tingin ko sa kaniya.

Bumaba ang mga mata ko sa kaniyang ilong. Aba'y, napakatangos! Mas maganda pa ang ilong niya kaysa sa akin. Walang gamit na photoshop ang nilalang na ito, totoo ang kaniyang ilong. Ni-retoke kaya ito o natural lang talaga? Gusto 'kong malaman.

Samantala, ang aking paningin ay napunta sa kaniyang mga labi. Kulay rosas ang mga ito. Kissable lips na nga ba ang tawag dito? Mas mapula pa kaysa sa akin ang mga labi niya. Gumagamit kaya siya ng liptint para pumula ang labi niya? Gano'n kasi sabi ng mga kaklase ko kaya sila gumagamit ng liptint. Mukha daw kasi silang maputla kapag wala ito. Siya rin kaya maputla ang labi talaga kaya may parang lipstick sa labi niya?

Hindi ko inaasahan ang mga susunod na nangyari.

Nakatitig siya sa akin. Nagtama ang paningin naming dalawa. Ang kinang talaga ng mga mata niya! Dinaig pa niya ang glitters na nilalagay ko sa mga projects ko sa school!

Tumigil na ng tuluyan ang mundo ko, pati paghinga ko.

Nawala na din ang mga taong nakapaligid sa akin, pati na rin ang ingay ng paligid.

Naka-focus na lamang ang atensyon ko sa kaniya. Nakangiti na siya. Tumingin ako sa kaniya mula ulo hanggang paa. Napansin kong may itinatago siya sa likod niya.

Hala, para sa akin kaya 'yon?

Nagsimula na siyang lumapit sa akin habang hindi sinisira ang eye contact naming dalawa. Hinanda 'ko na ang sarili 'ko. Ngayon lang ako ulit nakaramdam ng ganitong excitement.

Habang papalapit siya ng papalapit, pabilis din ng pabilis ang tibok ng puso 'ko. Nagwawala ito. Gustong ibigay ang sarili sa lalaking ito na papalapit sa akin.

Nasa harapan ko na siya. Nakangiti siya sa akin. Naaamoy ko na ang pabango niya. Napakabango naman niya!

"Hi," panimula niya saka inilahad sa akin ang mga pulang rosas na itinatago niya kanina sa likuran niya.

Magsasalita na sana ako, kahit hindi ko alam ang aking sasabihin, nang bigla niyang dinugtungan ang sinabi niya.

"25 pesos lang 'tong rosas, Miss. Bente na lang para sayo, maganda ka naman."

EPHEMERAL - Short Stories Collection #1Where stories live. Discover now