Kunwari

9 3 0
                                    

Ngayon pa lang nakikita ko na ang katapusan.

Magkatabi tayo sa isang higaan. Yakap-yakap ang isa't isa upang maibsan ang lamig na nararamdaman natin. Dinig ko ang puso mong malakas na tumitibok mula sa iyong dibdib. Ramdam ko din ang banayad mong paghinga habang nakasandal ang ulo mo sa akin.

Tumingin ako sa 'yo at pinagmasdan ka. Nakapikit ang iyong mga mata. Bahagyang nakabuka ang iyong mga labi.

Sa dalawang 'yan ako nahulog sa 'yo. Sa mga mata mong mas makinang pa sa mga bituin sa langit. Mga balintataw na mas maitim pa kaysa sa gabi. Sa labi mong kulay rosas ang pula. Bahagya mang nagbabalat, hindi pa rin kumukupas ang pagkakulay pula nito.

Sa puntong ito ang sarap mong halikan.

Ngumiti ako habang nakatitig sa 'yo saka ibinaba ang tingin ko sa mga nakapulupot mong kamay sa beywang ko. Hindi ito mahigpit. Kayang-kaya kong umalis sa kaniyang yakap pero hindi ko ginawa. Bagkus, niyakap ko pa siya nang mahigpit.

Ipinikit ko na ang mga mata ko. Nagpalamon ako sa mga iniisip ko. Minsan ko nang natanong sa sarili ko kung hanggang kailan kaya niya ako mamahalin. Kung hanggang ngayon na lang ba. Kung hanggang bukas, o sa makalawa. Walang nakatitiyak kung hanggang kailan na lamang. Kaya naman, habang may pagkakataon pa na pwede ko pa siyang yakapin ng ganito yayakapin ko siya. Kasi alam kong walang nagtatagal.

At oo, ngayon pa lang nakikita ko na ang katapusan.

Sa mga mata niya nakikita ko ito. Akala niya siguro hindi. Akala niya kumbinsido pa ako na totoo ang mga sinasabi ng mga mata niya sa akin. Akala niya siguro kayang itago ng mga mata niya ang lahat mula sa akin.

Sa mga labi niya, akala niya siguro hindi ko napapansin na sa tuwing hahalikan niya ako, lasang lipstick siya. Lasang lipgloss, liptint o lipbalm. Akala niya siguro hindi ko mapapansin, hindi ko matitikman, hindi ko malalasahan.

Akala niya siguro hindi ko napapansin ang pagbabago sa pagtibok ng kaniyang puso. Sa tuwing yayakapin ko siya. Sa tuwing mahuhuli ko siyang may kausap na iba. Akala niya hindi ko naririnig ang puso niya mula sa pagtibok.

Naririnig ko na nga itong tumitibok papalayo sa akin e.

Habang nakapikit, niyakap ko pa siya ng mahigpit. Malay natin, ito na pala ang huling beses na mayayakap ko siya ng ganito. Sa pagkakataong ito, hinayaan ko ang sarili kong 'wag pakiramdaman ang lamig. Kunwari mainit na. Kunwari mainit pa.

Kunwari hindi ako nilalamig. Kunwari hindi siya nanlalamig.

Maya-maya pa, naramdaman kong tumulo ang luha ko. Hindi ko na kaya, mabigat na din dibdib ko dahil sa dinadala ko. Napagpasiyahan kong umalis na muna sa pagkakayakap sa kaniya.

Inalis ko ang mga kamay niya sa akin. Umupo ako. Pero hindi ko napansin na nagising siya dahil dito.

"Babe?" tawag niya sa akin.

Ngumiti ako nang patago sa kaniya. Hindi ko siya hinaharap. Ayokong makita niya na umiiyak ako.

"Bakit?" tanong ko.

"Wala, akala ko kung bakit ka gumalaw. Umalis ka kasi sa piling ko."

Natawa ako ng bahagya. Napaka-ironic naman. Tumayo na lamang ako at lumabas ng kwarto.

Nang makalabas ako, doon na ako umiyak ng tahimik habang pinoproseso ang kumpirmasyon na aking nakuha.

Hindi kasi "babe" ang tawagan namin sa isa't isa.

EPHEMERAL - Short Stories Collection #1Where stories live. Discover now