Chapter 28 (Betrayal of trust)

2.1K 78 7
                                    

       SHE slowly walked through a white hallway, side by side with a formal man named Grisham. Kakaiba ang pakiwari ng assistant, 'di gaya ng ilang pagdalaw niya sa mansyon. Nararamdaman nitong may ibang iniinda ang dalaga.

        Mababasa sa mga matang iyon ang kalungkutang bumabagabag sa kanya nitong mga nakalipas na mga araw. Pinilit niyang huwag ng isipin pa ito sa mga oras na iyon at sa halip ay pagtutuonan na muna ng pansin ang pagdalaw sa kanyang ama.

        Sa tapat ng opisina ng chairman, naunang huminto si Grisham. Napatingin ito sa dalagang nag-aayos ng damit. Siguradong mapapansin din ni Chairman ang pinoproblema nito.

        Matapos buksan ang pinto'y humakbang ito papasok. Nakita naman nito si Chairman na nakaupo sa isang pahabang upuan, kapiling ang ilang mga importanteng dokumento na kailangan nitong basahin at pirmahan.

        “Paumanhin po Chairman. Narito po si Lady Kassandra,” pormal naman nitong sambit sa nakatalikod na matanda.

        Lumingon ito sa kanya.

        “Papasukin mo na siya, Grisham.”

        Humakbang papasok sa opisina si Kassandra. Balot sa pulang carpet ang sahig at napapalibutan ang silid ng ilang istanteng naglalaman ng mga libro. Nasa gitna nito ang isang set ng mga upuan, kung saan maaari kang makapagpahinga at makapagbasa. Duon niya nasilayan ang kanyang lolo na sabik na siyang makita.

        “Magandang hapon po, lolo,” mahinang pagbati naman niya, napalunok siya ng biglang makaramdam ng konting pagbara sa kanyang lalamunan. Nitong mga nakalipas na araw kasi'y naging masama na ang kanyang pakiramdam.

         “Hija, halika rito sa aking tabi,” agad nitong napansin ang panlulumo niya. Ibinaba nito ang ilang papeles at maayos na itinabi sa gilid ng salaming mesa. Lumapit naman si Kassandra upang umupo sa tabi nito.

         “Mukhang malamlam ang mga mata mo. Kumakain ka ba ng mabuti?” Asikasong pag-aalala nito.

         “O-opo lolo. Huwag po kayong mag-alala.” Ngumiti si Kassandra.

         "Grisham, maaari bang dalhan mo kami ng t'sa."

         "Opo Chairman. Lady Kassandra, maiwan ko na po muna kayo."

         "Kamusta po ang pakiramdam ninyo?"

        "Maayos naman, hija. Ikaw ang inaalala ko," iniangat nito ang kamay upang dampian ang kanyang pisngi. "Umiyak ka ba? Mukhang bagsak ang mga mata mo." Dinama nito ng palad ang kanyang nuo. "Gusto mo bang ipatawag ko ang doktor?"

          Umiling si Kassandra. "Wala naman po 'kong sakit." Huminga siya ng malalim, pilit niyang pinagagaan ang kanyang pakiramdam. Mukhang nahahalata na rin ito ng kanyang lolo. Bakit ba kasi paulit-ulit niyang iniisip ang problemang iyon?

         "Dito ka na tumira sa mansyon para nababantayan kita, mas lalo lang akong mag-aalala kung mahihiwalay ka pa sa akin." Anito.

         "Ayos naman po ako lolo, medyo malamig lang po ang panahon, kaya sinisipon po 'ko." Sabay singhot naman niya.

         Ngumiti ang matanda, mukhang namumula nga ang kanyang ilong.

        "Mamaya ipapatawag ko ang doktor upang mapa-check up ka, kailangan mo lang sigurong magpahinga. Manatili ka na muna rito. Isa pa, nalalapit na iyong kaarawan, hindi ba?"

         Ngumiti si Kassandra, kumawala ang isang mahinang bugso ng tawa.

         "Tatanda na naman po ako."

Kassandra's Chant (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon