Prologue

7.8K 106 1
                                    

PROLOGUE

BITBIT ang isang itim na bagaheng may kalakihan, mabagal niyang tinahak ang makipot na pasilyo ng tren. Nakasalubong niya ang ilan sa mga taong naghahanap din ng kanilang mauupuan. Ito ang unang beses na lilisanin niya ang kanilang probinsiya, dala ang pag-asa'ng makakapagsimula siya ng panibagong buhay sa siyudad. Mahigpit niyang hinawakan ang kanyang ticket habang masigasig na hinahanap ang kanyang upuan.

Nasaan ka na ba, no. 52?

At sa ilang sandali pa'y nakita niya ito. Hirap na binuhat niya ang bagaheng dala upang mailagay ito sa luggage compartment sa itaas ng mga silya. Suwerteng tinulungan naman siya ng kanyang katabi upang mailagay ito.

Maganda ang puwestong nakuha niya, katapat nito ang bintanang nahahamugan na sa lamig ng umagang iyon.

"Uy, suwerte mo naman at d'yan ka nakapuwesto." Tuwang bati agad ng kanyang katabi. Isang babaeng sa palagay niya'y ka-edaran din niya.

Ngumiti si Kassandra upang gantihan din ang paunang bati nito.

"Kung gusto mo, palit tayo," bumakas agad ang ngiti sa kanyang pisngi.

"Hindi, okay lang. Mamaya kasi darating yung boyfriend ko at dito yung puwesto niya sa kabila."

"Mmm... Taga rito ka ba sa Calmares?" Tanong ni Kassandra.

"Oo, sa Lipayan kami pero sa Hermanos na 'ko nakatira ngayon. Ikaw saan ka rito?"

"Hmm... Taga Puerto Veron ako." Sagot naman niya.

"Ah, 'di ba isla yun? Alam mo nakapunta na 'ko sa lugar ninyo. Marami raw magagaling kumanta sa inyo kasi kapag may pista sa bayan, sa inyo kumukuha ng banda yung Mayor namin."

"Marami talagang magagaling sa amin. Iyon na kasi ang libangan nila roon."

"Ibig sabihin, magaling ka palang kumanta kung ganun?" Pagbibiro pa nito.

Hindi tuloy alam ni Kassandra kung sasagutin niya ang katabi. Ang totoo may maliit naman siyang talento sa pagkanta ngunit hindi naman lahat ng taga Puerto Veron ay magaling sa musika.

"A-ako naku... H-hindi... Hindi, sila lang." Sabay senyas niya ng pagpapakumbaba.

"Ikaw ah, pa-humble ka pa." Natuwa si Kassandra sa tinuran nito, kitang gumuhit sa kanyang pisngi ang isang magandang ngiti.

Sumenyas ang katabi niya nang matanaw na yung lalaking hinihintay. Biglang nabaling tuloy ang atensyon nito sa kasintahang dumating. Ikinipot naman ni Kassandra ang kanyang labi ng mapansin na aligaga na 'tong asikasuhin ang binata.

Ibinaling nalang niya sa salaming bintana ang kanyang atensiyon. Iniayos niya ang kanyang mahaba at kulot na buhok, minsan talaga'y kinaiinisan niya ito. Likas na kasing ganito ang hitsura ng kanyang buhok mula pa pagkabata.

Maganda ang kanyang mukha, maputi at may kakinisan ng balat, may petite na pangangatawan ngunit hindi naman gaanong katangkaran.

Pinagpag niya ang ilang butil ng tinapay na dumikit sa kanyang coat, iyon lang kasi ang inagahan niya kanina, mga ilang espesyal na tinapay na ipinabaon ng kanyang Nana Lena.

Ito na ang nag-alaga sa kanya mula pa nang pumanaw ang kanyang ina. Alam niyang mabait ang matanda ngunit nahihiya na siyang magpaampon pa rito. Lima rin kasi ang anak nito at hindi naman siya kaano-ano. Kaya naman nang makaipon siya ng pamasahe ay agad siyang nagdesisyon na lumuwas ng siyudad. Balak sana niyang makapagtrabaho sa isang pabrika roon.

Kassandra's Chant (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon