Kabanata 21

11.9K 576 43
                                    

Hindi ako kumikibo ng tawagin ako para maghapunan. Ang turo ni Ina, huwag pinaghihintay ang nakahaing pagkain sa hapag-kainan. Kaya kahit may kurot sa aking dibdib na makita si Nicolo, bumaba pa rin ako upang saluhan sila sa pagkain.

"Cat, umiyak ka ba?" Tanong ni Isabella ng makita ako.
"Nakatulog lamang ako, Isabella." Wika ko.
"Eh bakit mugto ang mga mata mo kung natulog ka lang?" Tanong ni Nicolo na nakapagpainit ng aking ulo.
"Dilat akong matulog kung kaya nahipan ng hangin." Pabalang na sagot ko.
Natawa si Isabella at Patricio.

Huwag mo akong kausapin.

Tahimik akong sumubo ng pagkain kahit hindi ko gaanong malasahan ang sabaw. Tinola ba itong niluto na ito? Lasang nilagang tubig.

"Namimiss ko ang tinola ni Cat." Bulong ni Isabella.
"Cat, kailan ka ulit magluluto?"
"Ano ba ang gusto mong kainin?" Tanong ko kay Isabella.
"Gusto ko ang adobo mo." Sabat ni Nicolo.
Hindi ko siya pinansin at naghintay ako ng sagot ni Isabella.
"Yung sinigang mo na manok." Sabi niya.
"Sige, ipagluluto kita bukas."
Napangiti si Isabella at bumalik sa pagkain.

"Pati adobo." Singit muli ni Nicolo.
Pinigilan ko, alam ng Panginoon na pinigilan ko ang aking inis na umakyat sa akin ulo ngunit hindi ko kinaya. Ramdam ko pa rin ang latay sa aking puso ng narinig ko kanina.
"Bakit hindi ka magpaluto sa iyong kasintahan, Nicolo? Ano pa ang silbi niya sa buhay kung hindi ka niya kayang pakainin?" Napakainutil naman niya.
"Woah... LQ?" Tanong ni Patricio.
"Anyare?" Tanong ni Isabella na hindi ko mawari kung isang salita lamang iyon.

Nagpipigil ng ngiti si Nicolo kung kaya lalo akong nairita.
"Kung hindi siya makaluto kahit simpleng adobo, maghanap kamo siya ng lalaking hindi marunong kumain." Punyeta...

Tumayo ako at hindi na kinaya ng aking pagpipigil ang inis.
"Paumanhin, ako ay tutuloy na sa aking silid."
"Teka, Cat. Tapos ka na ba?" Pigil ni Isabella sa akin.
"Tapos na ako, Isabella. Magpapahinga na ako." Sagot ko at iniwan sila sa hapag kainan.

"Ano ang nangyari doon?" Narinig ko pang tanong ni Isabella bago ako umakyat ng hagdanan.

Hindi ako mapakali ng makarating ako sa itaas. Tampalasan na Nicolo. Nakuha pang ngumiti. Sa bagay, ito ay aking kasalanan. Sabi nga ni Ina noong ako ay bata pa sa tuwing ako ay madadapa, "huwag kang umiyak, kasalanan mo iyan."

Hindi ko mawari kung bakit kahit nais kong matulog ay hindi nakikisama ang aking isipan. Para siyang tukso na sa tuwing pipikit ako ay ang tinig ni Nicolo ang aking naririnig ng paulit-ulit.

Antonette, wala akong lakad bukas. Sige sunduin na kita.

"Hay, punyetang utak ito." Naiinis na bulong ko sa aking sarili.
Bumangon ako at kulang na lamang ay iuntog ko ang sariling ulo upang makatulog man lamang. Alas-diez na ng gabi. Por favour por dejame dormer!!!

Wala akong napala kung hindi pagkabalisa... Minabutiko na lamang na magpahangin sa hardin. Tahimik akong naglakad pababa ng bahay. Batid kong may gising pa sa tatlong magkakapatid sapagkat maliwanang pa ang silid-aklatan.

Sa hardin, naupo ako sa upuan na yari sa bato at tinanaw ang mga bituin.
"Bakit gising ka pa?"
Nagulat ako sa nagsalita sa aking likuran. Mabuti at hindi ako nakapagbitaw ng kakaibang salita kung hindi ay nagalit muli si Tala.
"Palagi mo akong ginugulat." Wika ko.
Ngumiti si Tala at tumabi sa akin.
"Ano ang iyong suliranin at narito ka sa hamugan?" Tanong niya.
"Hindi ka yata masungit ngayon?"
"Busog ako kaya ayos ang aking pakiramdam. May suliranin ka ba, Catalina?" Tanong muli ni Tala.

"Marami akong agam-agam, Tala. Tama ba na ninais kong makarating dito?"
"Iyan ba talaga ang iniisip mo? O marahil ay naguguluhan ka lamang sa iyong nararamdaman?" Balik na tanong ni Tala sa akin.
Napabuntong hininga ako. "Ako ay nasasaktan kung bakit ay hindi ko alam."
"May oras ka pa Catalina. Maiintindihan mo rin ang lahat." Sagot ni Tala saakin.
"Natatakot ako sa magiging kasagutan at sa kung ano ang magiging ako pagkatapos ng lahat ng ito." Bulong ko sa hangin.
"Kung ano man ang mapagtanto mo pagkatapos ng yugto na ito, sarili mo lamang ang makakaalam kung saang daan ka tutungo. Ibinahagi na sa iyo ang magiging buhay mo kung sakaling ikaw ay magpapakasal kay Nicolas. Nasa iyo kung iyon ang daan na tatahakin mo sa buhay." Wika ni Tala. Inipit niya sa aking tainga ang ilang hibla ng buhok ko.

"Humahanga ako sa mga tao na humihiling sa tala." Wika ni Tala pagkatapos ng ilang segundong katahimikan.
"Hindi madaling talikuran ang mga nakasanayan at sumugal sa mga bagay na walang kasiguraduhan." Dagdag niya.
"Ikinararangal ko na kahit papaano ay nakakatulong pa rin ako sa mga tao. Nakakalungkot lamang na sa pagtagal ng panahon, nakakaligtaan na kami ng mga taong minsan ay kami ang tinatawag sa kanilang suliranin at kasiyahan."

Tumingala si Tala sa langit kung kaya maging ako ay napatingala na rin.
"Kung sakaling maipit ka Catalina sa pangako na iyong ginawa sa akin, tawagin mo ang buwan at sumambit ng hiling. Ang bukang liwayway ay naghihintay lamang. Huwag mo rin sanang siyang kalimutan."

Tumayo si Tala at naglakad palayo sa akin. Naglakad siya sa dilim hanggang sa hindi ko na siya matanaw pa. Tumayo na rin ako at minabuting pumanik na. Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan ay gumaan ang aking damdamin ng makausap ko si Tala.

Papunta na ako sa aking silid ng bumukas ang pintuan ng silid-aklatan at bumungad si Isabella na may kausap sa telefono.
"Cat, gising ka pa pala." Sabi niya.
Dahil sa nakabukas ang pintuan, natanaw ko si Nicolo na nakatingin sa akin.
"Nagpahangin lamang sa labas." Sabi ko.

"Who's that?" Nagsalita ang kausap ni Isabella sa telefono. Hindi ko maintindihan kung bakit nakikita na nila ngayon ang kausap sa maliit na telefono na hawak nila.
"Si Cat... Teka..." Sabi ni Isabella sa kausap nito.
"Isabelle." Saway ni Nicolo sa kapatid. May pagbabanta sa tinig...

"Cat, meet Mathew. Matt, siya si Catalina."
Hinarap sa akin ni Isabella ang kanyang telefono. At napasinghap ako. Nasa aking harapan si Mateo.

"Hi..." Wika niya. Nakangiti at kumakaway.
"Kamusta ka?" Mahinang tanong ko dahil sa gulat.
Bakit... kinakabahan ako?

Napatingin ako kay Isabella na nakangiti sa akin at sa kanyang balikat ay tanaw ko si Nicolo na masama ang tingin.

One Last Wish- CompleteTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon