Kabanata 38

11.3K 629 37
                                    

"Paano kang..." Hindi ko maituloy ang nais kong itanong. Mukhang tuwang-tuwa si Nicolo sa aming pagkikitang muli ngunit ako ay binabalot ng kaba.
"Mukha kang mahinhin sa suot mo, Muning." Wika ni Nicolo sa akin.
Naiinis akong hinampas siya ng aking abaniko. Natatawa siyang kinamot ang nahampas kong bahagi ng kanyang braso.
"Kumalma ka. Pansamantala lamang ako dito. Nais lamang kitang makita." Wika niya.
Nalungkot akong bigla sa kanyang sinabi.
"Hey, huwag kang malungkot. Hindi naman iyon ang hiniling ko. Tatlong buwan na kitang hindi nakikita, Cat. Ang tagal ng tatlong buwan, akala mo ba."
"Tatlong buwan? Mahigit isang buwan lamang ang wika ni Tala kahapon. Tatlong buwan na agad? Kay bilis naman ng oras sa panahon mo. Dito ay linggo pa lamang ang lumilipas."
"Does it matter? Ang mahalaga ay pinagbigyan ako ng mga diwata na kapatid ni Tala." Sagot niya.
"May kapatid si Tala?" Manghang tanong ko.
"Oo. Hindi mo alam? Dalawa pa nga ang kapatid niya. Mas maganda sa kanya." Natatawang sagot ni Nicolo.

"Narinig ko iyon."
Napalingon kami ni Nicolo sa boses na pinanggalingan. Nakapamewang si Tala at may dalawang babae na nasa likod niya na tawa nang tawa.
"Ikaw Nicolo, kaya ang hirap mong tulungan. Hindi ka marunong manuyo." Sabi pa niya.
"Ibibili kita ng isang bucket pagbalik sa hinaharap. Tampuhin naman." Biro ni Nicolo na ikinahagikgik pa lalo ng kasama ni Tala.
"Saka isang pitsel ng gravy. Huwag ka ng magtampo, Tala."
"Bueno, ngayong nandito kayong dalawa, mas maigi na isang paliwanagan na lamang." Wika ni Tala at huminga ng malalim. Parang hirap na hirap na siyang kausapin kami.
"Catalina, sila ang aking kapatid. Si Mayari, ang diyosa ng buwan at ni Hanan ang diyosa ng bukang-liwayway." Pagpapakilala ni Tala.

"Kung sakaling maipit ka Catalina sa pangako na iyong ginawa sa akin, tawagin mo ang buwan at sumambit ng hiling. Ang bukang liwayway ay naghihintay lamang. Huwag mo rin siyang sanang kalimutan."

"Panginoon ko, sila ang tinutukoy mo." Nangingilabot na wika ko kay Tala.
"Ngayon mo lamang napagtanto? Nauna pa si Nicolo na makatawag sa buwan kaysa sa iyo." Pangaral ni Tala sa akin.
"Hindi ko alam na may kapatid ka." Katwiran ko sabay tingin sa mga kapatid niya.
"Nauunawaan ko, Catalina." Wika ni Hanan, ang diyosa ng bukang-liwayway.
"Ang mga tao ay nakalimutan na kami. Bukod tanging si Tala ang naiwan sa kanilang ala-ala. Saka, ang mga tao ay mahirap intindihin. Kapag maaraw ay humihiling ng ulan. Ngunit kapag binigyan ko ng ulan ay hinahanap ang araw." Paliwanag ni Hanan.
"Sa makabagong panahon, mga lasing na lamang ang nakakaalala sa akin." Wika ni Mayari na ikinatawa ni Hanan, Tala at Nicolo.
"Isinusumpa ko ang awitin na iyon. Akala ko tuloy ako ay naalalang muli ng mga tao." Naiinis niya pang dagdag.
Tumatawang nagtago sa likod ko si Nicolo.
"Kung hindi lamang mukhang miserable si Nicolo ay hindi ko tutulungan."

"Bago tayo malayo sa usapan, gusto kitang paalalahanan, Catalina. Iwasan mo ang mapahamak. Dahil sa oras na ikaw ay mapahamak dito, hindi ka na makakapunta sa makabagong panahon gaya ng hiling ni Nicolo." "aalala ni Tala sa akin.
Nanlaki ang mga mata ko. "Totoo? Babalik ako sa panahon nila?"
"Ayaw mo ba?" Nag-aalalang tanong ni Mayari.
"Hindi... Oo... Ano– gusto ko." Kandautal na sagot ko.
"Gaya ng bilin ko, mag-iingat ka. May takdang panahon kung kailan ka babalik sa hinaharap. Pilitin mong mabuhay at iwasan mo ng galitin si Nicolas. Hindi sa lahat ng oras ay masasagip kita." Saway ni Tala sa akin.
"Ibig bang sabihin may tig-isa pa akong hiling mula sa inyo?" Kumislap yata ang mata ko ng mapagtanto ito.
"Gamitin mo ng maayos Catalina ang iyong mga hiling. Si Nicolo ay nagamit na ang sa kanya." Sagot ni Tala.
"May isa pa ako sa iyo." Katwiran ni Nicolo.
"At sino ang may sabi?" Masungit na tanong ni Tala kay Nicolo.
"Nagtatampo ka pa rin?" Balik na tanong ni Nicolo.
"Dalawang hiling, Catalina. Maging matalino ka sa iyong kahilingan." Bilin muli ni Tala.
"Kami ay aalis na Binibini. Si Nicolo ay mananatili dito hanggang sa magbalik si Nicolas. Iwasan ninyo ang gulo at..." Wika ni Mayari. "... at hanggang sa muli Binibining Catalina."
Naglakad palayo ang tatlo hanggang sa unti-unti silang nawala.

"Hindi ko alam na may kapatid si Tala. Kung nasabi niya man sa akin ay hindi ko matandaan."
"Hindi ko rin alam. Gaya ng sinabi ni Mayari, nagkataon lang na kumakanta ako noong lasing ako." Natatawang kwento ni Nicolo.
"Ano bang awitin ang tinutukoy niya?"
"Sa ilalim ng puting ilaw... sa dilaw na buwan." Pag-awit ni Nicolo sabay tawa.
"Akala ko namalik-mata ako ng may lumitaw na dalawang magandang babae sa harapan ko." Kwento niya na ikinaliit ng mga mata ko.
"Pero syempre, mas maganda ka sa kanila." Bawi niya agad sa sinabi.
"Nang makita ako ni Mayari sa garden, galit na galit ito habang tumatawa si Hanan." Pinagpatuloy ni Nicolo ang kwento.


"Ang sabi ko sayo ay hindi ka tinatawag." Wika ni Hanan sa kapatid.
"Tampalasan ang awitin na iyan."
"Umaasa ka pa ba? Nakalimutan na nila tayong dalawa." May lungkot na wika ni Hanan.
"Taga lupa, ano ang iyong hiling?" Tanong ni Mayari sa akin.
"Para kang si Tala pero mas maganda ka sa kanya." Sagot ko naman.
"Alam ko na iyan. Pagbibigyan kita, ano ang iyong hiling at nilulunod mo ang sarili mo sa alak?"
"Gusto kong makasama dito ang mahal ko. Gusto kong bumalik si Catalina, si Muning, dito sa piling ko." Sagot ko naman.
"Ah, si Catalina Montemayor." Sagot ni Hanan.
"At kung maari pa ay gusto ko siyang makita kahit sa maikling panahon hanggat hindi pa siya pwedeng pumunta dito. Naiintindihan nyo ba?"
"Isang hiling lang, Ginoo." Paalala ni Mayari.
"Si Ate, pwede pang isang wish kay Ate." Tinuro ko si Hanan na nanlalaki ang mata.
"Matagal-tagal na ang huling pinigbigyan ko." Wika ni Hanan. Nagkibit siya ng balikat ay sinabing, "O sige, matulog ka na. Paggising mo ay makikita mo si Catalina."
"Talaga? So, babalik siya dito?"
"Sa tamang panahon." Sagot ni Mayari.
"Ang ibig kong sabihin ay makikita mo si Catalina sa panahon niya. Dadalawin mo siya sa panahon niya kaya matulog ka na." Sagot ni Hanan.
"Thank you. Thank you sa inyong dalawa. Ililibre ko kayo sa Jollibee kung gusto ninyo."
"Hindi kami kumakain sa Jollibee. Sa McDo ako kumakain." Sagot ni Mayari na umiikot pa ang mga mata.
"Ako sa KFC." Sagot naman ni Hanan.

Napamulala ako sa kinuwento ni Nicolo. Biro ba iyon?
"Totoo iyon. Nang dahil sa kanta na iyon, nandito ako ngayon." Kumpirma ni Nicolo sa pipi kong tanong.
"Kaya mahal, saan tayo mamasyal? Gusto kong makita ang panahon mo."
"Saan ka matutulog ngayong gabi? Paano kang aakto na ikaw si Nicolas?" Sunod-sunod na tanong ko.
"Huwag kang mag-alala. Gagabayan ako ni Hanan. Anon a? Tara? Ano ang ginagawa ninyo sa panahon na ito?"
"Gumagawa ng tula." Wala sa loob na sagot ko.
Ang hindi ko inaasahan ay ng magbanggit ng tula si Nicolo.

Ako'y iyo at ikaw ay akin
Saksi ang bituin, buwan at hangin
Kung ako ay hihiling ay hindi sa tala
Kung hindi sa buwan, na bilog at dakila

Ang aking pag-ibig ay para sa iyo.
Iyo sanang ipaglaban ang pag-ibig mo
Ako ay mananalangin muli kay Bathala
Ako'y luluhod at sa kanya'y magmamakaawa

Ikaw ang pinili ko
Ikaw ang panalangin ko
Huwag mong itigil ang aking mundo
Dahil ito ay umiikot lamang sa iyo.

Hindi ba... iyan ang tula na nilipad ng hangin noon? Siya ba ang narinig ko noon? Siya ba? 

One Last Wish- CompleteTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon