Kabanata 2

37.5K 892 45
                                    

"Isabella." Tawag ko sa aking kaibigan nang makita ko siya sa kanilang silid-aklatan ng gabi iyon. Napakaraming bisita sa kanilang tahanan at nagtatago sa silid-akalatan si Isabella.
"Mabuti at nahanap kita," wika ko.
Ibinaba ni Isabella ang libro na hawak at huminga ng malalim. "Napakaraming tao sa labas," sagot niya.
"Oo nga." Umupo ako sa tabi niya."Nariyan ba si Mateo?" bulong ko. Siya lamang ang nakakaalam ng aming lihim na ugnayan ni Mateo.
"Nariyan. Tumulong sila ni Tiyo Matias kanina sa paghahanda ng hardin. Alam mo naman na ang turing sa kanila ay taga-lingkod kahit na kamag-anak sila ni ina." Naiiling na sagot ni Isabella.

Iyon nga ang hindi ko maunawaan. Bakit hindi napamanahan si Ginoong Matias gayong mayaman din ang angkan nila Ginang Luciana?
"Maari ko ba siyang makausap? Magagawan mo ba ng paraan?"
Napatingin sa akin si Isabella. Taglay niya ang mukha ng mga Del Castillo. Aristokrata at mas nangingibabaw ang lahing kastila.
"Kapag tayo ay nahuli ay hindi magiging maganda ang kalalabasan," wika ni Isabella.
"Alam ko ngunit nakatanggap ako ng liham sa kanya noong Lunes at hindi maganda ang kanyang sinabi. Siya ay nakikipaghiwalay," kwento ko kay Isabella.
Huminga ng malalim si Isabella. "Marahil dahil iyon ang nararapat. Una, Catalina, hindi kailanman maaring maging kayo dahil aristokrata ka. Pangalawa, napag-alaman ko na anak sa pagkakasala si Tiyo Matias. Sa tingin mo ay papayag ang iyong magulang na maging novio mo ng tuluyan si Mateo?"
Napasinghap ako. Ito marahil ang dahilan kung bakit ganoon ang pakikitungo nila kay Ginoong Matias.

"Kailangan nating tanggapin na ang ating katayuan sa lipunan ay ang malaking batayan kung sino ang ating mapapangasawa." Dagdag ni Isabella.
"Magpapari si Mateo," wika ko.
Napamaang sa akin si Isabella. "Hindi nga?" Hindi makapaniwalang tanong niya.
"Iyon ang nakasaad sa kanyang huling liham sa akin."
Napakunot ng noo si Isabella.
"Catalina, hindi naman sa hinahadlangan kita. Alam kong sa liham lamang kayo nagkakausap ni Mateo, paano mong nasabi na iniibig mo siya?"
"Basta... alam ko." Nag-iwas ako ng tingin kay Isabella. "Maganda ang kanyang tinig."
"Isang beses mo lamang siyang narinig na umawit." Pagdidiin ni Isabella.
"Malambing siya sa liham."
Umilkot ang mga mata ni Isabella. "Hindi batayan ng pag-ibig ang liham, Catalina. Kalimutan mo na si Mateo. Ako na kaibigan mo na ang nagsasabi sa iyo."
Gusto kong pumadyak at magdabog ngunit may punto si Isabella ngunit hindi ibig sabihin niyon ay hindi ko kakausapin si Mateo ngayong gabi.

Naglakad-lakad ako sa hardin habang nagkakasiyahan ang mga tao. Natagpuan ko si Mateo sa isang upuan na malayo sa pagtitipon.
"Mateo." 
Napatayo siya sa kayang kinauupuan.
"Binibining Catalina," bati niya.
"Ano ang ibig sabihin ng liham na natanggap ko mula sa iyo?"
Natawa ng bahagya si Mateo. Kahit may kadiliman ang paligid ay naaaninag ko ang kanyang katangkaran. Malalaman mong may lahi siyang kastila kahit paano.
"Katulad ng nakasaad doon, Binibini. Tayo ay walang patutunguhan at hindi na dapat magkaroon ng ugnayan kahit sa liham. Ako ay magpapari at ikaw ay dapat ng makalimot sa akin," sabi niya na parang hindi nanghihinayang sa mga tula at liham na isinulat namin para sa isa't-isa.
"Kung ganoon ay pinaasa mo lamang ako na iba ka." Nayayamot na saad ko.
"Kung ikaw ay nagagalit ay lubos kong mauunawaan." Sabi niya na parang walang amor. "Binibini, hindi mo masasabi na relasyon ang mayroon tayo dahil ito lamang ang unang pagkakataon na nakapag-usap tayo ng sarilinan. Makakalimutan mo rin ako." Wika niya. 

Nagpantig ang aking tainga at napahiya ng kaunti sa sarili.
"Minahal mo ba ako, Mateo?" Matapang na sagot ko.
"Hindi, Catalina. Marahil ay humahanga ngunit hindi umiibig sa iyo," sagot niya.
"Ganoon ba, Ginoo? Kung ganoon ay makikita mo kung paano ako makalimot at magpatuloy sa buhay. Buenas noches." Tumalikod ako at naglakad paalis. Tampalasan ka, Mateo. Ako ay iyo lamang pinaasa.

Nagngingitngit akong bumalik sa pagtitipon at nakihalubilo na parang walang nangyari sa aking pamamahiya.

"Buenas noches." Bati ni Ginoong Santiago mula sa entablado.
Napatingin kaming mga panauhin sa kanya. Kasama niya sa entablado si ginang Luciana.
"Kami ay nagagalak at pinaunlakan ninyo ang aming imbitasyon ngayong gabi. Hindi lingid sa inyong kaalaman na dumating na mula Espanya ang aming mga hijo. Si Nicolas at si Patricio."
Tumayo ang dalawa at kumaway sa amin. Napailing si Isabella at tumawa ng bahagya ng makita akong umikot ang mata. Nagpalakpakan ang ibang tao maliban sa akin.
"Bueno, ngayon narito na tayo, nais kong tawagin ang aking matalik na kaibigan na pumanhik sa entablado. Juan Manuel?" Tawag ni Ginoong Santiago kay ama.
Nakangiti si ina habang tinitingnan ko si ama na papanik sa entablado.

"Ano ang mayroon, ina?" Bulong ko.
"Shhh... makinig ka lamang." Wika ni ina sa akin.

Nagkamay si ama at Ginoong Santiago.
"Noong kami ay nag-aaral pa lamang ni Juan Manuel ay nagsumpaan kami na ang aming anak na panganay ay aming ipapakasal sa takdang panahon kung sila ay babae at lalaki." Wika ni Ginoong Santiago na labis ang ngiti. Nanlaki ang mata ko na tumingin kay ina.

HINDI!

Hindi ako makakibo kahit gusto kong sumigaw.

"At ngayon nga ay tapos na ang anak kong si Nicolas at nasa tamang edad naman na ay nais kong ipagkasundo siya sa iyong unica hija na si Catalina."
Nagpalakpakan ang mga tao maliban sa akin at kay Nicolas. Maging si Isabella ay masayang nakipalakpak.
"Tinatanggap ko ang kasunduan." Sagot ni ama.

OH, HINDI!

"Isang masigabong palakpakan sa pag-iisang dibdib ni Nicolas at Catalina." Sigaw ni Ginoong Santiago.

Natingin ako kay Nicolas at ganoon na lamang ang aking pagkalito ng titigan niya ako ng masama.

Mapurol ka ba? Hindi ko rin ito gusto.

Napatingin ako sa paligid at nakita ko si Mateo sa may bandang likuran. Umusbong ang aking inis at naalala ang kanyang ginawa sa akin kanina.

"Nicolas, Catalina, maari ninyo ba kaming samahan?" Tanong ni Ginoong Santiago.
Itinulak ako ng bahagya ni ina ng hindi ako kumilos. Nagpapalakpakan pa rin ang mga nanonood sa amin.
Naghihintay si Nicolas sa ibaba ng entablado at hinihintay ako. Inalalayan niya ako sa siko ng ako ay makarating sa kanyang kinatatayuan.

Nalilito akong humarap sa mga aristokrato ng San Vicente katabi ng aking ama at ni Nicolas.

Manood ka, Mateo. Tingnan mo ang sinayang mo.

One Last Wish- CompleteTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon