Para sa Ina

29 0 0
                                    

Inay, alam n'yo ba, ako ay nababagot na. Minsan naiisip ko ang aking mga nakaraan, ang mga panahong nagdaan, at ang mga bagay na dati kong ginagawa, na ngayon ay hindi ko na nagagawa.

Minsan nararamdaman ko na parang mayroong kulang sa aking pagkatao. Para bang nakamit ko na ito dati, nguni't nakawala lamang at nasayang. Hindi ko lamang mapagtanto kung ano ang bagay na ito.

Inay ninanais kong magbalik sa nakaraan, gusto ko ulit maranasan ang dating kasiyahan. Nais kong muli tumambay kasama ang aking mga kaibigan. Gusto ko munang masunod ang aking layaw, bago ko gawin ang mga bagay na nararapat.

Lumayo ako sa inyo, na mga magulang ko, dahil gusto kong maging malaya, at gusto kong tumayo sa sariling mga paa. Nakamit ko nga ang kalayaan, nguni't kulang naman. Inay napakalupit pala ng kapalaran, ngayon ko lamang nalaman.

Kaliwa't kanan na nga akong kumakayod, nguni't kulang pa rin ang aking pagpapagod. Hanggang dito na lamang ba ang aking maabot? Hanggang dito na lamang ba inay?

Gusto ko lamang naman ng mapayapa at payak na pamumuhay, hindi ko naman pinapangarap na angkinin ang lahat ng yaman dito sa mundo, pero bakit hindi pa rin ako pinagbibigyan ng kapalaran?

Inay ginawa ko po itong panulat para sa inyo. Umaasa ako na maintindihan at matulungan mo ako sa lahat ng mga kakulangan ko. Wala na akong matakbuhan, kundi ikaw na lamang, aking ina.

Mga Obra Maestra ng Makabagong MakataTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon