Chapter 2
Ann's POV
Ilang takbo, ilang lakad, at hanggang sa maging dahan-dahan ang ginawa kong hakbang para masubukang hulihin ang usang kanina ko pa gustong mahuli. Kanina pa ako rito, pero ang liksi kasi nung usa na ito kaya hindi ko siya magawang mahuli eh. Ngayon ko lang nalaman na mahirap ang pangangaso ng mga hayop kaysa sa iniisip ko, akala ko sobrang dali lang, kasi kapag umuuwi naman sila ama ay marami silang huli mula rito sa bundok na pinaghuhulihan nila para sa makakain namin.
Habang nakatago mula sa likod ng puno at pinagmamasdan ang usang kanina ko pa sinusubukang hulihin habang kumakain ito ay dahan-dahan kong hinugot ang patalim na nasa loob ng maliit na lalagyan na nakasabit sa bewang ko. Matapos iyon ay itinaas ko ang kanang kamay ko na may hawak ng patalim at tiningnan ko nang mariin ang usa bago ko itira ang patalim sa direksyon nito.
"ATE ANN!!!"
"AYY, ANAK NG PUTAKTI!" naibato ko bigla ang hawak kong patalim at muntik na itong tumama sa usa pero tumama lang ito sa punong malapit sa kanya, kaya naman nakatakas ang usa mula sa mga kamay ko. Aish! Nakakagigil! Nilingon ko kung sino mang makulit at napakalikot na bata ang nanggulat sa akin pero kahit di ko naman na lingunin ay alam ko na kung sino—ang kapatid ko.
"ALEXANDER STEVEN HARVEY VASTREÑA!!! MAGBIBILANG AKO HANGGANG TATLO PARA MAKATAKBO KA PERO KAPAG NAHABULAN KITA, MANANAGOT KA SA AKIN!!!" sigaw ko at wala pang isang segundo ay mabilis na nakatakbo ang kapatid ko.
Agad ko siyang sinundan hanggang sa makarating na kami sa Kampil (Tribo) namin. Ang isang Kampil ng mga malalakas na mangangaso dahil marami pang nagkalat na mga grupo ng mga mangangaso sa kahariang kinatatayuan namin. Lahat kami ay mamayan ng kahariang Verinia na tinatawag ding 'Land of Green', kasi ito raw ang kahariang may malalagong halaman at napakaraming punong nakatanim. Mataba kasi ang lupa at buhay na buhay ang kalikasan dito.
Mga Lesyndras kami pero kaming mga nasa antas na ito ang siyang nangunguna sa pag-aalaga ng kalikasan dito sa kaharian. May paniniwala rin kasi kaming ang kapayapaan at pagiging kalmado ng paligid ang siyang magpapakalma sa isang nilalang, na base naman sa aking karanasan ay totoo.
"ANG BAGAL MO ATE!!!" tumatawa pa siya habang inaasar ako.
"AH GANUN! SINONG MABAGAL!? Tingnan nga natin ngayon."
Tumalon ako at inabot ang isang sanga ng isang puno gamit ang dalawang kamay ko bago ko idinuyan ang buong katawan ko at biglaang bumitaw dito dahilan para mabilisan akong mapunta sa harapan ng kapatid ko nang nakaapak ang dalawang paa ko sa lupa at mahuli siya. Kiniliti ko siya nang walang tigil kahit na nagmamakaawa na siya.
"A-ate, ta-tama na!" natatawa niyang sambit.
"Eh paano kung ayoko, ha? May magagawa ka ba?" pang-aasar ko habang tumatawa. "Nakakagigil ka eh, mahuhuli ko na sana yung usa pero ginulat mo ako eh 'no!?"
Napatigil kami sa pag-aasaran nang may tumikhim mula sa malapit kaya agad kaming tumalima at tumayo nang maayos. Tiningnan namin kung sino ang tumikhim at si ama pala iyon kaya naman ngumiti ako ng pilit.
"Ama, nandiyan ka pala!" sabi ko na lang.
"Saan ka ba nanggaling, Ann?" tanong naman ni ama.
"Sa bundok po ama, sinubukan ko pong manghuli ng hayop." kahit na nakangiti na ako ay nandoon pa rin ang seryosong mukha ni ama. Sanay na rin naman ako dahil madalas naman siyang ganyan pero sa totoo lang, mabait si ama at mapagmahal.
Tumango siya sa sinabi ko. "Sa susunod, huwag mo nang uulitin yun dahil ayon sa patakaran natin na ang mga babae ay hindi pa maaaring manghuli ng mga hayop kung wala pa silang labing-walong taong gulang, malinaw?" malapit naman na akong maglabing-walong taong gulang eh. Matapos niyang sabihin ang mga salitang iyon ay ibinaling niya ang tingin sa kapatid ko. "Handa ka na ba, Ash? Ito na ang araw ng una mong paghuli ng isang hayop, di ba? Dahil naabot mo na ang tamang gulang."
BINABASA MO ANG
The Powerful Twins
FantasySila ay kambal... Kambal na isinilang. Kambal na maharlika. Kambal na makapangyarihan. Kambal na nagkahiwalay at muling pinagtagpo ng tadhana. KAMBAL na nasa propesiya na tatapos sa kasamaan. "We are separated but fate led us the way to each other."...