Patricia's POV
May kakaibang kaba na bumalot sakin pagkababa ko galing sa kwarto ko. Hindi ko alam kung saan iyon galing at hindi ko rin maintindihan kung bakit ko nararamdaman iyon. Para bang may nangyari na hindi maganda. Nagtaasan bigla ang mga balahibo ko sa sobrang takot nang maalala ang kalunos-lunos na kalagayan ni Prince.
Walang awa ang taong gumawa nun sa kanya. Napaka-sama ng taong 'yon. Hindi ko na nga siya matawag na tao dahil sa kahayupang ginawa niya sa kaibigan ko. Sunod-sunod na pagsaksak sa gilid ng ulo ang ginawa niya. Sino ang matinong tao na gagawa ng bagay na ganon? Demonyo siya!
"Anak, panuorin mo ang balita sa tv."
Napatingin ako sa flat screen tv namin nang sabihan ako ni Mama. Sa totoo lang wala talaga akong hilig sa panunuod ng tv ngunit tila may naguudyok sakin ngayon na manuod. Parang may kailangan akong malaman. Kung ano 'yon, hindi ko alam.
Kinakabahan na naman ako.
"Natagpuan ang pamilya Garcia sa loob ng kanilang bahay na wala ng buhay. Kalunos-lunos ang sinapit ng bawat isa sa mga biktima. Mga saksak at tama ng baril ang ikinamatay ng mag-asawa gayon rin ang sinasabing kabit na nakatira rin sa bahay na iyon. Samantala, ang anak naman ay tumalon mula sa terrace ng kanilang bahay. Sinasabing ang ama at anak ang sangkot sa krimeng ito. Dahil ang mga fingerprints na natagpuan sa murder weapon ay nagmula sa kanila. Wala pang maibigay na motibo ang mga pulis sa pagpatay ng mag-ama. Sa ngayon, nakaburol na ang mga labi nila sa kani-kanilang mga kamag-anak. Ako si Francis Tolentino, reporting."
Nanlumo ako sa narinig ko sa balita. Hindi nakayanan ng katawan ko at napaupo ako dahil sa panghihina. Isa na naman ang nawala kagabi lang. Malapit na akong mabaliw dahil sa mga nangyayari ngayon. Talagang walang balak na itigil ni Aira ang paghihiganti niya. Hindi siya hihinto hangga't hindi nauubos ang mga taong may atraso sa kanya. Kasama na kami ni Marvin doon dahil kaibigan namin sina Dianne. Kasalanan ng isa, kasalanan ng lahat. Walang iwanan kahit na anong mangyari.
"Anak, ayos ka lang?" Nilapitan ako ni Mama at inalalayang makatayo. Pinaupo niya ako sa sofa tsaka pinatay ang tv gaya ng sabi ko.
"Ma... pamilya ng kaibigan ko ang nasa balita kanina," sabi ko at hindi napigilan ang maiyak. Niyakap ko si Mama at doon nilabas ko ang lahat ng nararamdaman ko.
"Anak, ano bang nangyayari? Bakit isa-isang namamatay ang mga kaibigan mo? Magsabi ka nga sakin. Anak," pinaharap ako ni Mama sa kanya kahit na patuloy pa rin ako sa pagiyak. Pinunasan niya ang mga luha ko at pilit na pinatahan ako.
Ilang minuto muna ang lumipas bago ako tuluyang tumahan. Batid kong magang-maga ang mga mata ko dahil sa pagiyak. Namumula ito gayon rin ang aking ilong. Palagi naman akong ganito sa tuwing umiiyak ako.
"Ma, hindi ko alam kung anong nangyayari," pagsisinungling ko.
Para sakin mas mabuti na ito kaysa sabihin ko sa kanya ang totoo. Ayokong magalala siya. Kilala ko si Mama. Oras na may malaman yan na hindi maganda ay matataranta yan at baka hindi na ako payagang lumabas ng bahay. Gugustuhin niyang nasa tabi niya ako parati upang mabantayan niya parang noong bata pa lang ako.
"'Wag ka na muna kayang pumasok? Baka mapahamak ka, anak." Nginitian ako ni Mama. Kahit papaano, gumaan ang pakiramdam ko dahil sa ngiti niyang iyon.
"Hindi pwede, Ma. Kailangan kong pumasok kahit na anong mangyari. Kaya ko na ang sarili ko." Ngumiti rin ako upang mawala ang pangangamba niya.
"Sigurado ka ba?" Tumango lang ako sa kanya.
Sinubukan kong tumayo at nakatayo ako. Kahit na sabihin pa nating wala na si Lloyd, hindi ako dapat na panghinaan ng loob. Wala na akong magagawa sa bagay na iyon. Si Aira ang nagdesisyon nun. At hindi ko hahayaang siya rin ang magdesisyon para sa buhay namin nina Marvin. Hindi ko hahayaang mangyari ang gusto niya. Ngayon pa lang, paghahandaan ko na ang paghaharap naming dalawa.
"M-mauuna na ako, Ma. Magiingat kayo." Inayos ko saglit ang buhok ko at kinuha ang bag ko na nasa kabilang sofa. Pagkatapos ay lumabas na ako ng bahay na walang likod-lingon kay Mama.
Mag-iingat ka, Ma.
Sinalubong ako agad ni Marvin pagkalabas ko. Pansin ko ang pagiging tahimik niya at tulala niya. Siguro'y nabalitaan na rin niya ang pagkamatay ng pamilya ni Lloyd. Marahil ganon na nga.
"Tara na?" Lumakad na siya papunta sa may sakayan ng jeep at sumunod naman ako.
Hindi ko na lang pinansin ang pagiging iba niya ngayong araw na ito. Normal lang na maging ganyan siya dahil isa na naman samin ang nawala. Masakit isipin na kahapon ay kasama pa namin si Lloyd ngunit simula ngayon ay malabo ng mangyari pa iyon sapagkat nasa kabilang buhay na siya.
Apektado kaming lahat sa nangyari.
Ang inaalala ko ay si Anna Marie. Ngayong wala na si Lloyd ay tiyak kong guguho ang mundo nun kapag nabalitaan niyang wala na ang lalaking pinaka-mamahal niya. Kaparehas na kaparehas ang dinanas niya gaya ng sa nakababata niyang kapatid. Ni hindi man lang niya naamin sa taong gusto niya na mahal niya ito. Ito talaga ang nangyayari kapag nagpahuli ka.
Nasa huli ang pagsisisi.
Nakasakay na kami ni Marvin ng jeep ngunit hindi pa rin maalis ang pakiramdam ko na iyon. Kinakabahan na naman ako na hindi ko maintindihan. Sinubukan kong tawagan si Anna Marie ngunit hindi niya sinasagot ang telepono. Nang si Cyrill naman ang tawagan ko ay hindi ko ito macontact.
Napapraning na naman ako kakaisip na baka may nangyari na na masama. Sumakit bigla ang ulo ko ng mga sandaling iyon. Kakausapin ko sana si Marvin nang makita kong nakatulog siya. Nakasandal sa akin ang ulo niya. Dahilan, upang mapatingin samin ang mga nakasakay sa jeep. Marahil iniisip na may relasyon kaming dalawa.
Hinila ko ang string nang matanaw na ang Sebastian Academy. Sakto namang nagising na si Marvin at sabay na kaming bumaba.
Bigla na lang nagring ang celphone ko. Kinuha ko iyon at nakita kong tumatawag sakin si Cyrill. Heto na naman ang kabang iyon. Kinakabahan ako sa sasabihin niya.
"Hello?"
"Patricia..." Umiiyak siya sa kabilang linya.
"B-bakit?" Napatingin sakin si Marvin dahil sa naging reaksyon ko.
"P-patay na siya. Wala na si ate." Bigla kong nabitawan ang cellphone ko sa nalaman ko.
I-ibig sabihin... tatlo nalang kaming natitira?
BINABASA MO ANG
Live or Die
HorrorSa pagbabalik ni Patricia sa Sebastian Academy, isang sikreto tungkol sa mga kaibigan niya ang malalaman niya na magdadala sa kanila sa kapahamakan. Isang tao mula sa nakaraan ang magbabalik upang sila'y paghigantihan. Sino ang taong ito? At ano ang...