01: I'm Back

2.2K 67 9
                                    


Patricia's POV

Napatitig ako ng halos tatlumpung segundo sa paaralang nasa harapan ko. Sebastian Academy. Dalawang buwan na ang nakalipas nang huli akong makapasok rito. Nang dahil sa aksidenteng iyon, nagbago lahat. Nagbago ang paguugali ko at mga kilos ko. Takot na takot na ako sa tuwing tatawid sa kalsada. Hindi ko makayanang tumawid mag-isa sapagkat nangangamba akong muling mangyari ang kinatatakutan ko.

"Sabay na tayo?"

Napalingon ako sa lalaking tumabi sakin. Hindi pamilyar sakin ang mukha niya. Nakakapanibago. Transferee ba siya? O sadyang nagiging makakalimutin na talaga ako? Hindi ko alam.

"Marvin Montivello, nice to meet you," nakangiti niyang sabi at nilahad ang kamay niya. Inabot ko iyon at nakipagkamay sa kanya. Nakakagaan ang ngiti niya.

"Patricia Valdez," sambit ko at binawi agad ang kamay ko sa kanya. Masyado nang napapatagal at baka kung ano na ang isipin niya.

"Bago ka lang ba dito?"

Hindi ko na nakayanan pa at tinanong ko na siya. Para kasing nakita ko na siya dati pa. Hindi ko lang maalala kung saan at kung kailan ngunit nakatitiyak akong nagkita na kami dati pa.

"O-oo. Kakalipat ko lang dito two months ago." Tama pala ako. Bagong estudyante nga siya. Kaya pala nanibago ako sa kanya kasi hindi ko talaga siya kilala.

Sandali siyang napatingin sa likod niya at muling tumingin sakin. "Aalis na muna ako, magkita tayo mamaya." Kumaway siya sakin at nauna nang maglakad papasok ng Sebastian Academy.

Muli kong ibinaling ang atensyon ko sa buong paaralan. Dalawang buwan. Dalawang buwan akong hindi nakapasok. Anong mga nangyari sa loob ng dalawang buwan na iyon? Anong mga kailangan kong pag-aralan? At anong nangyari sa kanya nang araw ring iyon?

Gulong-gulo talaga ako.

Huminga muna ako ng malalim tsaka dahan-dahang naglakad papasok ng naturang paaralan. May kakaibang kaba na bumalot sakin nang makatapak na ako sa loob. Ano iyon? Hindi ako dating ganito ngunit bakit ito ang nararamdaman ko sa mga sandaling ito? Takot ba ako sa sasabihin nila? Takot ba ako na makita ulit sila? O takot ako sa reaksyon niya kapag nalaman niyang buhay pa ako hanggang ngayon?

Napangisi tuloy ako.

"Patricia."

Napahinto ako sa isang pamilyar na boses. Boses iyon ni Dianne. Hindi ako maaaring magkamali. Memoryadong-memoryado ko na ang boses at paraan niya ng pagsasalita. Nakakatawang late na naman siya gaya ngayon. Wala pa rin pala siyang ipinagbago.

"Dianne."

Sinalubong ko siya agad ng mahigpit na yakap na ginantihan rin niya. Napangiti ako. Sobrang namiss ko talaga itong babaeng ito. Namiss ko ang lahat sa kanya. Ang pagiingay niya, kadaldalan, lahat. Miss na miss ko ang bestfriend ko.

"Welcome back," sabi niya at kumalas na sa pagkakayakap ko.

"Salamat. Masaya ako at nakapasok na ako ulit rito."

Ngingiti na dapat ako sa kanya pagkasabi ko ng mga katagang iyon, nang maagaw ng taong iyon ang atensyon ko. Nakapako ang tingin niya sakin habang diretsong nakatayo malapit sa malaking puno. Nakasuot siya ng mahabang itim na damit na may hood. Hindi ko maaninag ang mukha niya. Hindi ko tuloy matukoy kung lalaki siya o babae. Biglang nagtaasan ang balahibo ko sa di malamang dahilan.

Sino siya?

"Ayos ka lang ba?"

Nang sandali kong tinapunan ng tingin si Dianne at muling tumingin sa kinatatayuan ng taong iyon kanina, nanlaki ang mga mata ko nang makitang wala na ito doon. Tila ba naglaho ito na parang bula. Saan siya nagpunta? Napaka-bilis ng pangyayari. Ni hindi ko namalayang nakaalis na siya doon kung saan ko siya nakita.

"M-may nakita aking tao," nangangatal kong sabi habang pilit na pinapakalma ang sarili ko. Ang bilis ng paghinga ko at hindi ito maganda. Nahihirapan ako kapag ganito.

"Anong hitsura? Bakit parang takot na takot ka?" Lumapit si Dianne sakin at hinimas-himas ang likod ko. Kahit papaano, naging normal na ang paghinga ko.

"Nakasuot siya ng mahabang itim na damit na may hood. Hindi ko siya kilala." Tumingin ako sa mga mata ni Dianne at ngumiti lamang siya upang pagaanin ang loob ko.

"Sino ang taong iyon? Walang tao dito sa school na nagsusuot ng ganoong klase ng damit. Nakapagtataka," wika ni Dianne at sandaling nilibot ng tingin ang paligid. Wala na talaga ang taong nakita ko. Puro estudyante lang ang nakikita namin.

"Hayaan mo na 'yon. Tara, late na tayo sa first subject." Hinawakan ako ni Dianne sa braso at hinila. Wala na akong nagawa pa at sumunod na ako sa kanya sa pagtakbo papuntang klase.

Hingal na hingal kaming huminto sa tapat ng klase. Natatanaw ko na sa bintana ang mga mukha nila at hindi ko iyon nagugustuhan. Ang paraan ng pagtingin nila sakin, hinuhusgahan na nila ako kaagad. Nakakainis. Wala silang alam sa totoong nangyari nung araw na iyon. Wala silang alam sa puno't dulo ng away namin kung bakit humantong sa ganon.

Lahat sila.

"Handa ka na?" Ngumiti lang ako sa kanya. Nagkatinginan muna kami at pinihit na niya ang doorknob at pumasok na kami sa loob.

Tahimik. Biglang tumahimik ang buong paligid nang makita nila ako. Lahat ng mga mata nila'y nakadikit sakin hanggang sa makaupo na ako sa dati kong pwesto. Hindi pa rin sila tumitigil. Nagsisimula na sila sa pagbubulungan habang nakatingin pa rin sakin. Sinasabi ko na nga ba. Iyon ang pagkakaalam nila sa nangyari.

"Nakabalik pa pala siya? May sa demonyo talaga ang babaeng yan."

"Dapat natuluyan na siya sa ospital pa lang."

"Sisirain na naman niya ang mga araw natin. Umiwas kayo sa kanya."

Nagbingi-bingihan na lamang ako sa mga katagang naririnig ko sa kanila. Totoo ngang nalason niya ang isipan ng mga kaklase namin. Napalabas niyang ako ang may kasalanan talaga ng bagay na iyon na siya naman talaga ang gumawa. Ang husay niyang magtahi ng kwento. Dinaig niya pa ang mga script writer sa mga telenovela.

"Hayaan mo na sila."

Napatingin ako sa bestfriend kong si Dianne. Kahit kailan, hindi niya ako iniwan sa ere. Naniniwala siyang inosente ako at wala akong kinalaman sa pangyayaring iyon. Dahil iyon naman talaga ang totoo. Biktima lamang ako dito ng pagmamanipula niya. Kilalang-kilala ko na talaga siya. Sa lahat ng aming magkakaklase, siya lang ang bukod tanging naiiba sa lahat.

"Good morning!"

Lahat kami ay nabaling ang atensyon dahil sa lalaking pumasok sa loob ng klase. Nakangiti ito habang kumakaway-kaway pa. Masaya siya. Pamilyar sakin ang ngiting yan. Tama! Siya yung lalaking katabi ko kanina sa labas ng school. Ngunit, sino nga ulit siya? Bigla ko na lang nakalimutan ang pangalan niya. Nakakatawa. Kung anu-ano na naman kasi ang nasa isip ko.

"Sino siya?" Tulala kong sabi habang nakatingin pa rin sa lalaking iyon. Kinakausap niya ang mga nakaupo sa harap at tila close na close na sila.

"Marvin Montivello. Bagong classmate," nakangiting sabi sakin ni Dianne at muling tumingin sa binabasa niya sa phone niya.

Ngayon naaalala ko na.

Nang sa tingin ko'y tapos na niya kausapin ang mga nakaupo sa harap, napalunok ako nang sa direksyon ko siya pumunta. Dala pa rin niya ang ngiting iyon kanina pa at nakatingin siya ng diretso sa aking mga mata.

"Natatandaan mo pa ako?" Tanong niya sakin kasabay ng pagupo niya sa bakanteng upuan sa tabi ko. Kaya pala. Kaya pala walang nakaupo doon kanina ay dahil siya ang nakaupo sa pwestong iyon.

"Marvin," wika ko at umiwas ng tingin sa kanya. Pailhim akong napangiti dahil tila nagugustuhan ko ang ugali niya.

Nang muli akong tumingin sa kanya ay sa harap na siya nakatingin. Sa harap na rin nakabaling ang atensyon ng mga kaklase ko at mukhang ako na lang yata ang hindi.

Nanlaki ang mga mata ko nang makita kung sino ang pumasok. Nakangiti siya sa mga kaklase namin. Ang anghel tignan ngunit hindi iyon ang totoong ugali niya. Kilalang-kilala ko na siya noon pa. Ang babaeng ito na nagdala sakin sa bingit ng kamatayan noon.

"Bianca," sambit ko at palihim na napangisi.

Live or DieTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon