Episode 30

3.8K 254 103
                                    

"Marco!" Nangininginig akong napasigaw nang makita ko siyang nakatayo sa dulo ng rooftop. Wala sina Diyes, Magne at Vaeden dito. Tanging kaming dalawa lang kaya't wala akong mahihingian ng tulong.

Ang tanging nagawa ko na lamang ay ang umiyak habang pinapakiusapan siyang 'wag tumalon mula sa limang palagapag na building kung nasaan kami ngayon.

"Ayoko nang mabuhay!" Tuloy tuloy ang buhos ng mga luha sa mata niya habang nakatayo sa dulo ng rooftop. Isang maling hakbang niya lang ay tiyak na mahuhulog siya.

Wala akong nagawa kundi ang dahan dahang lumapit sa kanya. Pero nang papalapit na ako ay akmang tatalon na siya kaya't napatakbo ako nang mabilis papalayo sa kanya habang nakikiusap na 'wag ituloy ang kanyang binabalak.

"H'wag kang lalapit, Margot! Wala ka nang magagawa, gusto ko nang mamatay!" Putol putol na wika niya dahil sa sunod sunod na paghikbi.

Tuloy tuloy na rin ang pagdausdos ng luha mula sa mga mata ko, napaluhod na lang ako habang wala akong maitugon na salita na maaring sabihin para hindi na niya gawin ang binabalak niya-- ang magpakamatay.

"Ayoko na, Margot. Tapos na tapos na ako sa mga problemang nararanasan ko. Tapos na tapos na ako sa letseng buhay na mayroon ako. Gusto ko nang magpahinga, hayaan mo na lang ako." Malungkot na sambit niya habang tanaw na tanaw mula sa pwesto ko kung papaanong maglandas ang mga luha mula sa pisngi niya hanggang sa uniporme niya.

Bakas na bakas sa mukha niya ang labis na kalungkutan dahil sa mga nalaman tungkol kay Cygny. Wala akong magawa kundi ang sundan siya dito sa rooftop para pigilan pero nabigo ako-- nabigo na naman ako.

Ano mang oras ay mawawala na sa amin si Marco at wala akong maisip na paraan kung papaano siya sasagipin sa lungkot na labis niyang nadarama ngayon.

Hindi pa rin makasagot, tumingin siya sa akin at ngumiti. Pero ang ngiti na pinapakita niya ngayon sa akin ay puno ng sakit, ng lungkot at ng pagkabigo.

'Yung ngiting nakakalungkot tignan.

'Yung ngiting kailanman ay hindi ko nakita sa mapang-asar na si Marco.

"Hindi para sa akin ang buhay na ito, Margot." Umiling siya nang bahagya.

At . . .

Ganoon na lang nanlaki ang mga mata ko nang pahiga siyang gumalaw dahilan para malaglag ang katawan niya mula sa kinatatayuan niya.

Napapasigaw ako nang malakas habang tumatakbo papunta sa kanya. Kahit na nanghihina ang katawan ko dahil sa takot ay ginawa ko pa rin ang makakaya ko para tumakbo nang mabilis para masagip siya.

Ginawa ko ang lahat pero huli na nang hindi ko nahagip ang kamay niya. Ngayon ay patuloy ako sa pag-sigaw habang nakatingin sa katawan niya na ano mang oras ay babagsak na sa lupa.

Tuloy tuloy ang paghagulgol, natulala na lang ako habang tinititigan ang katawan niya na bumagak sa lupa at umagos mula doon ang pulang likido mula sa ulo niya.

"Marc--"

"Fersiphina! Aba, tanghali na! Gusto mo bang tumigil na lang sa pag-aaral?!"

Halos mapatalon ako mula sa hinihigaan ko nang ang malakas na boses ni Dad ang gumising sa binabangungot kong pagkakahimbing.

"Oh, bakit ka namumutla diyan?" Sambit uli niya habang inaagaw sa akin ang kumot ko. Ako naman ay nakatulala lang sa kanya na para bang gulat na gulat sa realidad kung nasaan ako ngayon.

Wala akong mailabas na salita, niyakap ko na lang si Dad hanggang sa maglandas ang mga luha mula sa mga mata ko. Nagtataka naman siyang nagpumiglas sa yakap ko pero nagpumilit ako sa pagyakap sa bewang niya kaya wala na siyang nagawa kundi ang hayaan na lang ako.

After My Death Tomorrow (Published Under PSICOM Publishing Inc.) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon