Part five

1.2K 43 0
                                    

"Ate! Ate!"

Napalingon ako sa may pintuan nang makita kong pahangos na pumasok sa aking kwarto si Ana. Nakahanda na ako sa pagpasok sa aking trabaho at lalabas na nga sana ng sariling silid pero naunahan nya akong pasukin dito.

"Bakit, Ana?" Kinakabahan kong tanong.

Base kasi sa ekspresyon ng kanyang mukha ay para bang mayroon syang ibabalita na hindi maganda. Hindi ko pa naririnig ang kanyang sasabihin ay naramdaman ko na kaagad ang panlalamig ng aking kamay.

"Ang iyong Mama-"

"Anong nangyari kay Mama?" Putol ko sa kanyang sasabihin kasabay ng pagkalaglag ng mga dala-dalahin ko na kakailanganin ko sa hospital.

"Eh, nasa kusina po sya Ate at naghahanda ng almusal!"

Nalaglag ang aking balikat at saglit kaming nagkatitigan ni Ana. Pareho kaming hindi makapaniwala.

Nagmamadali kaming lumabas ng silid at magkasunod na tinungo ang kusina. Napalunok ako ng mariin nang matanaw ko si Mama sa loob ng kusina. Katulad nga nang sinabi sa akin ni Ana kanina. Naghahanda ng almusal si Mama.

"Ma..." kuha ko sa kanyang atensyon.

Parang nagslow motion sa akin ang lahat. Simula sa kanyang paglingon at tuluyang pagharap sa amin ni Ana. Pakiramdam ko ibang babae ang nasa harapan ko ngayon. Nakaligo na sya at nakabihis. Napakagandang babae. Sumilay ang magandang ngiti mula sa kanyang labi. Pero imbes na suklian ko din iyon ng ngiti ay maraming luha tuloy ang bumalong sa aking mga mata at tuloy-tuloy ang paglandas niyon sa magkabila kong pisngi.

Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko sa mga oras na ito. Masaya ako na may kasamang pagtataka. Bakit biglaan ang kanyang paggaling?

Nakita ba nya at naramdaman nya ang kahinaan ko kaya iyon ang dahilan para mamulat sya sa katotohanan? Para mamulat sya sa mundo na kinasasadlakan nya sa kasalukuyan?

Kasi, all these years ay wala akong ginawa kundi ang magpakatatag sa kanyang harapan. Ni hindi ako umiiyak at ni hindi ko ipinapakita sa kanya ang mga kahinaan ko. Lahat kinakaya ko para sa kanya.

Pero last night, yun ang unang beses na hindi ko sya nilapitan sa kanyang silid. Unang beses na hindi ko sya kinumusta. Unang beses na umuwi ako ng bahay na hindi ko man lang sya pinasok sa kanyang kwarto para halikan. Hindi ko naman sinasadya iyon. Nagkataon lang na sobrang sikip ng dibdib ko kagabi at iniiwasan kong mapahambulat ako ng iyak sa kanyang harapan. Iyon ang iniingatan ko na hwag nyang masaksihan. But it happened.

"A-anong nangyari, Ma?" Nauutal kong tanong.

Marahan syang humakbang papalapit sa aking kinatatayuan. Pinakatitigan nya ako sa aking mukha bago nya masuyong pinunasan ang bakat ng luha sa aking pisngi.

"Nanaginip ako kagabi. Pinanaginipan ko si Mama. Nagagalit sya kasi napapabayaan na daw kita."

Napalunok ako ng mariin. Yun ba ang dahilan kaya sya natauhan?

"I'm sorry, anak..."

Muling kumawala ang maraming luha sa aking mga mata. Sa lahat ng sorry na narinig ko...ang sorry na ito ang pumanting sa kasulok-sulukan ng aking puso.

Hinawi nya ang aking buhok.

"Ni hindi ko natirintas ang buhok mo.. ni hindi ako nakadalo sa lahat ng graduation na naganap sa buhay mo.. ni hindi kita napagtuunan ng pansin.. Ayen Marie, I'm sorry kung napabayaan kita sa iyong paglaki. Naging makasarili ako at ikinulong ko ang aking sarili sa aking nakaraan. Nakalimutan kong nandito ka pala. Nandito ang ngayon ko at ang bukas ko...ikaw pala iyon anak. Ikaw ang buhay ko kaya kailangan kong mabuhay pa ng matagal para makabawi ako sa lahat ng pagkukulang ko sa'yo." Nakakadurog puso nyang paliwanag.

Umiling ako.

"No, Ma... don't say that. Hindi ka nagkulang. Kasama kita sa lahat ng mga naganap sa buhay ko. Palagi kang nandyan sa bawat oras. Nasa tabi kita sa bawat segundo ng paglaki ko. I'm grateful dahil kahit ano ang nangyari andyan ka parin at hindi mo ako iniwan. Hayaan mo na ang kahapon na nagdaan. Ang importante,Ma.. ay iyong ngayon at ang bukas."

Wala sa loob na napayakap ako sa kanya ng mahigpit. Ibinaon ko sa ibabaw ng kanyang balikat ang aking mukha habang wala paring tigil ang aking pag-iyak.


*

*

*

Buong araw ay hindi ako mapakali sa trabaho. Naiwan sa bahay ang aking pag-iisip. Halos hindi parin ako makapaniwala dahil sa naganap kaninang umaga. From time to time lalo na kapag breaktime ay kaagad akong tumatawag kay Ana. Nakakahinga naman ako ng maluwag nang ibigay nya kay Mama ang kanyang cellphone para makausap ko ang aking Ina.

Halos hindi na ako magkandaugaga sa pag-aayos ng aking gamit nang humudyat ang oras para sa pagtatapos ng aking duty. Mabilis akong lumabas mula sa hospital para tunguhin ang naghihintay kong sasakyan.

Huminga ako ng malalim nang maiparada ko na sa may tapat ng gate ang aking sasakyan. Napatanaw ako sa may pintuan. Biglang bumalik sa aking alaala ang pagbigay ko ng malakas na sampal kay Oliver kahapon. Ni hindi ko sya nakita ngayong araw. Hindi kaya sya pumasok or iniiwasan na nya ako?

Gusto ko sanang mapanatag sa pagkawala ng kanyang presensya pero kasi hindi ko maintindihan kung bakit sa kabila ng lahat ay para akong nalulungkot.

Kailangan ko pang humingi ng apology sa kanya. Sana kahit sa kahuli-hulihang pagkakataon ay makita ko man lang sya. Hindi ko alam kung bakit ako kinakabahan. Babalik na naman ba kami sa dati? Katulad noon. Noong pinagtulakan ko syang lumayo at nagawa naman nyang magpakalayo?

Ilang taon na naman ang bubunuin para muling magtagpo ang landas namin? Ayokong umasa at ayokong magpaasa. Hindi nga ba siguro ito na ang magandang tyempo para ilugar ko ang sarili ko? Kailangan kong umiwas habang hindi pa lumalala itong nararamdaman ko. Hindi ko sya pwedeng ibigin. Hindi pwede.


***

Sana Darating na ang UmagaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon