Part sixteen

1.1K 49 0
                                    

Kaagad ko ng pinaharurot ng takbo ang aking sasakyan matapos kong tapunan ng panghuling tanaw ang burol ni Papa. Ngayon, alam ko na kung saan ko sya dadalawin. May direksyon na ang aking utak pag naiisip ko sya. Panatag na ang aking kalooban.

Nasa kalagitnaan na ako ng daan nang biglang tumunog ang aking cellphone. Si Ana ang tumatawag nang silipin ko iyon.


"Ana, pauwi na ako.. nakahanda naba kayo ni Mama?" Sabi ko kaagad nang sagutin ko ang tawag.

'Ayen Marie, ako ito...ang iyong Mama.'

Napaayos ako ng upo nang makilala ang boses mula sa kabilang linya. Kaagad akong inatake ng kaba sa aking dibdib habang inaantay ang susunod pa nyang sasabihin.

'At paano tayo aalis? Hindi mo naman sinabi na may bisita ka ngayong araw?'

Napakunot ang aking noo buhat sa narinig. Bisita? Buong buhay ko ay hindi man lang ako nagkaroon ng bisita sa bahay.

"Sinong bisita, Ma?" Taranta kong tanong.


'Kaibigan mo daw sya at Oliver ang pangalan. Ang dami ngang dala kanina. May bulaklak, mga chocolates at saka maraming prutas.' Masayang balita ni Mama na syang ikinatigil ko.

"Si Oliver, Ma..nasa bahay?" Muntik ko ng maapakan ang brake ng aking kotse.

'Oh,bakit naman parang gulat na gulat ka? Nandito nga sya sa bahay at sa ngayon nandoon sya sa loob ng kusina at nagpresintang magluto para sa pananghalian. Sinuway ko nga pero mukhang makulit naman ang lalaking iyon. Paano mo ba iyon naging kaibigan?' Natatawang kwento ni Mama.

Nabawasan ang kabang nararamdaman ko nang mabanaag ko sa boses ni Mama ang tuwa buhat sa pagku-kwento. Ibig sabihin ba nito ay hindi sya galit na bumisita sa bahay si Oliver?

"Ma, sa bahay nalang tayo mag-usap nagdi-drive po kasi ako." Kaagad ko ng pinatay ang tawag bago ko pinasibad ng mabilis na takbo ang aking sasakyan.

Ano kaya ang pinaplano ni Oliver? Hindi nya ako in-inform tungkol sa kanyang pagbisita,ah!


*


*


*

Hindi na ako nagtaka nang matanaw ko mula sa aking kotse ang sasakyan ni Oliver na maayos na nakaparada sa harapan ng aming gate pagdating ko. So, totoo ngang nandito sya.

Mabilis akong bumaba mula sa driver's seat at tuloy- tuloy na pumasok pagkabukas ko ng gate. Huminga muna ako ng malalim bago pinihit ang seradura ng pintuan sa may maindoor. Sa isiping may ibang tao na nasa loob ng aming bahay ngayon ay nagbigay iyon ng matinding kaba sa aking dibdib.

Nadatnan ko sa may sala si Mama at kasama nya doon si Ana. Mabilis na naglikot ang aking mga mata pero yung taong hinahanap ko ay hindi ko namataan. Marahil nasa loob nga sya ng kusina.

"Ma." Kuha ko sa atensyon ni Mama.

Magkasabay silang napalingon ni Ana sa direksyon ko at pareho ding napangiti. Aba, ang ganda ng mood ah! Marahan kong inilapag sa ibabaw ng single sofa ang dala kong handbag bago ko nilapitan si Mama para bigyan ng halik sa kanyang pisngi.

"Mabuti naman at dumating kana. Puntahan mo sa kusina ang kaibigan mo at tulungan mo sya doon."

Napataas ang aking kilay. Teka, gusto nyang magkasama kami ni Oliver sa loob ng kusina? Mukhang tiwalang-tiwala sya sa kaibigan ko, ah!


"Naku Ate, akala ko foreigner yang kaibigan mo nang pagbuksan ko sya ng pintuan kanina. Kung hindi pa nagsalita ay hindi ko malaman na pinoy pala." Nakangiting kwento ni Ana sa akin.

Napakamot ako sa aking batok nang sumenyas sya na 'ang guapo!' Hindi nya isinatinig iyon kasi kaharap namin si Mama. Palihim akong napangiti at napapailing na lamang.

"Sige, dederetso na ako sa kusina." Paalam ko sa kanilang dalawa.

Napatanga ako sa may bungad ng kusina nang matanaw ko si Oliver habang abala sa harapan ng kalan. Napaka-neat nyang tingnan sa suot na khaki shorts at puting t-shirt.

Hindi ko pa pala talaga sya kilala. Kasi sa nakikita ko ngayon ay parang bihasa na sya sa pagluluto sa kabila ng karangyaan nya sa buhay. Hindi ko buong akalain na ang isang Oliver Admiral ay may alam din pala pagdating sa kusina. Akala ko pa naman, puro tour.. puro papeles.. at puro computer ang alam nyang gawin.

"Anong ginagawa mo dito?"

Gulat syang napalingon at marahang napaharap nang makita nya akong pumasok sa loob ng kusina.

Pinasadahan muna nya ako ng tingin bago sya nagsalita.

"Saan ka galing? Akala ko pa naman restday mo ngayon pero bakit hindi ka nanatili sa loob ng bahay? And what with the outfit? Para ka namang galing sa pagkasawi."

Napataas ang aking kilay sa magkasunod nyang tanong.

"Hwag mong ibahin ang usapan, Oliver! Tinatanong kita kung ano ang giangawa mo dito?" Lumapit ako sa lababo para makapaghugas ng kamay.

"As you can see... nagluluto." Nakangiti nyang tugon.

Pinunasan ko ang aking kamay bago ko sya binalingan.

"Ang ibig kong sabihin bakit ka nandito sa loob ng bahay namin? Diba dapat nasa hospital ka?"

"Bakit, ikaw lang ba ang pwedeng mag-on-leave?"

Nanlalaki ang aking mga mata dahil sa narinig.

"Ibig mong sabihin nag-on-leave ka din? Aba Oliver... kailan ka pa natutong gumaya, huh?" Pinandilatan ko sya na sinuklian lang naman nya ng tawa.

"Ayen Marie, baka nakalimutan mo na sabay ang vacation leave nating dalawa. Gusto kong ipaalala sa'yo na tinanggihan mo ang pagpunta sa New York. Dapat nga eh nandoon tayo sa mga oras na ito kung hindi ka lang umayaw."

Napanguso ako nang marinig ang kanyang sinabi.

"Pwede ka namang pumunta doon ng mag-isa. Pwede mo namang ituloy ang plano mo kung gugustuhin mo."


"Naisip ko din yan.. kaya lang nagbago na ang isip ko. Bakit naman ako aalis ng bansa kung mas masaya naman pala manatili dito sa Pilipinas? At saka mas enjoy kapag lagi akong bibisita dito sa inyo."

Sinundan ko ng tingin ang kanyang ginagawa. Binuksan nya ang kaldero at hinalo yung laman nun.

"Ang ibig mong sabihin, dito ka magha-hang out sa loob ng pamamahay namin? Aba, paano naman yung oras na gusto kong ipasyal si Mama at Ana?"

Niligpit ko ang mga gamit na hindi na nya kakailanganin at sinalansan iyon sa loob ng lababo.



"Mabait naman pala ang Mama mo. Masaya syang kasama at palakausap din. Mmm... napansin kong magkamukha kayo pero magkaiba ang inyong mga mata. Kaya naman pala napakaganda mo kasi maganda ang Mama mo." Nilingon nya ako tapos marahan syang kumindat.


Napalunok ako ng mariin at umiwas ng tingin. Naiinis ako sa ganyang gesture nya.

"Mabuti naman at pinapasok ka?" Sabi ko nalang.

"Of course! Paano ako hindi papasukin? Eh, anghel kaya 'to.."

Napalingon akong bigla at tinapunan sya ng mapang-asar na tingin.

"Anghel ng kadiliman.." Segunda ko sa kanyang sinabi.

Napatawa na din ako nang mapahagikhik sya ng tawa dahil sa aking sinabi.

***

Sana Darating na ang UmagaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon