"Naririto na ho tayo, binibini." Napabalikwas naman ako sa pagkasandal nang marinig ang abiso ni Manong Manuel. Kamuntikan pa nga akong mauntog sapagkat nalimutan na ako ay nasa karwahe. Hindi ko namalayan na nagpadala na pala ako sa bigat ng aking mga talukap, wala rin akong ideya kung gaano katagal na ba akong umiidlip.
Ibang-iba ang Maynila sa Cavite, halatang mas maraming nagaganap na kalakalan dito. Napakaingay ng mga tao, halos punuan pa ang mga daanan, samot-saring paninda ang nagkalat sa magkabilang bahagi ng kalsada. Subalit ang nakakuha ng aking atensyon ay ang maliit na gusali sa aking harapan.
"Pumasok na ho kayo binibini, sabihan niyo lamang ang mga manggagawa na ipinadala kayo ng Gobernadorcillo ng Cavite el Viejo upang makausap si Ginoong Primo. Kahit gaano katagal pa ang abutin ay maghihintay lamang ako dito sa labasan," saad niya at inalalayaan ako sa aking pagbaba.
"Salamat po, ngunit kumain muna kayo habang naghihintay." Hindi rin kasi ako sigurado kung mabilis lang ba o matatagalan ako.
"Sige ija, maraming salamat." Isang tipid na ngiti ang aking sagot saka nagtungo sa loob ng gusali. Isa pala itong aklatan. Kung hindi ako nagkakamali, pag-aari ito ng mga Aguinaldo dahil narinig ko na si Primo ang may hawak nito. Halos magkaedad lang yata kami pero siya na ang namamahala dito, hindi pala gulang ng isang tao at kredensiyal ang batayan ng pagtatrabaho noon.
Napansin ko na puro lalaki ang nandito sa loob, mukhang nagtataka sila kung bakit ako pumasok. Dahil nga siguro pagbuburda at pananahi lang ang halos itinuturo sa paaralang pambabae, maliban sa mga kumbento. Hanggang mga gawaing bahay lang o kaya naman ay pagiging madre ang itinuturo. Kung pagkuha na ng kurso ang usapan, talagang bawal. Buti na lang pantay na ang karapatan sa kasalukuyang panahon. Maaari nang gawin ang kahit na ano ng kahit na sino basta hindi ito lalabag sa karapatang pantao.
"Binibini, mawalang galang na ho subalit wala ba kayong kasama? Hindi maaring mapag-isa ang kababaihan, lalo na sa pook kung saan napakaraming kalalakihan. Ako nga pala si Jose."
PAGKALABAS ko ay nakangiting bumungad sa akin si Ginoong Manuel. "Tila mabilis yata ang inyong naging pag-uusap."
"Nasa Ateneo raw po siya sabi ng mga kasamahan niya," bigo kong pagsagot sa kausap.
"Ah ganoon ba, binibini? Mukhang mahihirapan tayo," kamot-ulo niyang sambit at mukhang balak niya nang bumalik kami sa Cavite. Napatingin siya sa akin at mukhang nataranta naman siya.
"Oh siya, susubukan ko kung kaya ba natin siyang makausap ngayon." Lumiwanag naman ang mukha ko dahil sa aking narinig.
Hindi naman kalayuan ang aming tinahak. Ngunit nakakatakot lang talaga ang mga Kastila dito. Kanina bago kami makapasok ng Intramuros, talagang sinuri ang loob at labas ng karwahe. Maswerte na lang at may ipinadala sa akin na liham na naglalaman ng pirma ni Crispulo, gobernadorcillo ng Cavite el Viejo, kaya hindi na kami tinanong pa. Ipinakita lang ni Manong Manuel ang kaniyang cedula, at nakapasok na kami.
Nakamamanghang malaman na nasa loob pa pala ng Intramuros ang Ateneo noon. Naramdaman ko ang pagtindig ng balahibo sa aking katawan kaya napaikot ako ng tingin. Malakas pa naman ang pakiramdam ko sa mga ganitong bagay. May kakaiba talaga akong nararamdaman simula nang makapasok kami rito sa loob. Mukhang minamanmanan nila ang bawat galaw ng mga taong taga-labas. Isang mali lamang at buhay mo na ang kapalit.
PABALIK na kami ng Cavite ngayon. Papalubog na ang araw kaya nagmamadali na si Ginoong Manuel sa pagpapatakbo ng kabayo, apat na oras ang kailangan naming tahakin. Mahirap na raw mahuli ng mga guwardiya sibil lalo na at pagabi na nga.
BINABASA MO ANG
Sa Harap ng Pulang Bandila
Historical Fiction#1 in HISTORICAL FICTION 11/02/20 March 25 2019 - on going Isang pangkaraniwang estudyante na namuhay sa nakaraan. Babaeng nagmula sa kasalukuyan ang napadpad sa yugto ng himagsikan. Naroon lamang upang masaksihan ang bawat kaganapan, ang mga k...