XXXVII. Medallón

163 56 30
                                    

"Bakit ngayon ka lamang?"

"Gregorio. . ."

"Kilala mo pa pala ako. Buong akala ko ay hindi mo na naaalala kung sino ako lalo na nang makita kitang mag-iwas tingin kaninang umaga," sarkastiko niyang wika habang nakakunot ang noo.

"Ano ba ang iyong sinasabi? Akala ko ay nais mo na makausap si Felicidad kaya hinayaan ko muna na magkaroon kayo ng oras para sa isa't-isa lalo pa at ngayon ka lang nakabalik. Natutuwa ako sa muli nating pagkikita subalit, hindi ko maipaliwanag. Tila may mali, may kakaiba." Masaya ako dahil matagal na kaming hindi nagkikita, pero iba na ang pakiramdam ko sa kaniya. Kakaiba ang kutob ko, lalo na nang magtagpo ang aming mga mata.

"Hindi ka man lamang bumati. Nang ako ay iyong makita, nagmamadali kang umalis. At ngayon ay sasabihin mo na masaya ka na muli tayong nagtagpo?!"

"Nag-iba ka na. Kahit ilang beses tayong nagkasagutan noon, kailanman ay hindi mo ako pinagtaasan ng boses. Subalit ngayon. . ." Hindi na siya ang tulad ng dati na pilyo lang. Ngayon ay parang ang laki na rin ng galit niya sa mundo. Naalala ko naman ang sinabi niya na huwag kong kalilimutan ang araw na iyon subalit natatakot pa rin ako sa Gregorio na aking kaharap ngayon.

"Ako? Ha! Ako ang nag-iba? Hindi ba't ikaw iyon? Nais kitang makausap subalit nag-iwas ka ng tingin at iniwan ako!"

"Gregorio! Maghunos-dili ka," napataas na rin ako ng boses upang marinig niya ang aking sasabihin.

"Paulina? Kung ito ang iyong kagustuhan, ako na mismo ang lalayo."

"Wala akong sinasabing nais ko iyan!" Hindi niya ako pinansin at dire-diretso lang na pumanaog sa hagdan. Ano ba ang nangyayari? Nalilito na ako, bakit ganito ang asal niya niya?

"Gregorio." Nilingon niya ako ngunit sa halip na matuwa, tila nanlamig ako sa ibinabato niyang tingin sa akin.

"Huwag mo akong tatawagin. Dahil simula ngayon ay hindi na tayo magkakilala!"

NAGPAALAM ako kay Felicidad na ako ay aalis saglit. Nag-alinlangan at pinigilan niya pa ako noong una pero napapayag ko rin naman siya. Sinabi ko na kahilingan ito ni Ginoong Lorenzo, at ang kapatid niya naman ang aking kikitain kaya hindi niya kailangan pang mag-alala.

Nag-aagaw dilim na nang makarating ako sa pinagkasunduang lugar. Sinabi ko kay Ginoong Felipe na bago magtakipsilim ang oras ng aming pagkikita subalit nawala ito sa aking isip. Nakalabas na ako ngunit nakalimutan ko sa silid at binalikan ko pa nga kanina ang medalyon. Kahit anong gawin ko, hindi pa rin maalis sa aking isipan ang nangyari kanina sa pagitan namin ni Gregorio.

Bukas na bukas ay sana magkita kaming muli. Sana maayos na ang kaniyang lagay makalipas ang ilang oras. Sapat na ang isang gabi upang mahimasmasan siya sa kaniyang galit. Mabuti pa itong bato na aking sinisipa, kahit anong mangyari ay hindi nakadarama ng pagkalumbay.

"Ang lakas naman ng iyong loob na mahuli sa oras ng ating pagkikita matapos mo akong ipatawag." Kahit hindi ko iangat ang aking tingin ay alam ko na kung sino ang ginoong nagsalita.

"Patawad," mahina kong sambit dahil wala akong lakas para makipagtalo. Naubos na lahat noong sinubukan kong ipaliwanag sa lalaking iyon ang aking saloobin. Ngunit takip tainga lamang ang kaniyang ginawa habang buong lakas na itinaas ang tinig sa akin.

"Oh? Ito ba ang iyong tunay na katauhan? Isang mahinang binibini? O kaya naman ay nagiging ibang tao ka pagpatak ng dilim?" Naaalala ko na naman si Gregorio, ganitong-ganito rin siya kung makapagsalita noon. Malakas mang-asar.

Tumalungko ako at kinuha ang batong nanggaling pa sa harap ng bahay na nadala ko rito kakasipa.

"Anong nangyari? Masama ba ang iyong pakiramdam?" Halata ang pagkabahala sa tono ng kaniyang pananalita. Umiling-iling lamang ako at inalalayan niya naman ako sa aking pagtayo.

Sa Harap ng Pulang BandilaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon