Sa dalawang linggo kong pagtatrabaho dito, napansin ko na hindi pala sa paglubog ng araw natatapos ang kaniyang pag-iikot sa buong bayan. Bagkus ay sa gabi pa mismo ang simula ng kaniyang tunay na trabaho. Halos gabi-gabi silang sinasalakay ng mga bandido, mga may galit sa kanilang ginawa, ngunit hindi ito ang katipunan. Iyon din ang dahilan kaya niya ako hinahatid sa tapat ng bahay tuwing uuwi ako.
Sa umaga naman ay iilan lang ang nasa kuwartel kaya naman mabilis ang aking trabaho. Maglilinis, maglalaba, at magluluto lamang ang aking kailangang gawin. Ngayon ay tinatapos ko na lamang ang kanilang hapunan at maaari na akong magpahinga. Hihintayin ko na lamang si Kuya Felipe, hindi ko kasi inaasahan na mapapaaga ako sa pagtapos ng mga gawain ngayon.
"Binibining Lina, maaari mo bang ibigay itong liham kay Coronel Salvatierra, ngayon din mismo? Tuwing ganitong oras ay nasa dakong simbahan ang kaniyang pagroronda. Itago mo nang maigi ang sulat hanggang hindi ka nakakarating doon, mayroon iyang tatak ng Gobernador-Heneral kaya kung maaari ay maipabalik mo siya kaagad." Hinango ko na ang pinakukuluan ko at kinuha ang liham.
Patakbong-lakad ang aking ginawa upang marating agad ang simbahan. Tinanong ko ang mga nakasalubong kong soldados kung nasaan si Ginoong Salvatierra, dahil kilala naman na nila ako, iginiya na nila ako sa loob ng simbahan. Mukhang mayroon silang kinakausap na pari.
"Coronel Salvatierra, mawalang galang na po. Naririto po si Binibining Ramirez," wika ni Antonio, isa sa kaniyang opisyales.
"Lapastangan! Hindi ba nakikita ng iyong mata na kami ay kinakailangan ng kura-paroko?" Umalingawngaw sa simbahan ang sigaw ni Felipe.
"Mawalang galang na po Coronel, Padre, subalit ang liham na ito ay nanggaling pa mismo sa Gobernador-Heneral, " pagsingit ko at inilabas ang sulat na may selyos ng Gobernador-Heneral upang hindi masisi si Ginoong Antonio. Halata naman ang pagkagulat sa mukha nilang lahat. Maging ang pari ay nagitla, at napilitan itong palampasin ang nangyari.
"Tinyete-Coronel, ikaw na ang bahala dito." Nakita ko na sumaludo pa ang lalaking nagdala sa akin dito sa loob, at pumunta sa kinaroroonan ng kura-paroko.
Lumapit sa akin si Felipe. Kinuha niya mula sa aking kamay ang liham at ako ay binulungan, "Paulina, dito ka muna. Iyong hintayin ang paglabas ng Tinyente-Coronel. Masama ang kutob ko. Huwag na huwag kang lalayo sa kanila. Maipagkakatiwala kita sa kaniya."
Habang naghihintay sa labas ay inalala ko ang usapan namin ni Ate Felicidad kagabi. Ngayon nga pala niya sasabihan si Gregorio na makipag-ayos na sa akin.
"Paulina, ilabas mo ang iyong hinanakit. Narito ako upang makinig. Batid kong kinikimkim mo lamang ang iyong mga nararamdaman."
"Ate Felicidad. . ." Niyakap niya lang ako hanggang sa aking pagtahan.
"Heto, uminom ka muna ng tubig."
"Itinuring ko siya na isang kapatid," panimula ko. "Mag-isa akong napunta sa lupang ito. Siya ang isa sa mga naunang tao na aking nakasalamuha at kalauna'y naging malapit sa aking puso. Hindi ko man maalala ang lahat ngunit naalala ko na mayroon nga pala akong nakatatandang kapatid. Ang aking kuya na palagi akong inaasar. Lalo na tuwing ako ay nalulungkot, kung anu-anong kalokohan ang kaniyang gagawin sa akin upang malimutan ang bumabagabag sa aking isipan. Si Gregorio ang nagpaalala sa akin, kung hindi dahil sa kaniya, baka ang isa sa aking mga mahahalagang alaala ay nakalimutan ko na. Napakasakit na sabihin niya sa akin na pinuputol niya na ang aming ugnayan. Hindi ko man ipakita, pinahahalagahan ko kayong lahat, parte na kayo ng puso ko. Tila nabasag ito nang pinilit niyang kumawala. Napakabigat sa damdamin dahil parang ang kuya ko na mismo ang nagsasabi ng katagang iyon." Muli akong hinagkan ni Felicidad habang hinahaplos ang aking likod upang mapakalma.
BINABASA MO ANG
Sa Harap ng Pulang Bandila
Historische Romane#1 in HISTORICAL FICTION 11/02/20 March 25 2019 - on going Isang pangkaraniwang estudyante na namuhay sa nakaraan. Babaeng nagmula sa kasalukuyan ang napadpad sa yugto ng himagsikan. Naroon lamang upang masaksihan ang bawat kaganapan, ang mga k...