XVII. Kamagong

314 56 12
                                    


"Detener!" Napawi ang aking mga luha at nabalutan ng kaba ang buong sistema, nang maaninag ang dalawang guwardiya na papalapit dito sa kinaroroonan namin ni Dumangan.

"Marahil ay narinig nila ang iyong pagsigaw, binibini. Huwag mangangamba, matatakasan natin sila. Mauna kang bumaba. Dadaan ako sa kanan patungong gusali, samantalang ikaw naman ay tatahakin ang kaliwa. Alam mo na kung paano aakyatin ang bakod, alalahanin mo ang aking mga itinuro sa iyo. Sige na!" Nagtataka ma'y sumunod na lamang ako sa kaniyang tagubilin. Paglundag mula sa puno ay hindi na ako nag-abalang ipagpag ang aking kasuotan. Dali-dali akong tumakbo sa kabilang direksyon. Nag-aalala akong lumingon sa kaniya dahil baka naabutan na siya. Ang dating kaba ay napalitan ng halakhak nang makita na binabato niya ng kamagong ang mga guwardiya. Dahil inalalayan ng isa ang kasama, nakatakbo si Dumangan at ilang sandali pa'y halos magkalapit na kami. 

"Grabe ka! Nagsasayang ng prutas!" natatawa kong turan nang makita na pinagbababato niya na naman ang humahabol sa amin. 

"Huwag kang lumingon, baka makita nila ang iyong mukha. At hindi ako nagsasayang. Nagmamalasakit lamang ako sapagkat tila hindi pa sila nakapagtatanghalian," saad niya habang humahalakhak. Marahan niya akong hinatak sa likod ng isang puno at tinanggal ang panyong nakatakip sa kaniyang mukha.  Itinali niya ang tela sa aking ulo bilang pantaklob at nagwika, "Manatili ka muna rito. Lumabas ka lamang kapag nabaling na ang kanilang atensyon, aalis na ako." Sinundan ko lamang ang tumatakbong pigura ng isang nag-aalalang tingin. Hindi ko alam kung bakit mabilis ang tibok ng aking puso, kung dahil ba muli ko na naman nasilayan ang kaniyang mukha o dahil mayroon kaming tinatakasan.

"Tanga! Habulin mo ang babae!" Pumalya ang kaniyang plano, hindi kumagat sa pain ang mga guwardiya. Matulin akong tumakbo mula sa pinagtataguan nang marinig ang sinabi ng isang kawal hanggang sa marating ang pader na tanging daan upang ako ay makalabas. Nangangamba akong lumingon, malayo pa naman ngunit siguradong mahuhuli ako kapag sinubukan kong akyatin ang pader.  

Nabuhayan ako ng loob nang makita na nasapul na naman ni Dumangan ang guwardiya. Patuloy pa rin ang paghabol sa akin ng isa ngunit sapat na ang oras ko upang makatakas. Dali-dali akong sumampa at nang makarating sa kabilang panig ay tinanggal ang nakataklob na tela sa ulo. "Amang mahabagin, sa wakas. Pakitulungan na lang po si Dumangan," bulong ko sa aking sarili. Patakbong-lakad ang aking ginagawa habang nililingon ang likod upang masuri kung nakahabol pa ba. 

Isang malakas na pagkakabangga ang aking nadama dahil sa hindi ko pagtingin sa nilalakaran. Pinulot ko ang mga nagbagsakang arnis at inilagay ito sa lagayan. Bago pa ako manghingi ng tawad sa lalaki na aking nakabangga ay naagaw na ang aking atensyon ng isang guwardiya sibil. "Huwag kayong gagalaw! Mga magnanakaw!"

"Ano ang iyong ibig ipakahulugan? Wala namang ninanakaw ang aking kuya!" mariin kong sambit kahit alam ko na ako ang hinahabol ng guwardiyang ito. Sana naman ay makisakay itong lalaking nabangga ko para hindi ako mahuli.

"Kalokohan! Iyang hawak mo na pang-eskrima ang ebidensya ng ninakaw!" Bakit naman magnanakaw? Dahil lang ba pumitas kami ni Dumangan ng prutas at ibinato sa kanila? At anong eskrima?

"Mawalang galang na senyor soldados, walang akong kinukuhan-" Naputol ang sasabihin ng lalaki nang biglang magsalita ang isa pang guwardiya na kasusulpot pa lang. 

"Babae! Ikaw ang pumuslit sa Santo Tomas! Huw-" Hindi rin siya nakatapos sa pagsasalita dahil sumingit ang naunang guwardiya. "Anong sinasabi mo? Paano manggagaling sa Santo Tomas iyan kung nasundan ko sila mula Calle Alix na nagnakaw ng kagamitan!" Pareho kami ng nakabanggan kong lalaki na nagtataka sa bangayan ng dalawang guwardiya sa aming harapan. Habang nagtatalo sila ay iniabot ko ang gamit ng lalaki sa kaniya at bumulong ng salamat. Nagpasalamat din siya ngunit hindi ko maintindihan kung bakit, eh ako nga itong nanggamit sa kaniyang kabutihan. 

Sa Harap ng Pulang BandilaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon