XLIV.Reencouentrò

193 56 42
                                    

"Ginoo, mawalang galang na pero may gagawin lang muna kami ng aking minamahal."

"Felipe! Ano ba! Napakabastos naman ng iyong bunganga"

"Riona, wala akong sinasabi ngunit kung mayroon kang nais gawin ay maaari nama-"

"Pahamak ka talaga!" sabi ko habang hinahampas ang kama.

"Hindi naman ako ang nakahiga," balik niya sa akin.

"Aalis na nga ako." Padabog kong binitbit ang halaman at bagahe. Baka mamaya ay kung ano pa ang isipin sa akin ng tumulong sa akin. Pagkalabas ko ng silid ay nagkatinginan pa kami ni Ginoong Jacinto.

"Ginoo, hindi ko batid kung ano ang tumatakbo sa iyong isipan. Subalit napakaikli ng oras ng aking pananatili sa loob upang may mangyari," pagpapaliwanag ko sa kaniya. Pero bakit ba ako nababagabag sa kung ano man ang iniisip niya tungkol sa amin ni Felipe?

"Ano ang iyong ipinapahiwatig? Nais mo ba na habaan pa natin sa susunod? Hindi ba at marami nang magagawa sa oras na iyon katulad na lamang ng pakikipaghalika-AH! Riona, ano ba!" Iniwan ko na si Felipe na namimilipit habang hawak ang kaniyang lulod na aking sinipa.

Kahit kailan talaga ay pahamak ito. Naalala ko na naman ang mga kalokohan na pinaggagagawa niya sa akin noong tinulungan niya akong mag-ensayo. Sinabihan ba naman ako na magtanong sa nagtitinda kung yari ba sa pinagsamang buto ng kalabasa ang aking bibilhin na pang-eskrima dahil iyon raw ang pinakamatibay na uri. Ayun, nagamitan ko tuloy siya ng yantok sa ulo noong mapagtanto ko na wala naman palang ganoon.

Nilahad ni Jacinto ang kaniyang kamay, hindi man nagsasalita ay alam ko na ang ibig niyang ipakahulugan.

"Riona, sandali!" Sabay kami na napalingon sa papanaog na Felipe. Nanlaki ang kaniyang mata at napasinghap siya na para bang hindi makapaniwala sa nadatnan.

"Riona, paano mo nagawa sa akin ito?" pag-iinarte niya na nagpakunot sa aking noo.

"Pinagsasasabi mo?"

"Ito ang ibig kong sabihin." Hinatak niya ang aking kaliwang kamay dahilan upang mabitiwan ko ang lagayan ng aking damit, at ipinulupot niya naman ang kaniyang kaliwang kamay sa aking baywang.

"Paano mo nahahayaan na hawakan niya ang iyong iniingatang halaman subalit kahapon ay iniiwas mo nang mag-alok ako sa iyo na tutulungan kita?" bulong niya sa akin. Nang pakawalan niya ako ay agad akong lumingon. Napaawang ang aking labi at hindi ko napigilang manlaki ng mata. Maging ako ay napasinghap din nang mapagtanto na iniabot ko ito sa ibang tao na parang wala lang sa akin.

"Bakit pati ikaw ay gulat na gulat?"

"H-hindi ko rin alam kung bakit walang pag-aalinlangan kong inabot ito sa kaniya na tila ba siya ang tunay na nagmamay-ari nito."




"Ano kamo? Kayong dalawa lamang ang magkasama kagabi? Sa iisang bahay? Sa iisang silid? Sa iisang banig?" hindi makapaniwalang tanong ng ginoo na tinatawag nilang Maypagasa.

Nag-aagaw dilim na nang makarating kami sa Pugad Lawin. Isinalaysay ni Ginoong Jacinto lahat ng nangyari, at ngayon ay nagpupuyos sa galit ang Supremo nang malaman niya ang katotohanan.

"Señor, ako po ang pagalitan ninyo. Ako po ang nagpumilit sa kaniya na magsama kami. Wala naman pong nangyari, subalit ako po ang dapat sisihin dito," pag-aako ko ng responsibilidad. Kahit na alam kong mahigpit ang kanilang prinsipyo noon, hindi ko inaasahan na ganito pala talaga kabigat. Wala lang naman sa akin, ngunit sa kanila, parang nasira na ang aking buhay dahil lamang sa nangyari.

"Hindi binibini, ikaw ay walang kasalanan. Emilio Jacinto ý Dizon, ikaw ang gumawa ng kartilya ng katipunan kaya dapat lamang na alam mo na isang paglabag sa batas ang iyong ginawa," pagmamatigas nito.

Sa Harap ng Pulang BandilaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon