"Si Primo ang nagligtas sa akin at hindi ikaw?" Hindi makapaniwalang tanong ko sa kaniya.
"Hindi mo ba alam? Hindi ba ikaw ay parating nagpapadala ng liham at pumupunta sa Maynila upang pasalamatan siya?" Nagtatakang balik niya sa akin. Tila sinusuri kung nagmamaang-maangan lamang ba ako o tunay ang aking mga sinabi.
"Hindi dahil doon, nagkaroon kami ng di-pagkakaunawaan dahil sa masama kong biro ilang minuto bago tayo nagkakilala. Lagi akong nagpapadala ng liham sapagkat nais kong humingi ng tawad sa kaniya. Ngayon ko lamang nalaman na siya rin pala ang tumulong sa akin," pagsasalaysay ko sa mga nangyari noong gabi ng kaarawan ni Miong.
"Kinakailangan mo na talaga siyang kausapin. Hindi ka ba pupunta ngayon? Maaari na hindi mo siya maabutan kung ikaw ay manatili pa rito," wika niya subalit bakas sa tinig na salungat sa kaniyang sinabi ang kaniyang totoong nararamdaman.
"Ayos lang, hindi ba at sinabi mo na ako ang salamin sa tunay mong pagkatao? Nararapat lamang na samahan kita hanggang sa huling sandali. May ibang araw pa naman para puntahan ko si Primo. At sa Huwebes pa ang balik niya, nasa Sugbu raw siya ngayon sabi sa akin kanina ni Mang Manuel." Hindi nakalagpas sa aking mata ang paglambot ng emosyon na nakapaskil sa kaniyang mukha nang dahil sa aking kasagutan. Mukhang sinusulit niya talaga itong huling araw na malaya siya. Akala ko ay anak-mayaman ang pilyong Goyo, ngunit isa pala siyang maralita na tumutulong sa ina upang makaipon ng salapi. Mayayaman ang mga Del Pilar subalit hindi ganoon ang kaso ng pamilya niya. Masiyahin, makulit, at tila walang inaalintanang suliranin ang lalaking katabi ko noong una kaming nagkakilala, sinong mag-aakala na isang kahig isang tuka ang estado ng pamumuhay niya.
"Bakit pala dati ay hindi mo rin siya nakakausap kahit nasa Maynila naman kayong dalawa?" muli niyang pagtatanong sa akin.
"Hindi kami pinapasok dito sa Ateneo, maghihintay sanang makalabas si Primo. Pagabi na noon kaya umalis na kami upang hindi maabutan ng mga guwardiya sibil," pagpapaliwanag ko sa kaniya.
"Kung gayon ay sulatan mo na lamang ako sa susunod mong pagpunta rito nang masamahan kita sa pagpasok." Sa wakas ay muli ko na namang nasilayan ang kaniyang ngiti na nakapagpapagaan talaga sa aking kalooban.
"Salamat, malaking tulong iyan." Sinuklian ko siya ng ngiti at hinayaan ang katahimikan na kami ay aluhin.
Napansin ko na ibang-iba talaga siya ngayong araw. Kaninang umaga, noong nasa loob pa kami ng tahanan ng mga Aguinaldo ay napakapilyo pa rin ng kaniyang ugali. Ngunit nang makatungtong na kami sa Maynila, para bang nag-transform siya. Kumbaga naging anghel, sabi niya iyon daw ang tunay niyang sarili.
Naalala ko na ikinuwento rin ni Mang Manuel na tatlong oras daw akong hinintay ni Gregorio. Hindi raw ako ginising ng binata, datapwat hinayaan niya lamang na nakapatong ang aking ulo sa kaniyang balikat. Mabuting tao naman pala talaga siya, sadyang nagbabago lang ang pakikitungo niya nang dahil sa mga sinasabi ng mga taong nakapaligid sa kaniya lalo na ang nakatatanda.
Ang hirap pala talaga na maraming expectation sa iyo ang mga tao, nagiging sanhi iyon para maging sutil siya upang hindi na ipilit sa kaniya ang mga inaasahan sa isang Del Pilar. Kailangan niya pa talagang pagmukhaing masama siya upang makalaya lamang sa pagkakulong niya sa altuntunin ng mga kamag-anak na nagsisilbing tanikala sa kaniyang kasiyahan.
Nakikita ko ang aking sarili sa kaniya. Natutuhan ko na dumepende lamang sa aking sarili, iniiwasan kong makaantala sa ibang tao. Pinipilit ko lagi na magtapang-tapangan. Kahit nahihirapan na ay pinipilit ko pa rin gawin mag-isa. Inilayo ang loob sa iba, ikinulong ang sariling emosyon. Laging magsisinungaling sa mismong sarili na ayos lamang ang lahat, na hindi ko na dapat isipin, bagkus ay harapin na lamang sapagkat wala naman akong magagawa. At kung hindi na kakayanin ay bigla na lamang makagagawa ng bagay na ikapapahamak, gaya na lamang ng pagtalon ko noon sa rumaragasang tubig.
"Nakaupo si Primo malapit sa ilog," pagbasag niya sa katahimikan.
"Walang pag-aalinlangan na sinuong niya ang tubig na ubod ng lamig upang ikaw ay mailigtas. Samantalang ako ay inaabangan lamang kayong dalawa na makaahon. Tanging traje lamang ang aking naiabot tulong sa iyo habang dala-dala ka niya sa kaniyang bisig patungo sa likod ng bahay upang magpatulong kay Aling Natividad na palitan ang iyong kasuotang nabasa," malamlam niyang pagkukuwento habang nag-iiwas tingin sa akin na para bang nakokonsensya dahil iyon lamang ang kaniyang nagawa.
"Huwag kang manlumo, hindi mo naman kasalanan kung bakit iyon nangyari. Sariling desisyon ko iyon. Kung iisipin ay para akong wala sa katinuan, sino ba naman ang nasa tamang huwisyo na tatalon sa ilog?", sabi ko sabay tawa, umaasa na kahit papaano ay gagaan ang kalooban niya.
Hindi ko inakala na si Ginoong Primo pala ang nagligtas sa akin. Naalala ko na ang huli naming pag-uusap ay mayroon akong hindi magandang nasabi sa kaniya. Nakagugulat na siya pa pala ang tumulong sa akin. Ibig sabihin kaya ng ginawa niya ay hindi na siya galit sa akin? Kailangan ko na talaga siyang makausap nang harapan.
Ilang minuto pa kaming dalawa ni Gregorio nagpahangin sa itaas bago niya napagpasyahan na pabalikin na ako sa Cavite.
"Ihahatid na kita hanggang sa labasan," pag-aalok niya sa akin.
"Hindi na kailangan, salamat. Alam ko naman na ang daan pabalik," pagtanggi ko dahil alam kong pagod na rin siya.
"Magpupumilit ako sapagkat hindi natin alam kung kailan tayo muling magkikita," malungkot niyang bulong habang tipid na ngumiti sa akin.
"Dito ka na sa Ateneo mananatili?" Naka-dorm kaya siya dito?
"Hindi, susunduin ako rito ni Tiyo Deodato. Habang nag-aaral ako sa Ateneo, nakititira ako sa kanila ni Tiya Hilaria sa Bulakan. Ganito na rin noong unang pasok ko sa unibersidad," sagot niya at hinayaan ko lamang siya na muling magsalita.
"Ikatlong taon ko na ito sa Ateneo. Pagakatapos nito ay balak ko na maging isang maestro de obras," wika niya habang nakatingin sa himpapawid.
Malayo-layo pa ang nilakad namin, nakita ko sa pocket watch na malapit nang mag alas-kuwatro. Dapat na nga kaming gumanyak dahil tiyak na mag-aagaw dilim na. Apat na oras pa naman ang biyahe, gabi na pagkarating namin ni Manong Manuel sa Cavite.
"Nagustuhan mo ba ang aking regalo?" Napansin niya pala akong nakatingin sa orasan.
"Oo naman, napakalaking tulong nito sa akin. At ang ganda pa ng disenyo. Maraming salamat." Nginitian ko siya at itinago na ang aking hawak.
"Nawa'y gabayan ka sa iyong daang tatahakin, Goyong"
"Bakit ngayon mo lang ako tinawag na Goyong? Alam mo ba na ang pamilya ko lamang ang tumatawag sa akin ng ganiyan?" sambit niya at nagpakawala ng halakhak na tila musika sa aking pandinig.
"Hindi ba at tinatawag ka rin na Goyong nila Felicidad?"
Nagtataka kong tanong dahil narinig ko na sila na banggitin iyon."Goyo ang tawag nila sa akin, Goyong naman ang tawag sa aking ng aking mga pamilya at iilang malalapit sa akin."
"Oh sige na, aalis na ako," pagpapaalam ko at sumakay na sa karwahe.
Ngumiti siya sa huling pagkakataon saka nagpaaalam na rin.
"Mag-iingat ka palagi. Hanggang sa muli nating pagkikita-
Poleng"
NGAYON ay ang katapusan na ng Hulyo. Kahapon ay Sabado kaya pumunta kami sa Maynila, subalit hindi ko na naman nadatnan si Primo. Balak ko sanang pumunta muli ngayon kung hindi lang isinama ni Crispulo si Manong Manuel sa kaniyang lakad patungong Tarlac. Mukhang sa Biyernes pa ulit ako makababalik ng Maynila.
Pagdating ko roon ay manghihingi ako ng tawad sa nagawa ko. Hindi talaga maganda ang binanggit kong biro lalo na at kakasalaysay niya pa lamang ng nangyari sa kaniyang ama. Ang sunod ko namang gagawin ay magpapasalamat sa kaniya sa ginawa niyang paglitas sa akin.
Ang tagal-tagal na nito. Nag-aalala ako na baka hindi na magmukhang sincere dahil ilang buwan na ang nakalipas. Kung nasa modernong panahon ako, isang chat lang, malalaman ko na kung nasaan siya. Kung pwede ko lang siya ma-ambush eh. Gagayahin ko yung mga feeling gangster na nag-aabang sa gate. Kaso sobrang matrabaho, pagpunta pa lang sa Maynila, ilang oras na ang nauubos. Sana talaga makausap ko na siya sa muli kong pagbalik sa kabisera nang sa gayon ay mawala na ang bigat sa aking dibdib.
BINABASA MO ANG
Sa Harap ng Pulang Bandila
Historical Fiction#1 in HISTORICAL FICTION 11/02/20 March 25 2019 - on going Isang pangkaraniwang estudyante na namuhay sa nakaraan. Babaeng nagmula sa kasalukuyan ang napadpad sa yugto ng himagsikan. Naroon lamang upang masaksihan ang bawat kaganapan, ang mga k...