"Paulina, narinig ko sa Gobernadorcillo na pupunta ka sa Maynila ngayon, tara na at sasamahan kita. May ipapadala ako kay Ginoong Gregorio kaya maaari tayong makapasok ng Ateneo. Inihabilin sa akin ito ni Pulong kung kaya't tiyak na makapapasok tayo sa loob," sabi ni Nay Nati nang makapasok sa aking silid.
Ngayon ay ang unang Linggo ng Agosto. Nagbalak akong pumunta ng Maynila noong Biyernes, pagkabalik nila Crispulo sa Cavite subalit nakita kong pagod na si Manong Manuel kaya hinayaan ko na lang muna siyang magpahinga.
"Opo Inang, magbibihis na po ako," sagot ko sa kanya. Isinilid ko rin sa lagayan ang mga librong hiniram ko noong pumunta ako sa Maynila.
SABAY kami ni Nay Nati na bumaba sa karwahe. Naririto kami ngayon sa tapat ng aklatan na pagmamay-ari ng mga Aguinaldo, kung saan nagtatrabaho si Primo.
Akmang papasok na ako sa silid-aklatan nang bigla akong tawagin ni Nay Nati.
"Paulina, iiwanan na muna kita dito. Mayroon lamang akong bibilhin sa kabilang tindahan. Diyan ka lang sa loob. Kung ikaw ay mauuna matapos, bumalik ka na lamang muna dito sa labas. Maghintay ka sa loob ng karwahe dahil hindi naman aalis si Manuelito," paalala niya sa akin bago nagsimulang lumakad palayo.
Pagpasok ko sa loob ay binati na agad ako ng mga nagtatrabaho dito. Sinabihan din nila ako na dumating na nga si Primo, at hinihintay ako sa kaniyang silid.
Luminga-linga pa ako habang paakyat kami sa opisina ni Primo. Akala ko ay nagpapahiram lang sila ng mga libro, binebenta rin pala nila ito. May iilang mga papel at panulat din silang itinitinda.
"Sayang naman at makakausap mo na si Ginoong Primo. Mukhang hindi ka na mapapadalas dito sa aklatan," pabirong sabi ni Jose, isa sa mga nagtatrabaho dito na sa tingin ko ay halos ka-edad ko lang din. Siya rin ang una kong nakausap noong unang beses kong mapunta sa Maynila.
"Huwag po kayong mag-alala, pupunta pa rin ako dito para manghiram ng mga aklat. Sayang nga po at limitado lang ang kaya kong basahin. Kung marunong lang sana ako ng wikang Kastila, siguradong mas marami pa akong matututuhan. Ah, ito nga po pala ang mga librong hiniram ko noon, isaauli ko na po." Inabot ko sa kaniya ang tatlong aklat na kanina ko pa hawak. Kinuha niya iyon at kumatok sa pinto saka ito binuksan at iniwan ako sa loob, kasama si Primo.
"Ginoong Primo." Natigil siya sa pagsusulat nang marinig ang aking boses.
"Paulina, ikaw pala iyan. Maupo ka muna rito. Magpahahanda muna ako ng kape at ensaymada," alok niya sa akin na aking tinanggihan.
"Salamat po. Katatapos ko pa lamang po kumain kaya hindi na po kailangan."
"Narinig ko sa aking mga kasamahan na napadalas daw ang iyong pagpunta rito. Hindi mo na kinailangan pang mag-abala," sambit niya habang nagpatuloy na sa pagsusulat.
Hindi man lang siya tumitingin sa akin. Hindi ko alam kung dahil ba busy siya o dahil galit pa rin siya sa aking nagawa.
"Nabasa niyo po ba ang mga liham na aking ipinapadala? Umaabot po ba sa inyo? Walang saysay po kasi kung sa papel lamang nakasulat. Kaya naman po gusto ko sanang humingi ng taw-"
"Paulina." Ibinaba niya sa mesa ang kaniyang panulat na pluma at seryosong tumingin sa akin.
"Napakabait mong tao, kahit sa liham ay nadarama ko ang sinseridad sa iyong mga isinabi. Hindi mo na kailangang manghingi ng tawad. Batid kong nagulumihan ka noong panahong yaon kaya kung ano mang nasabi mo na hindi kanais-nais ay mas mainam na lamang na kalimutan na natin." Tila nais kong mapaluha nang dahil sa kaniyang mga sinabi. Ito ang unang beses na may taong nakakita sa aking taglay na kabutihan. Kaya siguro ako nagiging mahigpit sa aking sarili ay dahil nais ko lamang may makaalam kung sino ba talaga ako.
"Nitong nakaraan ko lang nalaman na ikaw din po pala ang nagligtas sa akin, nais kitang pasalamatan. Tanggapin mo sana itong munti kong regalo bilang uri ng aking pasasalamat," sabi ko sabay abot sa kaniya ng ginawa kong bookmark.
"Ano ito?" Nagtataka niyang sinuri ito at inikot ikot pa upang makita ang mga disenyo.
"Hala hindi ko alam tagalog ng bookmark," pabulong kong sabi sa aking sarili ko.
"Buk- ano?" Narinig niya pala.
"Bookmark. Sa wikang Ingles ang book ay aklat at ang mark ay pananda. Kaya kung mayroon kang binabasa at hindi mo agad ito natapos, maaari mong ipitin ito sa pahina kung saan ang huli mong nabasa. Nang sa gayon ay hindi ka mahihirapan sa paghahanap," paliwanag ko sa kaniya at nakikita ko sa kaniyang reaksiyon ang pagliwanag ng salita sa bawat kataga na aking binibitawan.
"Paano mo ito ginawa? Napakagandang imbensyon! Malaking tulong ito. Jose!" Halata sa kaniyang mukha ang pagkamangha sa bagay na kaniyang natuklasan.
"Ginoo," Nagulat naman ako at biglang bumukas ang pinto. Nasa labas pala siya at nag-aabang. Ibig sabihin ba ay narinig niya ang mga pinag-usapan namin ni Primo?
"Tandaan mo lahat ng sasabihin ni Binibining Paulina." Tumango naman ang kaniyang kausap.
"Masusunod," maikling sagot ni Jose.
Napansin ko naman na nakatingin sa akin si Primo na para bang may inaabangan. Kumbaga sa bata, para siyang nag-aabang ng pasalubong sa inang kauuwi lamang.
"Ah!" Oo nga pala, tinanong niya nga pala kung paano ko ito ginawa. Nakita ko naman na naghanda ng malinis na papel si Primo para yata isulat ang aking mga sasabihin.
"Madalas ang katawan ay yari sa metal o sa kahoy, subalit mas mainam na matigas na papel o katulad nitong binigay ko na yari sa tela ang katawan upang hindi masira ang libro. Kapag metal o kahoy kasi, maiiwanan ng espasyo kapag tinanggal na ang bookmark. Itong dulo naman ay gawa sa pinagsama-samang sinulid na pamburda, 'yan ang pananda na nasa labas upang madaling makita," sabi ko at hiniram saglit ang bookmark. Pinakita ko rin kung paano ito ginagamit.
Mukhang tuwang-tuwa naman si Primo sa binigay ko sa kaniya at sinimulan niya nang kausapin ang iilan sa mga nagtatrabaho roon upang mag-alok ng bagong produkto. Batay sa aking narinig, mukhang balak nilang gumawa ng bookmark at itinda ito. Siguro hindi pa ganoon ka-uso ang bookmark noon.
Nagpaalam na ako at sakto namang pabalik na rin si Nay Nati. Sunod naming pinuntahan ay ang Ateneo. Sinabihan niya ako na manatili na lang sa loob ng karwahe subalit nais ko talagang makapaglibot muli sa loob.
"Hay naku Paulina, tila isa kang ibon na hilig lumipad sa himpapawid. Hindi mo talaga nais mapirmi sa isang lugar," natatawang wika ni Nay Nati.
"Sige na ho, ito na rin naman ang huling punta ko sa kabisera. Hindi ko na alam kung mayroon pa po bang susunod o wala na," pagmamakaawa ko sa kaniya at umaasang tumalab sa akaniya ang aking pag-iinarte.
"Talaga naman Linang, ihahatid ko lang naman ito sa loob at babalik rin ako agad," sabi pa sa akin ng matanda.
"Maaari po ba akong sumama?"
BINABASA MO ANG
Sa Harap ng Pulang Bandila
Narrativa Storica#1 in HISTORICAL FICTION 11/02/20 March 25 2019 - on going Isang pangkaraniwang estudyante na namuhay sa nakaraan. Babaeng nagmula sa kasalukuyan ang napadpad sa yugto ng himagsikan. Naroon lamang upang masaksihan ang bawat kaganapan, ang mga k...