XXXVI. Lito

157 56 20
                                    

"Hindi ko kayo niligtas, mayroon lang ipinahatid sa akin. Mauuna na po ako." Tumalikod na ako at nagsimulang maglakad pabalik. Iniwan ko na ang ginoo at ang babae sa tabi niya na si Clara.

Hindi ko alam kung magka-usap pa rin ba sila Gregorio pero sasabihin ko na lamang na hindi mainam ang aking pakiramdam kung sakali na tawagin nila ako.

Totoo naman. Naguguluhan ako dahil sa nangyari. Hindi dahil natatakot ako sa pari o doon kay Felipe, kung hindi dahil kamukhang-kamukha ni Clara ang kaibigan ko sa kasalukuyan. Hindi ako nakaaalala ng mukha o boses kahit pa ilang beses ko nang nakita ang tao ngunit iba ang nangyari ngayon sapagkat higit isang dekada ko nang kaibigan ang kamukha niya.

Alam ko sa sarili ko na hanggang ngayon ay hindi ako makapaniwala na ito na ang buhay ko. Kung iisipin ay ang dali ko lang tinanggap ng sitwasyong ito na para bang hindi big deal sa akin. Pero alam ko na isa lang itong paraan para malinlang ang aking sarili. Ako lamang ang mag-isa rito kaya kailan man ay hindi ko pinapakita ang tunay kong nadarama, dahil sa oras na mangyari iyon, siguradong mahihirapan akong iahon ang aking sarili.

Nagsinungaling ako kahit sa aking sarili upang hindi makaramdam ng pagkalumbay. Nagtapang-tapangan ako at pinipilit sabihin na tila ba isang normal na pangyayari lamang ang naganap.

"Binibini, muli ay nagpapasalamat ako sa iyong pagliligtas." Sinabayan ako ng lakad ng lalaking hanggang ngayon ay 'di ko alam ang pangalan.

"Hindi kita niligtas, nagkataon lang iyon." Hindi ko siya nililingon, diretso pa rin ako sa paghakbang. Ayaw ko nang madamay pa sa kung ano mang balak niya.

"Hindi iyon nagkataon, bakit naman ikaw ang uutusan ng principalia kung napakarami niyang tagasunod. Tila mamahalin pa ang iyong binigay." Ang kulit, ayaw talagang magpapigil.

Huminto ako at hinarap siya,"Opo, dahil mamahalin iyon."

"Kailanman ay hindi nag-aabot ng kahit anong regalo ang mga principalia sa mga papaalis na pari. Nangyayari lamang ito kung mayroon silang pakay, madalas ay tuwing mayroong bagong paparating." Napabuntong hininga ako. Hindi talaga siya titigil sa panggigiit hanggang hindi ko sinasabi ang totoo. Nakakahiya man, pero hanggang ganoon lang ang alam kong paraan upang maiwas sa panganib. Natatakot ako na baka kung ano pa ang mangyari kung ipipilit ko sa mga manlulupig na wala kaming ginagawang mali.

Nagpatuloy na ako sa paglalakad habang nagsasalita. "Oo na, nahuli mo na ako. Hindi ako katulad mo na basta-basta na lamang sumusugod sa mga ganoong bagay. Kung makakalabas naman sila ng buhay, hinahayaan ko na lamang dahil ayaw ko naman na madawit pa sa gulo. Subalit hindi ko rin naman hinahayaan kung buhay na ang kapalit. Kaya naman nagdadala ako palagi ng mga mamahaling regalo at sinasabihan ko ang aking pagbibigyan na gamitin ito agad. Hindi naman ito pumapalya at lagi silang nagmamadaling umaalis upang magamit at maipagmayabang ang kanilang nakuha."

"Napakagastos mo naman, alam ba ng iyong magulang na sa ganitong paraan iwinawaldas ang kanilang salapi? Sa pagtulong sa aming mga indio?"

"Wala akong magulang. Ito ay ang aking sariling salapi. Kung wala ka nang sasabihin ay aalis na po ako. Kailangan ko pang bumili ng panibagong regalo."

"Paumanhin. Hindi ko alam. Namangha lamang ako dahil ito ang unang beses na makakita ako ng isang matapang na binibini. Nakapagtataka at nakamamangha sapagkat marunong ka ring maghanapbuhay kahit pa tila pang-mestiza ang iyong mga kasuotan," mapanglaw niyang sagot.

"Pasensya na sa pagtataas ng boses. Hindi lang talaga ako sanay na mayroong nakakaalam ng tunay na kahulugan ng aking ginagawa. Pasensya na po kung hanggang sa ganoong paraan ko lamang naipagtatanggol ang iba. Hindi ko nais malaman ng ibang tao ang aking sarili. At wala rin akong balak na madamay sa buhay ng iba." 

"Hindi ba nakalulungkot kung mawawala ka sa mundong ito na walang nakaaalala sa iyo?"

"Ayos lang, may isang tao naman dito na nakakakilala sa akin. Ilang beses lang kami nagkatagpo ngunit sigurado ako na hindi niya ako malilimutan. Alam ko na hanggang ngayon ay inaalagaan niya ang aking pinakaiingatan na kayamanan."

"Napakarikit naman pala ng iyong ngiti. Sa tingin ko ay iniibig mo ang taong iyon, at sigurado ako na ganoon don ang nararamdaman niya." Paano ka naman nakasisiguro? Hindi naman ka naman siya. . .

Tumikhim ako at muling nagsalita, "Kung wala na tayong pag-uusapan,  ako'y bibili na."

"Sasamahan na kita, binibini."

"Magpapatahi ako ng panloob, ikaw ba ay sasama?"

"Paumanhin, hindi na ako magpupumilit. May naalala lamang ako sa iyo kung kaya't nais ko sanang mapalapit. Patawad dahil nakalimutan ko na wala akong karapatang makipag-usap sa'yo."

"Hindi naman sa ganoon. Kung ako sa'yo, sa halip na ako ang iyong kausapin, hindi ba dapat lang na higit na palalimin mo ang inyong ugnayan sa tinutukoy mong tao?"

"Ka-ilyong!" Mayroong nakasalakot na lalaki na lumapit sa kanya.

"Binibini, maraming salamat. Paalam na!" Tinanguan ko na lamang siya at ang kaniyang kasama.

Babalik muna ako sa tahanan ni Tiya Marcela. Mamaya pa naman kami magkikita ni Felipe bago magtakip-silim sa tapat ng plaza. Hindi ko rin naman dala ang binigay sa akin ni Lorenzo na medallón.

Sa aking pagkakaalala, ang medalyo na mayroong titik Z sa gitna ang siyang dapat na aking ibigay kay Felipe dahil siya ang nakababatang kapatid ni Lorenzo.

Hindi ko inaasahan na ganoon ang asal ng kaniyang nakababatang kapatid. Ang akala ko ay mas makulit pa ito kaysa sa kaniya dahil ito ang bunso. Hindi kapani-paniwala na galing sila sa iisang dugo. Tila pinagsakluban ng langit at lupa itong si Felipe.

Dahil ba siya ay isang Guardia Civil, kaya dapat ay laging nakakatakot ang kaniyang ugali? Kung ganoon na ang nakikita ko sa pinakabata, paano pa kaya sa pinakamatanda?

Baka naman mas nakakatakot pa ito. Mabuti na lang at hindi kami nagkita noong pumunta kami ni Ginoong Lorenzo sa Novaliches. Ang panganay raw ang nagpapatakbo ng negosyo ng pamilya Salvatierra. Kung isa siyang negosyante, ibig sabihin ba noon ay nakakatakot din ang ipapakita niyang ugali?

Siguro iyon ang dahilan kung bakit iniabot sa akin ni Lorenzo ang medalyon, upang madali ko silang makakausap. Subalit paano naman siya nakasisiguro na magtatagpo ang landas namin ng kaniyang kapatid? Masyado naman siyang nagtiwala na hindi ko ipagbibili ang kaniyang ibinigay sa akin.

Hindi ko napansin na dinala na pala ako ng aking mga paa sa tapat ng bahay ni Tiya Marcela. Maingat dapat akong pumasok sa loob. Napakatahimik ng kapaligiran. Luminga-linga ako na tila ba ay isa akong magnanakaw. Hindi ako dumaan sa entrada dahil mapapansin ako, kaya napagpasyahan ko na sa kaliwang bahagi na lamang. Hindi naman mataas ang bakod, hindi rin ito makinis kaya madali lamang makahanap ng parte na aapakan. Nang masiguro ko na walang bantay sa parteng ito, sinimulan ko na ang pag-akyat sa pader.

Maayos naman akong nakababa, kung hindi lamang sumabit itong saya sa halaman. Pinipilit kong hatakin, subalit hindi ko pa rin makuha ito. Napalingon ako nang makarinig ng kaluskos ngunit hindi ko maaninag kung tao ba o dahon lang na nahulog ang aking narinig. 

Bumilis ang tibok ng aking puso at kahit ang pagkabog nito ay rinig na rinig ko na. Wala naman akong ginagawang masama pero kinakabahan pa rin ako. Minadali at mas nilakasan ko na ang paghatak sa saya. Kung mumurahin lang sana ito, malamang ay kanina pa ito napunit at nakatakas na sana ako.

Tumigil na ako sa paghatak at inabangan na lamang ang kung sinuman na parating. Nabigo ako, mabuti na lang at mukhang naglakad na papalayo. Marahan kong tinanggal sa pagkakasabit sa sanga ang aking saya. Nagmamadali kasi ako kanina, mabilis lang pala tanggalin kung sa kabilang banda ko hinatak.

Pagkapasok ko ay wala namang mga tao. Maingat akong umakyat upang hindi na sila mabulabig sa pagpapahinga. Hindi ko inaasahan na mayroon palang nag-aabang sa itaas.

"Bakit ngayon ka lamang?"

Sa Harap ng Pulang BandilaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon