"Paulina! Bakit ka nag-iisa? Ikaw ba ay pinalayas? Bakit mayroon kang dalang bagahe? Saan ka pupunta? Aalis ka na lamang ba nang walang paalam?" sunod-sunod niyang tanong sa akin.
"Isa-isang tanong lang pwede? Mahina ang kalaban, huwag mo naman sanang tadtarin ng taga at bala. Oo, nag-iisa ako dahil bumalik na si Felicidad sa Cavite el Viejo. Hindi ako pinalayas, samakatuwid, ako pa mismo ang umalis. May dala akong bagahe dahil lilipat na ako ng tirahan. Pupunta ako sa tahanan ng pamangkin ni Tiya Marcela, nakababatang kapatid ni Ate Felicidad, si Señor Emilio Aguinaldo. Hindi ako aalis nang walang paalam. Balak kitang bisitahin subalit naalala ko na wala na nga pala ang kwartel kaya hindi ko alam kung saan kita mahahanap. At dito pa rin naman ako sa Zapote, pero hindi ko alam kung hanggang kailan. Ano pa? Mayroon ka pa bang mga katanungan?" hingal kong sagot sa bawat katanungan niya.
"Sandali ka lang, mag-iisip pa ako."
"Ang kulit mo, kung magkakaroon ng patimpalak ukol sa kung sino ang pinakamakulit na tao sa balat ng lupa, siguradong matatalo mo ang iyong Kuya Lorenzo. "
"Maraming salamat," humahalakhak niyang sambit.
"Bakit ka nagpapasalamat? Iniinsulto kita, hindi pinupuri," taas-kilay kong tanong.
"Hindi na bale, kung nanggaling sa iyo, ang insulto ay nagiging puri," wika niya at muling tumawa.
"Ahahahehehihihohohuhu, Oh ano? Tapos ka na ba?"
"Huwag ka nang magtampo, tutulungan na nga kita sa pagbubuhat," kukuhanin niya na sana ang hawak kong paso pero mabilis ko itong iniwas sa kaniya.
"Salamat, kahit itong bagahe na lamang," agad niya namang kinuha bago ko pa maiabot.
"Bakit tila ayaw mong ipahawak sa ibang tao bukod sa iyong sarili ang rosas na iyan?"
"Importante ito sa akin, pinagpalit ko ito sa pinakamahalagang kayamanan ko."
"Kakaibang kulay, asul. Hindi ba iyan nanggaling sa Universidad de Santo Tomas?" Nanlaki ang aking mata sa kaniyang sinabi. Alam kong may posibilidad na alam rin ng ibang tao subalit nakagigitla na ang paaralan na iyon ang unang maiisip niya sa halip na ibang lugar. Hindi kaya... hindi kaya siya si Dumangan?!
"Naririto na tayo, ito ang nasa mapa hindi ba? Heto na ang iyong gamit."
Imposible, pero posible din. Paano? Siya ba talaga? Siya ba talaga ang matagal ko nang hinahanap? Ang taong matagal ko nang inaabangan? Hindi kaya siya talaga? Naalala ko na titig na titig siya sa akin noong una naming pagkikita. Magaan rin ang loob ko sa kanya at madali kaming nakapag-usap noong kaming dalawa na lang.
"Bakit ang tahimik mo? Napagod ka ba? Aalis na ako upang makapahinga ka na. Babalik na lamang ako mamayang alas tres." Bago ko pa maibigkas ang mga katanungan na namuo sa aking isipan, nawala na siya sa aking paningin. Hindi pa rin ako makapaniwala sa aking natuklasan.
BINABASA MO ANG
Sa Harap ng Pulang Bandila
Historical Fiction#1 in HISTORICAL FICTION 11/02/20 March 25 2019 - on going Isang pangkaraniwang estudyante na namuhay sa nakaraan. Babaeng nagmula sa kasalukuyan ang napadpad sa yugto ng himagsikan. Naroon lamang upang masaksihan ang bawat kaganapan, ang mga k...