NAPAKO ang aking mga paa sa aking kinatatayuan. Lumingon ang guwardiya sibil kay Jose na nasa kaniyang likuran at ito naman ang kaniyang tinutukan ng baril. Habang nabaling ang atensyon, kailangan kong makapag-isip ng paraan kung paano kami makalulusot. Isa lang ito, mas malaki ang pagkakataon na matakasan namin siya. Hindi ako makapapayag na lagi na lang si Jose ang nagtatanggol sa akin. Oras na upang itigil ang pagiging pasanin sa mga taong tumulong sa akin.
Iginala ko ang aking mga mata sa lapag upang maghanap ng katamtamang bato na mahahawakan ko gamit ang isang kamay. Nararamdaman ko na ang pagtulo ng malamig na pawis mula sa aking noo. Dahan-dahan kong kinuha ito habang papalapit ang guwardiya sibil kay Jose. Lalong lumakas ang kabog sa aking dibdib nang marinig na bumubulyaw na ang nakaunipormeng lalaki. Kung ibinato ko, tatama kaya sa kaniya? Sapat ba ang puwersa kung ipupukpok ko sa ulo niya? Dumangan, kung narito ka lang sana upang tulungan kami sa pagtakas. . .
Hindi, kulang pa ito. Inilapag ko ang bato at gamit ang dalawang kamay, kumuha ng mas malaki rito. Maingat akong lumapit sa sumisigaw na guwardiya at marahan na iniamba ang magsisilbing sandata. Wala na akong ibang maintindihan dahil mas nangingibabaw na ang kabog ng aking puso sa bawat paghakbang na aking tatahakin. Nanginginig ang aking dalawang kamay habang unti-unting itinataas ang bato, hindi alintana ang nanlalaking mata na pagsalungat ni Jose sa aking balak gawin.
"Argh!"Napadaing ako dahil sa gulat nang maramdaman ang marahas na paghatak sa aking balikat. Lumingon ang guwardiya sibil ngunit bago pa niya maitutok ang baril sa akin, isang malakas na dagundong at makapal na usok ang bumalot sa paligid. Hindi ko alam kung sino gumawa, pero malaking tulong na ito upang makaalis kami. Napatakip ako ng ilong at bibig, subalit kumawala pa rin ang ubo na sanhi ng usok. Wala sa sariling mariing napapikit ang aking mga mata, dahil siguro sa usok kaya napakahapdi ng aking mata ngayon. Nangangapa akong naglakad patungo sa kanan upang makahanp ng punong masasandalan. Patuloy pa rin ang aking pag-ubo, hindi na yata ako makahihinga kung mananatili ako.
Naluluha ma'y pinilit ko pa ring buksan ang aking mata dahil sa narinig na langutngot ng mga tuyong dahon. Tumalungko ako upang makakuha ng bato, at hindi nagdalawang-isip na ihampas ito sa humawak sa aking bisig.
"Tiktik! Halika na," saad ng lalaking humatak sa akin, hindi alintana ang ibinato ko sa kaniya. Sumagot ang isang pamilyar na boses, "Pingkian, igiya mo ang binibini, dumiretso na tayo roon."
WALA sa sariling napabuntong-hininga na naman ako. Ang aking nadarama ay taliwas sa kasiyahan na namumutawi sa mga tao na naririto ngayon.
"Paulina, hayaan mo na ang nangyari kanina. Narito na rin naman tayo, isasailalim na kita sa proteksyon ng aming samahan. Wala na akong dapat ipaglihim at ikaw namanay maaasahan kaya hindi na ako nag-alinlan na dalhin ka rito. Higit na panatag ang aking kalooban kung mananatili ka muna kaysa ang dumiretso tayo sa aklatan."
"Salamat Jose, maari ko bang malaman kung tungkol saan o kanino ang handaang ito?"
Sinuri niya ang paligid saka bumulong, "Panakip lamang ito habang may pagpupulong na nagaganap sa itaas na silid."
"Pagpupulong? Para saan?"
Hindi agad nakasagot si Jose, kaya iniba ko na lamang ang usapan. "Ah, oo nga pala! Mabuti na lamang at hindi nabasag itong rose vinegar. Pakiabot na lamang sa naghanda nitong kasiyahan."
Nakangiti niyang kinuha ang aking inabot ngunit halata na nakokonsensya siya. "Salamat sa pag-iintindi, Paulina. Hindi naman sa wala akong tiwala sa iyo. Hindi ko lamang hangad na mapahamak ka kaya mas mainam na wala ka na lang alam. Samahan mo ako sa itaas, ipapakilala kita sa maybahay." Naiintindihan ko naman na hindi dapat ako makialam sa kung ano mang bagay ang nais nilang ilihim. Nagtalo pa nga si Jose at ang nagligtas sa amin. Alam ko na mapanganib ang impormasyon na malalaman ko sa loob ng tahanang ito.
BINABASA MO ANG
Sa Harap ng Pulang Bandila
Historical Fiction#1 in HISTORICAL FICTION 11/02/20 March 25 2019 - on going Isang pangkaraniwang estudyante na namuhay sa nakaraan. Babaeng nagmula sa kasalukuyan ang napadpad sa yugto ng himagsikan. Naroon lamang upang masaksihan ang bawat kaganapan, ang mga k...