Dahil mabato ang paligid ay hindi na ako nakasunod hanggang sa mawala na lamang sila sa aking paningin. Tinatantya ko kung kakayanin ko rin bang magpadulas. Tanging mga dahon mula sa nagtataasang puno ang aking natatanaw mula rito sa malalim at matarik na gilid ng bundok. "Bahala na nga sila!" Mas nangingibabaw ang kagustuhan kong makahanap agad ng tubig na maiinom kaysa ang pagkapagod kaya nagsimula na akong maglakad, kahit hindi ko alam kung saan ako dadalhin ng aking mga paang halos bumibigay na.
Hindi ko alam kung swerte ba ako dahil papalubog na ang araw kaya hindi gaanong mainit, o malas dahil maya-maya lamang ay tiyak na wala na akong makikita sa tatahaking landas. Napatigil ako sa paglalakad at tinalasan ang aking pandinig upang masiguro kung totoo ba may rumaragasang tubig o guni-guni lang ko iyon.
"Sa kanan!" Nabuhayan ako ng loob at lumawak ang ngiting namutawi sa aking labi. Nasasabik kong tinakbo ang pinanggagalingan ng tunog, hindi alintana ang mabatong daanan at ang nahahapong katawan. Palayo nang palayo ang aking natatahak, palapit din nang palapit ang tunog ng tubig na aking inaasam mainom. Kaunti na lang at. . .
Luminga-linga ako sa paligid upang makahanap ng ibang daanan. Mukhang wala akong ibang pagpipilian. Sa kabila ng pangamba ay sinuong ko pa rin ang kuweba. Pagkapasok ko pa lamang ay niyapos na ng lamig at dilim ang aking buong katawan. Tanging magaspang na pader na aking kinakapa ang nagsisilbing gabay sa aking patuloy na paglalakad. Ang naririnig kong ugong ay dumagdag lang sa kabang namumuo sa aking dibdib. Habang papalapit nang papalapit ay nakaririnig na ako ng samot-saring tinig ng mga kalalakihan hanggang sa maintindihan ko na ang sinasabi.
". . . na walang tutol at pikit mata. At sa katunayan aking tatalaan ng tunay na dugo na manggagaling sa aking tunay na puso." May mga tao sa loob? Dito? Anong nangyayari? Sila kaya ay mga kasapi ng samahan?
"Ngayon mga kapatid ay paunti-unti nang nadaragdagan ang ating lipi. Tayong mga tunay sa lupang tinubuan ay mayroong iisang mithi. Ang sumisiil ay kinasusuklaman, ang mga matapang ay pinamamarisan. Galimgim ang masidhing damdamin na namumuo sa ating kalooban. Kalayaan sa pamamaraan ng himagsikan ang ating pasya. Viva la Independencia!" Namamangha kong pinanood ang pagsulat ng isang ginoo sa pader ng kuweba ng huling kataga na kaniyang sinalita. Gamit ang uling na napulot, sa tulong ng nagliliyab na apoy, ay isinulat niya ang hindi mabuburang alaala na nakaukit na sa kasaysayan ng ating bansa. Ngunit hindi pa rin talaga ako nakasisiguro sa aking mga hinuha dahil kaduda-duda ang kanilang itsura. Sino ba naman kasi ang magsususot ng taklob lalo na at pito lang naman silang nagkita-kita.
Napagdesisyonan ko na lumabas na lang at hintayin silang makaalis upang masundan ko ang kanilang dadanan sa pag-uwi. Ngunit napakabait nga naman ng tadhana sapagkat napatid ako at umalingawngaw ang aking pagbagsak sa lupa. "Sino iyan?" Tila nawala ang pagod sa aking katawan at napalitan ng pagkukumahog na makaalis. Natatanaw ko na ang liwanag ng papalubog na araw, kaunti na lang ay makalalabas na ako.
"Binibini, bakit sumunod ka pa rin sa yungib?" Mukhang wala na talaga akong takas. Pero teka- ano ang sinabi niya? Sumunod pa rin? Ibig sabihin ba ay siya ang humila kay Jose?
"Ikaw ang lalaki kanina? Nasaan si Jose? Bakit ganiyan ang inyong mga porma? Kayo ba ay mga magnanakaw?" Hindi nga ako nagkakamali, o baka nagkakamali ako. Mayroon ding nakatakip na itim na tela sa kaniyang ulo, kaya hindi ako sigurado kung siya ba o iba ang taong nasa harap ko ngayon.
"Hindi kami kawatan. Ang inaalipusta at ninanakawan pa nga ay kami, tayo!" Nagitla ako sa pagsigaw niya, ngunit may punto naman ang kaniyang mga sinasabi kung sakaling sila nga talaga ang katipunan.
"Kapatid, may problema ba?" Lumuhod ako upang matakpan ako ng malaking bato, ihinarang naman ng aking kasama ang kaniyang katawan upang ako ay higit na matakpan.
"Wala ho, aking itinaboy lamang ang naligaw na baboy-ramo." Aba! Ang kapal ng mukha nito ah!
"Kagyat kang bumalik sapagkat ika'y hinahanap na sa loob," wika ng kaniyang kausap saka bumalik. Tumayo ako at ipinagpag ang narumihan damit, kung pwede ko lang din sanang ipagpag itong lalaki na tumawag sa akin na baboy-ramo.
"Si Jose ba ang iyong pakay, binibini? Inatasan siyang magbantay sa Morong upang mapanatili ang kaayusan sa darating na Sabado de Gloria. Ihahatid na kita sa sitio, marahil ay nakarating na siya roon."
Kailan kaya ako makababalik? Lagot talaga ako, tinakasan ko na naman si Primo. Kung alam ko lang na ganito pala ang pupuntahan ni Jose, sana ay huminto na lang ako at bumalik sa aking pinanggalingan. Ngayon ay hindi ko na kabisado ang aming mga dinaanan kaya imposibleng makabalik pa ako nang hindi siya nakakausap.
"Tila kanina ka pa naihirap sa paglulon, ikaw ba ay nauuhaw?" Hindi na siya naghintay ng sagot, naglakad na siya at itinumba ang pinakamalapit na kawayan. Sumunod ako sa kaniya dahil siya lang naman ang aking maasahan upang makita si Jose. Pasalamat siya at malakas ang kaniyang pakiramdam, kung hindi ay baka binatukan ko na siya. Papalagpasin ko ang pangungutya niya sa akin, kapalit ng tubig.
"Baboy-ramo pala ah. Sino iyan? Babae mo?"
"Akin na nga iyang itak, puputulin ko lang itong kawayan," pagsasawalang-bahala ng kasama ko sa bagong dating na lalaki. Pagkaabot sa kaniya ay tinaga agad ang kawayan nang walang kahirap-hirap. Pinutol niya ang magkabilang dulon hanggang sa halos kalahating dipa na lamang ang natira.
Sinuri ako ng lalaking nakasuot ng berdeng taklob saka muling nagwika,"Nagpapakitang gilas sa binibining napupusuan. Hindi mo naman ikinakisig ang pagsisibak sa kaniyang harapan. Sa tingin mo ba ay maididiretso mo siya sa papag?"
"Salaula! Iitakin ko iyang bunganga mo kung hindi ka mananahimik," naririmarim na saad niya sa kasama.
Hinayaan ko lamang sila na magsagutan at inaabangan na ang makukuhang inumin. Hindi na bago sa akin ang impormasyon na naglalaman ng tubig ang mga kawayan ngunit nakawiwindang pa rin, lalo na at ito ang unang beses ko na makainom mula rito. Umakma na siya sa pagtataktak kaya sinalok ko gamit ng kamay ang tubig na nagmula sa bukana. Habang nilalasap ang pinakaaasam-asam na inumin ay nahagip ng aking mata ang pagkinang ng isang bagay. Gintong singsing na nawalan ng diyamante na nakasuot sa daliri ng lalaki ang pumukaw sa aking atensyon.
Gintong singsing na may itim na dyamanteng palinyang nakapalibot sa magkabilang dulo. Upang makatiyak ay tiningnan ko rin ang loobang bahagi nito kung saan nakalagay ang aking palayaw. Kahit ilang ulit ay ganoon pa rin ang aking nabibilang. Saktong -sakto ang nakaukit na linya at tuldok sa loobang bahagi nito! '--- -. .- -. --.' Morse code ang ginamit ni mommy noong pinagawa niya ito para mabilis makumpirma na sa amin kung sakaling mawala.
Walang duda! Ito nga ang singsing na nanggaling sa aking ina. Kung gayon ang lalaking nakasuot ng itim na taklob ay si
"Dumangan!"
BINABASA MO ANG
Sa Harap ng Pulang Bandila
Historical Fiction#1 in HISTORICAL FICTION 11/02/20 March 25 2019 - on going Isang pangkaraniwang estudyante na namuhay sa nakaraan. Babaeng nagmula sa kasalukuyan ang napadpad sa yugto ng himagsikan. Naroon lamang upang masaksihan ang bawat kaganapan, ang mga k...