XIII. UNANG PAGTATAGPO

454 95 24
                                    

"Maaari po ba akong sumama?" Halatang tatanggi pa sana si Nay Nati pero nakita niya yata na hindi ako titigil mangulit sa kaniya hanggang sa hindi ko nakukuha ang aking gusto.

"Oh siya sige, pumunta ka na sa kung saan mo balak pumaroon. Hindi mo na ako kailangang samahan. Basta ba ay bilisan mo lang ang gagawin mo, huwag kang magpapahuli lalo na sa mga prayle. Bumalik ka agad. Kailangan nating makauwi nang maaga," bakas sa boses niya ang pagkatalo. Pagkatapos niyang sabihin iyon ay mabilis at palihim akong umakyat doon sa rooftop kung saan kami nag-usap noon ni Gregorio. Ngunit umalis kaagad nang malaman na may papaakyat na mga estudyante. Naglakad-lakad lang ako at marahang nagtatago sa mga pader tuwing may maririnig na mga nagsasalita. Hindi ko na napansin na malayo na pala ang aking napuntahan. Sa tingin ko ay nakalabas na ako ng Ateneo kaya maaari na siguro akong makipag-usap sa mga tao.

Habang lumilinga upang makahanap ng pagtatanungan, napukaw ang aking interes nang dahil sa isang lalaking may kakaibang buhok.

"Ang ganda naman ng iyong buhok, sana ganiyan din kaganda ang akin." Tunay na kamangha-mangha. Mahaba at makinis, tila nagpaayos sa isang salon sa sobrang ganda nito. Nakagugulat rin sapagkat ako na isang babae ay hindi maayos-ayos ang buhok, ngunit ang kaniya ay parang hindi man lang niya pinagtutuunan ng oras.

"Mawalang galang na, ako ho ba ang kinakausap ninyo binibini?" hindi makapaniwalang tanong niya at isinara ang aklat na kaniyang binabasa, saka tumingin-tingin sa paligid na para bang naghahanap pa ng ibang tao bukod sa aming dalawa.

"Oo, ikaw lang naman ang may mahabang buhok dito. Nakamamangha talaga! Isa kang lalaki pero mas maganda pa ang lugay ng iyong buhok kaysa sa akin na isang babae," sagot ko at pinakitaan siya ng abot langit na ngiti.

"Ang isang tulad mong mestiza ay hindi nararapat makipag-usap sa isang hamak na kagaya ko," nakayuko niyang sambit na para bang ikinahihiya ang sarili.

"Ang baba naman ng tingin mo sa iyong sarili, naaalala ko tuloy ang sarili ko sa iyo noon. Hindi ka dapat nagpapatinag sa sinasabi ng iba. Ang iyong buhay ay para sa iyo lamang. Hindi mo dapat hinahayaan ang sarili mo na magpadala sa kung ano ang ayaw o gusto ng iba na ipagawa sa iyo. Masasayang lamang kung hahayan mo silang diktahan ang iyong tatahaking landas." Noon ay madali akong magpadala sa sinasabi nilang lahat sa akin. Kaunting puna lang ay dinaramdam ko na. Subalit natuto ako na matatalo ko sila sa pamamagitan ng aking sariling kasiyahan.

"Nalaman ko na ang aking kasiyahan ay hindi nakabatay sa kung ano ang kinalabasan ng aking mga nagawa o ang puna ng mga taong nakapaligid sa akin. Ang aking kasiyahan ay nakadepende sa kung gaano ako kagalak sa aking mga ginagawa, sa mismong proseso, sa aking mga natututuhan, kahit pa ilang beses man akong makagawa ng mga kamalian. Ang mahalaga ay may bagong matutuklasan, at alam ko na ang wastong gagawin sa susunod," pagpapatuloy ko sa aking mga sinasabi ngunit sa tingin ko ay hindi ko siya nahimok na maniwala sa akin.

"Hindi mababa ang tingin ko sa aking sarili, sadyang ganito lamang talaga ako. Pati na rin ang aking mga kamag-aral, sila na mismo ang nagsasabi na walang lugar ang mga katulad kong maralita. Isa lamang akong dukha na hindi karapat-dapat," pangangatwiran niya pa. Hindi ko na napigilan ang aking sarili na magalit. Hindi sa kaniya, kung hindi sa mga taong nambubuska sa kaniya. Napakabilis nilang magbitaw ng mga matatalim na kataga, hindi man lang inaalintana ang magiging epekto nito sa tao na kanilang kinukutya.

"Pakialam mo ba sa sinasabi nila? Sila ba ang nagpapakain sa iyo? Sila ba ang nagluwal sa iyo? Sila ba ang nagpakahirap magtrabaho upang ikaw ay makapag-aral? Hindi ba kaya ka nila inaapi ay dahil natatakot sila? Natatakot silang magpalamang sa taong hirap sa buhay. Sapagkat sila ay may mararangyang buhay subalit ikaw na sinasabihan nilang maralita ang mas nangingibabaw kahit limitado ang oras ng iyong pag-aaral. Naninibugho sila dahil sa iyong husay sa mga larangan, sa halip na purihin ka ay pinapangunahan sila ng kayabangan at hindi nila matanggap iyon kaya sinisiraan ka nila ng dangal. Nagpupuyos sila sa galit dahil silang mga nakaangat sa lipunan ay dinaig ng isang dukha!" Inis na inis ako habang nagpapaliwanag, hiningal pa nga ako, ngunit naglaho ang kunot sa aking noo nang masilayan ang kaniyang nagniningning na ngiti dahil sa mga salitang hindi ko napigilang sabihin. Totoo naman na naiinggit lang ang mga matapobreng iyon. Ad hominem pa ang ginamit para manalo. Mas matalino pa mag-isip ng debate ang mga bata.

Sa Harap ng Pulang BandilaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon